Sinasabi ng ilan na kapag nagkaroon ka na ng love life ay tuluyan ka ng magiging masaya sa buhay. Ngunit para sa ilan, isa itong kalbaryo dahil sa pagkakaroon naman ng malungkot na relasyon.
Ano nga ba ang dahilan bakit nagkakaroon ng kalungkutan sa isang relasyon? At may magagawa ba upang maagapan ito?
Bakit nagiging malungkot ang relasyon ng ilang couple
Isa sa mga dahilan kung bakit nagiging malungkot ang relasyon ng ilang mag-asawa ay dahil hindi na ito tumatakbo ng tama at naapektuhan din nito ang iba pang aspeto ng kanilang buhay gaya ng career, finances, pananaw sa buhay at iba pa.
Lumabas sa resulta ng survey na 2018 Pew Research Center na 28% ng mga taong hindi kuntento at malungkot sa relasyon nila sa kanilang asawa at pamilya ay nagsasabing nakakaramdam sila ng labis na kalungkutan sa buong buhay nila.
Nakakabahala ito dahil dumarami ang mga taong may malungkot na relasyon. Ito ay ayon sa General Social Survey na ginawa ng University of Chicago kung saan naitala ang 2016 bilang taon na may pinakamaraming malungkot na mag-asawa, mas marami simula ng gawin ang taunang pagtatala noong 1974.
“Even in the very best of relationships, there are going to be those times when one or both partners may have drifted apart and feel somewhat distant and estranged from one another,” sabi ni Dr. Gary Brown, licensed family and marriage therapist sa Los Angeles, USA.
Mga contributing factor sa pagiging malungkot ng tao sa isang relasyon
1. Hindi pagpapahayag ng tunay na nararamdaman at mga kahinaan kapag may problema
“One contributing factor to loneliness is not talking about your feelings or sharing things that are maybe a little less safe and risky to share,” sabi ni Dr. Jenny Taitz, clinical psychologist at may-akda ng How to be Single and Happy.
Dagdag niya: “You could be close to someone but they might not know the more personal things about you.”
2. Pagkumpara ng sariling relasyon sa mga nakikita sa social media
Ang pagkumpara ng inyong pagsasama sa mga bagay na nakikita sa social media ang isa sa mga nakakapagpalungkot sa relasyon ng mag-asawa. Nakakalimutan ng bawat isa ang mga magagandang bagay na mayroon sa kanilang pagsasama dahil sa inggit sa iba.
“Let’s say it’s Valentine’s Day, for instance, and you had a nice dinner. But then you go on social media and other people got really beautiful jewelry or flowers. That will automatically make you feel lonely.” sabi ni Dr. Taitz bilang halimbawa.
Ang pagkukumpara ang isa sa mga pinag-uugatan ng pagkakaroon ng distansya sa isa’t-isa ng mga mag-asawa. Ang distansya na ito ang nagiging dahilan ng malungkot na relasyon nila.
Lumabas din sa isang pag-aaral na nailathala sa American Journal of Preventive Medicine noong 2017 na ang mga taong gumugugol sa social media ng higit sa 2 oras kada araw ay doble ang tiyansa na makaramdam ng kalungkutan kumpara sa mga taong gumugugol ng mas mababa sa 2 oras.
3. Depressed ang isa o pareho bago pa man sila pumasok sa isang relasyon
Ang mga taong malungkutin o na-diagnosed na clinically depressed ay maaaring magkaroon ng bigong relasyon sa ibang tao.
Lumabas sa isang pag-aaral noong 2016 na ang pagiging malungkutin ay namamana rin kaya may mga taong laging bigo na magkaroon ng kahit simpleng friendly relationship sa kapwa o mabuting relasyon sa kanyang pamilya.
Ang ilang malulungkot na tao ay pumapasok sa isang relasyon dahil umaasa silang magiging masaya sila kapag nagkaroon ng katuwang sa buhay. Iniisip nilang mapapasaya sila ng kanilang mapapangasawa.
“People hope for this other person to be the solution to their existential aloneness in the world, but normally that’s not [the case],” sabi ni Dr. Niloo Dardashti, isang psychologist at relationship expert na nakabase sa New York City.
“There’s not this person who’s going to take [away] that alone-ness.” dagdag niya.
Ano ang dapat gawin upang maagapan ang pagkakaroon ng malungkot na relasyon
1. Magkaroon ng bukas na komunikasyon sa isa’t-isa
“The very first thing to do is to become self-aware of what you are feeling and then to approach your partner and begin what will probably be a series of conversations,” payo ni Dr. Brown.
Dagdag pa niya: “This needs to happen in a way that your partner doesn’t feel judged; [it’s] more to simply let them know what your experience is.”
2. Iwasan ang paggamit ng masasakit na salita
Kaakibat ng pagkakaroon ng bukas na komunikasyon ay ang wastong paggamit ng salita sa iyong asawa, lalo na kapag kayo ay nagtatalo.
Ang mga tao ay may tendensiyang makapagbitaw ng masasakit na salita kapag galit kaya ipinapayo ng mga relationship therapist na pigilan muna ang sarili na magsalita kapag nagagalit o magpalamig muna ng ulo bago makipag-usap sa asawa.
Sa ganitong paraan naiiwasan ang panghahamak sa asawa at mas mareresolba ng maayos ang isang problema.
Maiiwasan din ang paglilihim sa isa’t-isa dahil sa buong pagtitiwala.
3. Subukang ilagay ang sarili sa sitwasyon ng iyong asawa
May mga pagkakataon na hindi natin nauunawaan ang ating mga asawa sa ilang argumento. Kaya naman ipinapayo na pakinggan ang kanyang saloobin at subukang ilagay ang sarili sa kanyang sitwasyon.
Ang layunin ninyo ay parehong maresolba ang inyong problema. Hindi masama ang magpakumbaba sa iyong asawa.
Kung hindi pa rin maresolba ang problema sa ganitong paraan, subukang magpatulong sa mga relationship experts.
“If you feel stuck around certain issues or have a hard time communicating effectively with your partner and [you] value your relationship, there are evidence-based couples therapies that can help you increase closeness in a set number of sessions by teaching you skills,” sabi ni Dr. Taitz.
4. Lumabas kasama ang inyong pamilya o mga kaibigan
Kung minsan, may mga pagkakataon na nakakalimutan na natin ang paglilibang dahil sa dami ng trabaho kaya nakakaramdam din tayo ng kalungkutan sa ating sarili.
Ang paglabas kasama ng inyong pamilya o mga kaibigan kahit paminsan-minsan ay makatutulong sa iyo upang maging masaya at pansamantalang malihis ang atensyon sa mga bagay na nakapagdudulot ng kalungkutan.
Maaari mo ring i-date ang iyong asawa. Kailan ba kayo huling nag-date nang hindi kasama ang mga bata? Mag-set ng mga date kasama ang iyong asawa, kahit walang ispesyal na okasyon, upang mas lalong mapagtibay ang inyong pagsasama.
Source: Time
Images: Shutterstock
BASAHIN: Paano naapektuhan ng labis na kalungkutan ang ating kalusugan