Ang shower ay ginagamit natin upang mapanatili ang ating kalinisan sa katawan. Pero ayon sa isang pag-aaral, maari rin itong magdulot ng karamdaman sa isang tao. Dahil ito sa mga mikrobyo at germs na matatagpuan sa shower head na ginagamit natin sa paliligo.
Ito ay napag-alaman sa pamamagitan ng isang pag-aaral na sumuri sa putik o slime na matatagpuan sa mga shower heads sa buong mundo. At habang tayo nga ay naliligo, mas nagiging expose tayo sa bacteriang ito na maaring magdulot ng kapahamakan sa ating kalusugan.
Mula sa DNA na nakolekta ng mga scientist sa 656 na household shower sa United States at sa tatlumpung bansa sa Europe, nakita sa pamamagitan ng isang biofilm ang mga buhay na bacteriang naninirahan sa putik na makikita sa mga showerhead.
“May isang mundo ng bacteria na naninirahan sa inyong showerhead at mas nagiging expose kayo rito habang kayo ay naliligo”, ayon ito kay Noah Fierer isang professor mula sa University of Colorado, Boulder.
“Karamihan sa mga ito ay harmless ngunit ang iba naman ay hindi. Dahil ito sa uri ng water treatment system na ating ginagamit at sa mga materyales na ginagamit sa mga tubong dinadaanan ng tubig na nakakaapekto sa pagdami ng mga bacteriang ito”, dagdag pa ni Fierer.
Isa nga sa uri ng mikrobyong naninirahan sa mga shower heads na makakasama sa ating kalusugan ay ang Mycobacteria.
Ano ang Mycobacteria?
Ang Mycobacteria ay pamilya ng mga bacteria na nahahati sa tatlong grupo sa pamamagitan ng sakit na maari nilang maidulot sa isang tao.
Ang unang grupo ay ang Mycobacterium tuberculosis complex na nagdudulot ng tuberculosis. Pangalawa ay ang M. leprae at M. lepromatosis na dahilan naman ng sakit na leprosy. At ang pangatlo ay ang Non-tuberculosis mycobacteria (NTM) o ang iba pang mycobacteria na nakakapagdulot naman ng mga pulmonary disease na kahalintulad ng tuberculosis, skin disease at iba pang nakakahawang sakit.
Napag-alamang ang mga bacteriang ito ay mas laganap sa mga showerhead na kung saan ang dumadaloy na tubig ay nagmula sa municipal tap water kumpara sa mga tubig na nagmula sa deep-well. Mas nabubuhay din ang mga bacteriang ito sa mga maiinit na lugar kung saan ang iba’t-ibang uri ng lung disease ay ang pangkaraniwang sakit.
Ayon sa isang report ng mga researchers sa American Society for Microbiology, mas laganap nga daw ang Mycobacteria sa mga showerhead na dinadaluyan ng municipal tap water. Dahil ito sa pagggamit ng chlorine disinfectant na nilalabanan ng mga bacteriang ito.
Maliban dito isang dahilan rin sa pagdami ng bacteriang ito ay ang materyal na ginamit sa showerhead ng isang banyo.
Ayon pa rin sa mga researchers, mas maraming bacteria ang kanilang nakita sa mga showerhead na gawa sa metal kumpara sa mga showerhead na gawa sa plastik.
Ngunit wala naman daw dapat ikatakot sa paliligo. Kailangan lang ang regular na paglilinis sa mga showerhead para mabawasan ang mga bacteriang naninirahan dito.
Ayon sa Frank Clinic of Chiropractic and Natural Healthcare, isang paraan para malinis ang inyong showerhead ay ang sumusunod:
Paraan ng paglilinis ng shower head
- Punuin ang isang plastic bag ng sukang puti.
- Itali ang plastic bag na may suka sa isang showerhead sa pamamagitan ng goma o rubberband.
- Kung maari, mas magandang tanggalin ang showerhead at ibabad ito sa plastic bag na may suka sa loob ng isang oras o higit pa.
- Gumamit ng panibagong plastic bag na may suka sa iba pang showerhead.
- Pagtapos ng ilang oras, tanggaling ang plastic bag na may suka at itapon ang sukang laman nito.
- Ibalik ang showerhead kung iyong tinanggal at buksan ang tubig sa shower para tuluyang mahugasan at mawala ang mga mikrobiyo dito.
- Dapat linisin ang mga showerhead tuwing anim na buwan.
Maari ding maligo gamit ang timba at tabo kesa gumamit ng shower para makaiwas sa mga mikrobyong ito. O kaya naman ay mas maiging palitan kada anim na buwan ang showerhead sa inyong banyo.
Ang kalinisan sa katawan nga ay hindi sapat para masiguradong magiging ligtas na tayo mula sa mga sakit. Dapat din nating panatilihin ang malinis na bahay na maaring pamahayan rin ng mga mikrobiyong nakakapagdulot ng kapahamakan sa ating buhay. Dahil ang kalinisan sa katawan ay nakikita rin sa pamamagitan ng malinis na bahay.
Sources: The Healthy Home Economist, Daily Mail
Basahin: Super bacteria, hindi na napapatay ng alkohol at hand sanitizer!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!