Maricel Laxa inalala ang mga panahong nabubuhay pa ang amang si Tony Ferrer. Ibinahagi rin ng aktres ang tagpo na kung saan ipinakilala siyang pamangkin ng ama sa mga kapatid niya.
Mababasa sa artikulong ito ang mga sumusunod:
- Pag-alala ni Maricel Laxa sa amang si Tony Ferrer.
- Maricel minsang ipinakilalang pamangkin siya ng ama sa mga kapatid niya
- Paano pinatawad ni Maricel Laxa ang kaniyang ama
Pag-alala ni Maricel Laxa sa amang si Tony Ferrer
Maricel Laxa kasama ang amang si Tony Ferrer at kapatid na si Mutya Ferrer/ Image from Maricel Laxa’s Facebook account
Si Maricel Laxa ay kilala bilang isa sa mga mahuhusay na aktres sa industriya ng showbiz dito sa Pilipinas. Ang kaniyang galing ay sinasabing nagmula sa impluwensiya ng kaniyang mga magulang.
Siya ay anak nina Imelda Ilanan, isang aktres at Anthony Laxa aka Tony Ferrer, isang action star at tinaguriang ‘James Bond of the Philippines’.
Sina Imelda at Tony ay hindi naikasal, bagamat nagbunga ang pagmamahalan nila sa katauhan ni Maricel. Si Tony Ferrer ay yumao na nito lamang 2021 dahil sa sakit sa puso at komplikasyon ng diabetes sa edad na 86.
Sa pamamagitan ng panayam sa kaniya ng broadcaster na si Karen Davila sa YouTube channel nito ay ikinuwento ni Maricel kasama ang mister niyang si Anthony Pangilinan ang mga panahong nabubuhay pa ang ama.
Kuwento ni Maricel, nagpapasalamat siya sa kaniyang ina na pinalaki siyang puno ng pagmamahal. Ito rin daw ang gumawa ng paraan para makilala niya ang ama na hindi rin naman nagkulang at nagpakatatay naman sa kaniya.
“Growing up I was always made to feel favored, and love and cared for by my mom. Naramdaman ko rin yung ganoon na attention, ng pagmamahal sa side ng daddy ko pati rin sa daddy ko.”
Ito ang kuwento ni Maricel. Bagamat sabi ng aktres, may isang bagay na ginawa ang ama na labis na nakasakit sa kaniya. Ito ay nagdulot ng tampo na matagal ring naalis ng aktres sa puso niya. Ito ay nang ipakilala siyang pamangkin ng ama sa mga anak nito sa kaniyang bagong pamilya.
Maricel minsang ipinakilalang pamangkin siya ng ama sa mga kapatid niya
Sinariwa ni Maricel Laxa ang pangyayari kung saan itinago siya ng kanyang ama na si Tony Ferrer sa iba pa nitong kapatid.
“Pero may time kasi na kailangang protektahan rin ng daddy ko yung pamilya niya. Pinakilala niya ako na pamangkin niya sa mga kapatid ko.”
“It was a major pain that I’d experienced that time. Kasi hindi ko siya naintindihan pero kinausap ko yung daddy ko. Sabi ko ‘bakit kailangang mangyari yun ?’”
“Kasi hindi pa nila maiintindihan.”
Ito daw ang sinagot sa kaniya ng ama kung bakit kailangan nitong itago na siya ay anak nito. Kaya naman sa kabila ng pagmamahal at atensyon na ibinibigay sa kaniya ay nasaktan at nagtampo si Maricel.
Ang damdamin niyang ito ay matagal niya ring itinago at i-deniny na nararamdaman niya.
“But I knew I was loved. I knew I was special. But somehow there was a question na ‘Would I be acknowledged?’ Hindi lang siguro tampo yung naramdaman ko. It’s really something that I couldn’t figure out in my heart and in my head.”
Ito ang kuwento pa ni Maricel.
Image from Maricel Laxa’s Facebook account
BASAHIN:
Katalinuhan nina mommy at daddy, pwede bang mamana ni baby? Heto ang sagot ng mga experts
Zeinab Harake nakunan, pumanaw ang anak: “Bantayan at palakasin mo kami palagi”
Beauty Gonzalez binahagi ang kanyang laban sa imposter syndrome: “Sometimes you feel you don’t belong where you are”
Paano pinatawad ni Maricel Laxa ang kaniyang ama
Kuwento naman ng mister ni Maricel na si Anthony Pangilinan, bagamat hindi nagsasalita ang aktres ay mararamdamang may galit ito sa ama hanggang noong sila ay mag-asawa na.
Ito daw ay napansin ni Anthony noong mga panahong nagtanong ang kanilang mga anak kung bakit puro tatay lang ni Anthony ang nakakasama nila.
Hindi rin naman sila pinagbawalan ng ina na kitain ang Lolo Tony nila. Pero hindi daw ito sumasama at nakikinig lang sa mga kuwento ng anak tungkol sa naging bonding time nila sa kanilang Lolo Tony.
Image from Maricel Laxa’s Facebook account
Noong mga panahong iyon, habang pinapakinggan ang magagandang kuwento ng anak tungkol sa kanilang Lolo Tony ay unti-unti ng lumalambot ang puso ni Maricel. Pero isang milagro daw na nawala ang mga negative feelings niya sa ama sa mga huling oras nito bago tuluyan ng mamaalam sa kanila.
Si Maricel, hindi makapaniwala noong ipatawag siya ng doktor at sinabing oras nalang ang itatagal ng ama niya. Kasama ang kaniyang mga kapatid sa ama ay kinausap sila nito.
Ito daw ang mga sinabi ng ama at tagpo na kung saan nawala na ang itinatagong tampo at galit noon ni Maricel.
“Yung mga kapatid ko andoon, lahat kami andoon then tinanong kami ng daddy ko. ‘May atraso ba ako sa inyo?’ Nagtinginan kaming lahat. Sabi naming, ‘Kami wala, wala kang atraso samin.’ ‘Ok good. Ok tayong lahat.’ ‘Yes Dad ok tayo’.”
“After maybe 48 hours he passed. All of us were prepared to actually answer him na wala siyang kailangang dalhin na hinanakit pag umalis siya.”
Noong mga oras na iyon, kuwento ni Maricel ay biglang nawala ang tampo at galit niya sa ama. Bagamat ito ay napalitan ng panghihinayang na sana mas maraming oras ang nakasama niya ito. At pinili niya nalang isangtabi ang tampo at galit niya noon.
“Yung biggest thing na kailangan kong to heal from is the fact na why do I have to wait so long to have those little tampos be erased?”
Sa naging karanasan ay may aral na natutunan si Maricel. Ito ay ang magpatawad at ang huwag hayaang sirain ng iyong nakaraan ang saya ng buhay mo sa kasalukuyan.
“Do not let the pleasant people of your present pay the price of the painful people of your past.”
Ito ang eksaktong sinabi ng mister niyang si Anthony Pangilinan sa naturang panayam.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!