Habang lumalaki ang ating anak, dumarami rin ang mga bagay na kailangan nilang maintindihan at matutunan. Ayos lang bang makita ng anak na nakahubad ang kaniyang magulang? Basahin ang mga dapat mong malaman tungkol sa consent.
Mababasa sa artikulong ito:
- Okay lang bang makita ng anak na nakahubad ang kaniyang magulang?
- Pagbibihis sa harap ng iyong anak, may benepisyo ba?
- Mga dapat tandaan ng magulang tungkol sa consent at paghuhubad
“Nakita kitang hubo’t hubad, wala kang maitatago sa akin.” Ganito ang madalas na biro ng mga magulang sa kanilang anak. Sapagkat mula nga naman nang sila’y mga bata, tayo na ang nangangalaga sa kanila. Kaya halos kabisado natin ang bawat parte ng kanilang katawan.
Sa ating mga magulang naman, normal para sa atin ang makita tayo ng ating mga anak na nagbibihis, lalo na noong mga bata pa sila, dahil halos ayaw nilang mahiwalay sa atin sa lahat ng oras.
Subalit hanggang kailan ba ito normal at kailan ba tayo dapat na magtakip kapag nasa kuwarto ang ating anak?
Consent, boundaries at privacy
Habang lumalaki ang ating mga bata, may mga bagay na dapat nating maituro sa kanila para sa kanilang kaligtasan. Isa na rito ang ibig-sabihin ng mga salitang “consent,” “boundaries,” at “privacy.”
Sa kontekstong ito, ang consent ay pagbibigay ng pahintulot sa isang tao na gawin ang isang bagay sa ‘yo, o kaya naman gawin mo ang isang bagay para sa kaniya.
Kapag sinabing hindi ka nagbibigay ng consent, ibig sabihin ay hindi ka pumapayag sa anumang pinapagawa sa ‘yo ng isang tao, may kinalaman man ito sa iyong pangangatawan o wala.
Kakabit ng salitang consent ang boundaries. Tinutukoy nito ang hangganan na inilalagay ng isang tao sa ayon sa kung ano at hanggang saan kumportable sa kaniya. Dito pumapasok ang mga bagay na dapat at hindi dapat gawin.
Tinutukoy naman ng private o pribado ang isang bagay kapag ito ay pansarili mo lang. Kaya kapag humingi ka ng privacy, kadalasan, ang ibig sabihin nito ay gusto mo ng oras para mapag-isa.
Okay lang bang makita ng anak na nakahubad ang kaniyang magulang?
Ang usapin ng paghuhubad o pagbibihis sa harap ng iyong anak ay isang paraan para turuan ang bata tungkol sa consent, boundaries at privacy.
Sapagkat habang lumalaki sila, magkakaroon sila ng ideya kung ano ang tamang pangangalaga ng sariling katawan. Kung ano ang dapat pribado at hindi.
Kapag baby pa o wala pang 3-taong gulang ang bata, natural lang para sa kanila na makita ang ating katawan. Sapagkat wala pa silang kamuwang-muwang tungkol dito. Madalas, lagi rin silang nakadikit sa atin, kahit habang tayo ay naliligo o nasa banyo.
Pero pagdating ng edad 3 pataas, nagkakaroon na ng tanong ang mga bata tungkol sa kanilang katawan. Naiintindihan na rin nila ang ibig sabihin ng salitang naked o hubad.
Kaya dapat pa ba tayong magbihis sa harapan nila?
“There’s nothing inherently wrong with being nude with members of your family,” ani Paul Abramson, isang professor sa UCLA ng paksang human sexuality.
Ayon din sa isang pag-aaral na isinagawa noong 1998, wala namang masamang epekto na makitang nakahubad ng bata ang kanilang magulang sa edad na 3 hanggang 6.
Dagdag din ni Dawn Huebner, PhD, isang parent coach at may-akda ng librong “What to Do When You Worry Too Much,” “Nudity between parents and children is fine as long as both are fully comfortable.”
Sa katunayan, sinasabing may positibong epekto pa raw sa mga bata kapag nakikita nila ang katawan ng kanilang magulang.
