Normal na sa ating mga Pilipino ang magtanggal ng sapatos bago pumasok ng bahay. Ngunit alam niyo ba na nakakatulong ito para makaiwas sa sakit?
Ayon sa environmental microbiologist at research specialist sa University of Arizona na si Jonathan Sexton, napakarami raw bacteria na matatagpuan sa ating mga sapatos. Ayon sa kaniya, sa bawat hakbang raw na ginagawa natin ay napupuno ng kung anu-anong mga bacteria ang ating mga sapatos.
At ang ilan sa mga bacteria na ito, ay posibleng maging sanhi ng mga malulubhang karamdaman.
Ano ang nagagawa ng pagtanggal ng sapatos?
Dahil dito, mahalaga ang magtanggal ng sapatos bago pumasok ng bahay upang makaiwas sa sakit. Sa ganitong gawain, masisigurado mong hindi ka nagpapasok ng mga bacteria at kung anu-ano pang mikrobyo sa loob ng inyong tahanan.
Napakaimportante nito lalo na kung mayroon kang anak o sanggol na gumagapang sa sahig. Bukod sa mahina ang resistensya ng mga sanggol, sila rin ang pinaka-exposed sa mga bacteriang matatagpuan sa sahig. Kaya’t sila ang pinakatinatamaan ng sakit na nagmumula sa mga maduming sapatos.
Mahalaga rin itong gawin kapag mayroon kang mga bisita, o kaya kung bibisita ka sa isang bahay na mayroong bata o sanggol. Makakatulong ang pagtanggal ng sapatos upang mailayo sa mga sakit at kung anu-ano pang impeksyon ang mga bata.
Kaya’t hindi lang isang paraan ng paggalang ang pagtanggal ng sapatos bago pumasok sa bahay. Isa rin itong paraan upang mapanatiling malinis at malayo sa mikrobyo ang iyong tahanan.
Anu-ano pa ang ibang paraan upang makaiwas sa sakit?
Mainam na paraan upang makaiwas sa sakit ang pagtanggal ng iyong sapatos bago pumasok ng bahay.
Bukod sa pagtanggal ng sapatos, heto pa ang ilang mga simpleng paraan upang panatilihing malusog at malayo sa sakit ang iyong pamilya.
- Ugaliing mag disinfect ng mga gamit sa bahay kapag mayroong nagkaroon ng sakit. Nakakatulong ito upang hindi mahawa ang ibang tao sa inyong tahanan.
- Turuan ang iyong pamilya na maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon.
- Huwag magpasok ng mga sapatos sa loob ng bahay. Mainam rin kung mayroon kayong tsinelas na panloob, at tsinelas na panalabas ng bahay.
- Hangga’t maaari, huwag hayaang gumapang-gapang ang iyong anak sa mga maduduming lugar sa iyong bahay. Siguraduhing naglalaro sila sa mga lugar na malinis at ligtas para sa kanila.
Source: Live Science
Basahin: Iba’t ibang sakit, puwedeng makuha mula sa shower
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!