Marian Rivera medyo naghihinay-hinay na sa pananamit ng sexy para sa only daughter niyang si Zia. Nandito ang paliwanag ng aktres kung bakit.
Mababasa dito ang mga sumusunod:
- Pag-iingat ni Marian Rivera sa pananamit para sa only daughter niyang si Zia
- Marian Rivera bilang isang ina
Pag-iingat ni Marian Rivera sa pananamit para sa only daughter niyang si Zia
Marami ang humahanga sa aktres na si Marian Rivera hindi lang sa husay niya sa pag-arte kung hindi pati narin na sexy niyang katawan at magandang mukha. Sa katunayan, si Marian ay itinanghal na FHM sexiest woman ng tatlong beses na.
Sa panayam sa kaniya ng hair stylist na si Celeste Tuviera sa YouTube channel nito ay ibinahagi ni Marian na pagdating sa mga pananamit ng sexy sa ngayon ay nag-iingat o naghihinay-hinay na siya. Ito ay dahil sa anak niyang si Zia na ayon kay Marian ay mature ng mag-isip at kailangan niyang maging mabuting halimbawa.
“Si Zia medyo matured siya mag-isip e. So kung the way kung paano ako manamit, makikita niya yun so magtatanong siya.”
“Minsan nagde-dress ako sabi niya. ‘Oh Mom, you look so gorgeous. I like that dress. Can I borrow that when I grow up?’ May ganun na siya. So para sa isang nanay kailangan kong maging conscious sa pinapakita ko sa anak ko at sa mga damit na isinusuot ko kasi in time ganoon din siya.”
Ito ang paliwanag ni Marian sa paghihinay niya sa pananamit ng sexy ngayon. Ganoon rin sa pagtanggap ng mga sexy roles sa mga proyektong inaalok sa kaniya.
Pero sabi pa ng aktres, hindi naman siya nag-totally hihinto sa pagpapa-sexy. Lalo na kung para ito sa kaniyang mister na si Dingdong Dantes.
“But I will not say no for sexy. Definitely kailangan ‘yan not for anyone but for my husband. I will do it for my husband.”
Lalo na daw sa mga oras na lumalabas o nagde-date silang mag-asawa. Doon ay bahagya siyang nagpapakita ng kaseksihan niya. Hindi lang para sa kaniyang asawa, kung hindi para narin sa kaniyang sarili. Dahil ang pananamit at pagiging sexy, passion na daw ni Marian talaga.
“May mga pa-dress ako na labas cleavage ako o may pa-sexy something ako na hindi ‘yan mawawala sa akin. Kasi passion ko yan e. Kasi gusto ko siya not for anyone but for myself.”
“Hindi naman masamang magpakita ng cleavage o may peek-a boo sa gilid pero yung decent pa rin.”
Ito ang sabi pa ni Marian tungkol sa istilo niya ng pananamit sa ngayon na siya ay may asawa at anak na.
BASAHIN:
Marian Rivera biniro ni Urvashi Rautela sa pagkakaroon muli ng baby: “3rd one coming soon”
Angelica Panganiban reveals gender of her first baby: “I have my mini me!”
Marian Rivera bilang isang ina
Pagdating sa pagpapalaki ng mga anak, sina Marian at Dingdong ay nagwo-work daw as a team.
Sa kabila ng kanilang career ay sinisiguro nila na ang kanilang mga anak ang nangunguna sa kanilang mga priorities.
“Kapag ang isa mayroong trabaho, kailangan nandun ‘yong isa para sa mga bata. Hindi kami puwedeng sabay magtrabaho.”
Ito ang sinasabing panata ni Marian pagdating sa mga anak niya. Dahil bilang isang ina, kakaibang saya daw ang naibibigay sa kaniya na makitang lumalaki ang mga anak na nasasaksihan niya at kasama siya.
“I make sure kay Dong na talagang aalagaan ko ang mga anak ko. Sabi ko talaga, clearly ang priority ko talaga ay family, yung mga anak ko. And everything is to follow na lang talaga.”
“Nakikita ko silang lumalaki, nakikita ko kalokohan nila. As a mom, natutuwa ako sa journey nila na yun na kasama ako.”
Ito ang masayang kuwento pa ni Marian. Pero magkaganoon man, pagdating sa pagdidisiplina ng mga anak ay si Marian daw ang nakatoka. Isang bagay na napagkasunduan rin nila ni Dong para sa ikabubuti ng mga anak nila.
“Ako ‘yong bad cop e. Si Dong very loveable yan sa mga anak niya. Mine-make sure niya talaga na binibigyan niya ng time ng mga anak niya.”
“Sinasabi niya na ikaw na lang yan. Kasi ikaw lagi kang nasa bahay, maiintindihan ka nila. Baka pag ako ‘yong nagalit tapos wala pa ko sa bahay baka mas magtampo sila.”
Kung mayroon nga daw isang aral na laging pinapaala si Marian sa mga anak niya ay ang pagpapahalaga sa kapwa nila. Ito ang paniniwala ni Marian na isang bagay na magiging gabay nila para lumaki silang mabuting tao na pinapangarap ng lahat ng magulang sa kanilang mga anak.
“Sinasabi ko kay Zia, kailangan lumaki kang mabuting tao kasi ‘yang mga materyal na yan, lahat yan mawawala. Pero kung paano magpahalaga sa kapwa mo, yan ang mahalaga.”
Ito ang kuwento pa ni Marian Rivera.