BASAHIN:
5 dahilan kung bakit hindi dapat pinipilit ang bata na yumakap sa kamag-anak
#TAPMAM 2021: Ley Almeda – Ang nakaka-inspire na kwento ng isang dating single mom
Nagbibihis sa harap ng aking anak – may benepisyo ba?
Kung madalas kang makita ng anak mo na nakahubad habang nagbibihis o naliligo, huwag mag-alala, dahil mayroon naman itong mga mabuting naidudulot.
-
Mas convenient ito para sa’ yo
Kapag maliliit pa ang anak mo at kung maliit lang ang iyong bahay o natutulog kayo sa isang kuwarto. Marahil ay sanay ka nang magbihis sa harap niya, at sanay na rin siyang makita ang katawan mo.
Minsan kasi, walang ibang magbabantay sa bata, kaya isinasama natin sila KAHIT SAAN (maging sa pagligo) para masiguro natin na walang masamang mangyayari sa kanila.
-
Tinuturo nito sa bata na mahalin nila ang sariling katawan
Ayon kay Amy Lang, isang child sexual health educator, mas maganda na nakakakita ang bata ng karaniwang hitsura ng katawan kumpara sa mga larawan na maaari nilang makita sa mga palabas o sa internet.
Sa pamamagitan nito, nalalaman nila na maaaring magkaroon ng iba’t ibang hitsura, hulma at hugis ang katawan ng isang tao, at hindi lang iisa ang basehan kung ano dapat ang maging hitsura ng katawan nila.
-
Nababawasan ang malisya
Ayon kay Lang, nakakatulong ito para maintindihan ng bata na natural ang kanilang pangangatawan, maraming gamit ito (gaya ng pagpapadede) at hindi nila dapat lagyan ng malisya o ikahiya ang kanilang katawan.
-
Nagkakaroon ng pagkakataon na mapag-usapan ang mga mahalagang paksa
Sa paglaki ng bata, dumarami ang mga katanungan niya tungkol sa kaniyang katawan. Kapag nakita ng iyong anak na nakahubad ka, maaari siyang magtanong sa’yo ng mga bagay na hindi niya maintindihan.
Nagbibigay-daan ito para maturuan mo siya tungkol sa consent, boundaries at privacy, pati na rin tamang pangangalaga sa kaniyang katawan.
Paano ipinapatupad ang consent sa bahay – Mommy Ley
Dito sa Pilipinas, karamihan sa mga magulang ay may pagkakonserbatibo kaya naniniwala silang hindi dapat makita ng anak na nakahubad ang magulang.
Pero sa kabila nito, maaaring hindi rin nila naituturo nang maayos (o nahihiya silang pag-usapan) ang tamang pag-iingat sa katawan kaya may mga bata na lumalaking may malisya.
Buti na lang at unti-unti na ring natututo ang mga magulang na maging mas bukas sa mga bagay na ito.
Para sa mommy blogger na si Ley Almeda, napakaimportanteng usapin ng boundaries at consent para sa mga bata. Kaya naman maaga pa lang ay tinuturuan na niya ang kaniyang tatlong anak (isang lalaki at dalawang babae) tungkol rito.
Sa kanilang tahanan, ang general rule ay kapag ang bata ay edad 2-taong gulang pababa, si Daddy ang nagpapaligo at nagpapalit ng diaper. Subalit pagdating ng edad na 2-taong gulang, nalilipat na ang tungkuling ito kay Mommy.
Pagkatapos naliligo, kinasanayan na rin ng mga anak ni Mommy Ley na nakatapis o nakatakip ang mga katawan nila at hindi ito ipinapakita sa ibang tao.
“We started early talaga para alam nila kung ano ‘yong tama, at ‘yon ang makasanayan nila.” aniya.
Kaya naman maagang natutunan ng kaniyang mga anak ang kahulugan ng boundaries. Ang isa sa kanilang anak, sa edad na 5, ay hindi na nagbibihis o gumagamit ng banyo nang nakabukas ang pintuan, at sa harap ng ibang tao.
Isa pang panuntunan sa bahay nila – pagdating ng edad 3, hindi na rin nagbibihis si Mommy Ley at ang kaniyang asawa sa harap ng kanilang mga anak.
