Kilalanin ang isang nakakabilib na TAP MAM honoree, si Mommy Ley Almeda.
Sa pagdiriwang ng International Women’s Month, malugod naming inihahandog sa inyo ang The Asian Parents Marvelous Asian Mums o TAP MAMs 2021, kung saan kinikilala namin ang 20 nakakabilib na kababaihang nagbigay ng mahalagang kontribusyon at nakatulong sa kanyang kapwa nanay at babae.
Mababasa mo sa artikulong ito:
- Ang nakaka-inspire na kuwento ni Mommy Ley Almeda
- Ang mga natutunan niya sa pagiging isang single mom
- Paano niya natagpuan ang kaniyang TOTGA?
Sa buhay, dumarating talaga ang mga panahon na parang gusto mo nang bumitaw. Pero hindi pwede ito kapag nanay ka. Sa halip na mawalan ng pag-asa, dapat lalong lumaban, lakasan ang loob at tibayan ang iyong pananalig. Ganito ang ginawa ng ating tampok na TAP MAM honoree, si Mommy Ley Almeda.
Si Mommy Ley ay isang blogger, influencer, negosyante, butihing may-bahay at isang hands-on homeschooling mom sa kanyang tatlong anak.
Nagsimula sa pagiging mag-isa
Sa pamamagitan ng kanyang blog, nakakatulong si Ley na magbigay ng pag-asa sa mga babaeng walang katuwang sa pagtataguyod sa kanilang anak. Bumuo rin siya ng isang support group para sa mga single moms.
Pero paano ba nagsimula si Mommy Ley sa pagsusulat ng blog?
Bata pa lang si Ley ay mahilig na raw siyang magsulat. Lagi siyang bahagi ng school paper mula pa noong grade school.
Nang mapunta siya sa ibang bansa, doon siya nabuntis sa kaniyang panganay na si Addy. Ang pagsusulat ang tumulong sa kaniya na maipahayag ang kanyang damdamin.
Pagkatapos niyang manganak, pinagpatuloy na niya ang pagsusulat para magbigay ng update sa kanyang mga mahal sa buhay na malayo sa kanya.
“When I got pregnant with Addy, I was in a foreign country and thought of having a virtual diary. I just wanted to express my emotions through writing. I know that one day, I will look back at those articles and appreciate all the challenges and roadblocks that we encountered. After giving birth, I continued sharing in my blog for my family to see the updates.” aniya.
Pero dahil sa maraming mga kababaihan ang nakaka-relate sa mga pinagdaanan niya, tinuloy na rin ni Ley ang pagsusulat sa blog para makatulong sa kanila.
“My first ‘why’ is very personal. It is all for me and my son. But after a while, I continued writing and sharing for other single parents out there. This is my second why. “
Pagbibigay ng pag-asa sa mga single mom
Dumami nang dumami ang nagbabasa ng blog ni Mommy Ley at dumami rin ang mga humihingi ng payo sa kaniya. Naiintindihan naman niya ang mga suliranin at sakripisyo ng mga single mom, kaya nagpasya siyang gumawa ng isang grupo na susuporta sa kanila.
“I want to be a wounded healer. I want to use my past trials and hurdles in a good way.” sabi ni Mommy Ley.
Gusto niyang iparamdam sa mga kapwa nanay na hindi sila nag-iisa sa kanilang laban. Gusto niyang ipaalala sa kanila na mayroong Diyos na nagmamahal sa kanila. “I want to be there to listen if they feel no one listens to them. I want to uplift those solo parents (may it be mom or dad, separated, annulled or widowed) and to remind them to trust in God. “ dagdag niya.
Single Mom hacks mula kay Mommy Ley Almeda
Bagama’t nahanap na ni Mommy Ley ang taong makakasama niya habang-buhay, hindi pa rin niya nakakalimutan ang mga natutunan niya sa pagiging isang solo parent. Ito ang baon niya sa pagiging isang ina sa tatlong anak, at ibinabahagi niya ang mga aral na ito sa mga single moms.
Narito ang ilan sa mahahalagang mom-hacks na gustong ibahagi ni Mommy Ley:
- Importante ang time management. Ikaw ang sole provider ng iyong anak, at kailangan mo rin bigyan ng oras ang iyong sarili.
- Magkaroon ng support system o grupo ng mga taong matatakbuhan at mapagkakatiwalaan.
- Maging honest ka sa’yong mga anak. Matuto kang magsabi ng NO. Maiintindihan ka nila.
- Matutong magpasalamat kahit sa maliliit na bagay.
- Makakapaghintay ang mga gawaing-bahay. Laging unahin ang pangangailangan ng iyong anak.
BASAHIN:
TAPfluencer spotlight: Ley Almeda’s journey from being a single parent to finding love again
#TAPMAM: Orange and Peach mompreneur Jasslyn Tan on educating and empowering women
3 things single moms can learn from heartbreaks
Paghanap sa kaniyang TOTGA
Naging masalimuot man ang buhay pag-ibig ni Mommy Ley sa umpisa, hindi niya naman pinagsisihan ito dahil nagbunga ito sa kaniyang anak.
Pero nangako siya na sa kaniyang sunod na relasyon, dapat ay tanggapin ng buong-buo ng taong ito ang kaniyang anak.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, natagpuan ni Mommy Ley ang lalaking muling nagpatibok ng puso niya. Ito ang kaniyang asawa na si JB.
Nagkakilala ang dalawa sa isang church organization na kanilang dinadaluhan. Nagsimula sila bilang magkaibigan at hindi nagtagal ay naging malapit sa isa’t isa.
Hindi lang kay Ley naging malapit si JB kundi pati kay Addy.
“We were friends before being BF-GF so it was easy already since they already know each other. They were kulitanmates. I also saw how he loves Addy. He is Addy’s first basketball coach. Addy’s first movie buddy. His friends also love Addy.” kuwento niya.
Dahil rito, ipinagdasal ng husto ni Ley ang kaniyang relasyon sa binata. Ayaw kasi niyang masaktan pati ang anak.
“The decision to marry him is something that’s connected to what I prayed for since day 1. I always pray to God to protect my heart and Addy’s. If he is not the one, please remove him from my life because he is not just breaking one heart but two.” aniya.
Pero tila si JB talaga ang tinadhana ng Diyos kay Ley. Ikinasal ang dalawa at ngayon ay masaya nang nagsasama kasama ang mga anak na sina Addy, Amanda at Ariana.
Kaya naman payo niya sa mga single mom na naghahanap ng makakasama: “Pray for your TOTGA. The One That God Allowed. People leave for a reason.”
Paraan nang pagtuturo ni Mommy Ley
Ang mga magulang naman ni Ley ang nagsisilbing inspirasyon sa kanya sa pagtataguyod at pagpapalaki sa kaniyang mga anak.
Bilang ina, siya ay isang hands-on mom. Pero nagagawa niyang pagsabayin ang pag-aalaga sa mga bata at pagtatrabaho sa pamamagitan ng pagiging wais sa kaniyang oras.
Homeschooled ang kanilang mga anak, kaya humahanap si Mommy Ley ng mga paraan para turuan sila ng mga lesson at gamitin ang kanilang natutunan sa tunay na buhay.
“Especially in this season wherein all of us are working at home, it is very challenging to separate work and life because they are now integrated and not separated. So example, while we are doing household chores, I integrate lessons at school. I work while the kids are sleeping. Check what works for your family.” turo ni Mommy Ley.
Pero kung mayroon mang aral na gusto niyang matutunan ng kaniyang mga anak, ito ay ang maging matapang sa mga pagsubok ng buhay.
“I always say, do it afraid. Why? we can never be ready for anything in life. I want them to Allow themself to feel things fully. Lean into pain, revel in your joy, and don’t put limitations on your feelings.”
Gayundin, gusto niyang matandaan nila na gawing sandalan ang isa’t isa, ang Diyos at kanilang mga magulang sa lahat ng bagay.
“I want them to support each other and value family like what they are experiencing now. When all things fail, I want them to always go back to the source of everything, which is God. I want them to always remember that Mom and dad love them always, all ways. “
Si Mommy Ley Almeda ay isang inspirasyon hindi lang para sa mga single moms o homeschooling moms, kundi sa lahat ng mga babae na dumaraan sa mga pagsubok subalit hindi nawawalan ng pag-asa at patuloy na lumalaban.
Huling paalala ni Mommy Ley sa mga kapwa babae:
“Your past does not define your future. you can learn and grow from mistakes. Embrace your past. You’re constantly changing and growing from who you once were into who you are today and who you will be one day.”