Bakit? Ito ay para hindi malito ang mga bata kung tama ba o hindi ang pagbibihis sa harap ng ibang tao. Pagliwanag ni Mommy Ley,
“Ayoko silang makita na naked ng ibang tao, so pantay lang. Same lang ang rules.” aniya. “Hindi pwede na sila, hindi sila puwedeng makita nang nakahubad, pero si Mommy pwede. Ayoko rin silang ma-confuse na, ‘Bakit si Mommy, puwede maghubad?”
Naniniwala si Mommy Ley na dapat maging consistent at nag-a-apply sa lahat ang mga rules nila sa kanilang tahanan, at hindi dahil matanda, ay hindi na kailangang sumunod.
Mga dapat tandaan ng magulang tungkol sa consent at paghuhubad
Maging sang-ayon ka man na okay lang magbihis sa harap ng iyong anak o hindi. Narito ang ilang bagay na dapat mong alalahanin tungkol sa isyung ito:
-
Sa pagsasara ng pinto
Ibinahagi ni Mommy Ley ang kanilang rule na “Don’t lock, but always knock.” Ituro sa iyong anak ang magandang pag-uugali ng pagkatok sa nakasarang pinto bago ito buksan.
Para sa mga maliliit na bata, ipagbawal ang pag-lock ng pinto ng banyo o kuwarto. Para madali mo silang mapuntahan kung kailangan. Subalit ugaliing kumatok.
Puwede naman mag-lock ng pinto ang magulang, basta siguruhing ligtas ang iyong anak kapag iiwan mo sila para gumamit ng banyo.
-
Turuan ang bata na humingi ng privacy, at irespeto ito.
Kung gusto ng iyong anak na magbihis o maligo mag-isa, igalang ang kaniyang desisyon.
Pansinin din ang nararamdaman ng iyong anak tungkol rito. Sa ganitong paraan, matututo siya na dapat nirerespeto ang boundaries ng isang tao, bata o matanda man ito.
Dagdag pa niya,
“It is imperative that you respect your child’s wishes in terms of covering up or what they need in terms of their privacy,” ani Lang. “You want them to know that a safe adult respects a child’s boundaries.”
-
“May mga bagay na hindi natin ginagawa sa harap ng ibang tao.”
Ituro ang mga bagay na ito sa iyong anak. Halimbawa, puwedeng magsuot ng sapatos sa harap ng ibang tao, pero hindi puwedeng magsuot ng underwear sa harap ng iba. Okay lang maghugas ng kamay nang may kasama, subalit dapat mag-isa lang kung maliligo o gagamit ng banyo.
Gayundin, maging strikto sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan ng pangangatawan ng bata. Kapag may bisita o nasa ibang bahay, dapat magsuot ng maayos na damit. Takpan din ang mga pribadong bahagi ng katawan.
-
Ituro sa iyong anak ang mga pribadong bahagi ng kaniyang katawan.
Para mas matandaan ng bata, ito ang mga bahagi na natatakpan ng swimsuit. Pribado ito kaya dapat siya lang (at si Mommy) ang makakakita o hahawak nito. Gayundin, paalalahanan siya na hindi niya dapat hinahawakan ang pribadong bahagi ng katawan ng ibang tao.
-
Maging bukas sa pagsagot sa katanungan nila sa tungkol sa kanilang katawan.
Mas mabuting sa iyo magtanong ang anak mo sa paksang ito kaysa sa ibang tao. Kung hindi ka sigurado sa sagot, sabihin ito sa kanya kaysa bigyan siya ng maling impormasyon.
-
Maging malinaw at consistent sa iyong boundaries.
Iparating mo rin sa iyong anak kung hanggang saan lang siya puwedeng sumama sa ‘yo at kung kailangan mo ng privacy para magbihis. Sa mga ganitong panuntunan sa bahay, sikapin na naiintindihan ito ng bawat miyembro ng pamilya at walang exempted dito.
Konserbatibo ka man o nag-iingat lang, paalala ni Lang na dapat gawin ng magulang kung ano ang kumportable sa kaniya, basta maging handa siyang sagutin ang mga katanungan ng anak.
“Don’t start getting naked around your kids if you hate it. Equally, if you feel it’s normal, worthwhile, or practical to let your kids see you naked, do it. But make sure you’re comfortable explaining that.”
Source: