Marikina public market ipinasara ni Mayor Marcy Teodoro matapos mamatay ang isang vendor dahil sa COVID-19.
Marikina public market
Image from Freepik
Isang 72-year old vendor ang namatay matapos itong magkaroon ng COVID-19. Kaagad namang ipinasara ni Mayor Marcy ang Marikina public market upang ma-decontaminate at masiguro na wala ng ibang infected sa lugar. Ang mga kaanak at mga kalapit naman na bahay ng biktima ay nakasailalim sa clustered quarantine. Inatasan naman ang barangay na bigyan sila ng relief goods upang hindi na nila kailanganing lumabas ng bahay.
Lockdown at mass testing sa Marikina
Image from Freepik
Dahil sa pangyayari, nag-utos na rin si Mayor Marcy ng lockdown upang hindi na muna makapasok ang mga hindi taga-Marikina. Sinabi rin ng mayor na mahalaga ang mass testing dahil katulad sa Valenzuela, marami sa mga taong asymptomatic ang nagpositibo sa COVID-19.
Kung hindi raw kasi ite-test ang mga Persons Under Monitoring o PUMs katulad ng utos ng Department of Health, hindi rin masisigurong matatapos ang pagkalat nitong sakit.
Ayon sa kanya, “mali ang DOH dun, ang tingin ko dahil sa kakapusan ng pasilidad, kakapusan ng kakayaan nilang mag-test isinusunod nila ang policy dun eh, and the policy kung sinusunod mo based on your capacity, does not follow or hindi nangangahulugan na tama ang polisya mo o nakakatulong talaga.”
Marikina City Molecular Diagnostic Laboratory
Image from Freepik
Ngayong Martes naman magbubukas ang Marikina City COVID-19 Molecular Diagnostic Laboratory kung saan maaari na silang makapag-simula ng swab testing.
Bagama’t hindi pa inaaprubahan ng DOH ang naturang laboratory, ito ang naging pahayag ni Mayor Marcy,
“Hindi nila (DOH) binibigay ‘yung license to operate, pero ang tanong ko ay ito: may krisis e, kailangan pa ba ‘yun?”
Binigyan ni Mayor Marcy ng hanggang Biyernes noong nakaraang linggo ang ahensya para magbigay ng kanilang rekomendasyon. Ngunit sinabi lang ng DOH na ang laboratory ay 80-90 percent complete pa lamang.
Ayon kay Health Assistant Secretary Vergeire,
“Naiintindihan po namin ang inyong kagustuhan na mapabilis ang proseso ng testing sa inyong lugar, ngunit ang hindi pagsunod sa tamang proseso ay magdudulot po ng undue harm sa inyong mamamayan.”
Ang naturang laboratory ay kayang mag-accommodate ng 400 samples kada-araw. Ito rin daw ay lagpas sa standards ng mga awtoridad. Sa kasalukuyan, mayroong 7 thousand na test kits ang lungsod at ito ay mula sa University of the Philippines.
Ang mga rapid test kits naman ay kayang ma-process sa loob lamang ng 15 minutes. Maari raw na makuhanan ng samples ang mga ite-test kahit na sila ay nasa kanilang bahay lamang. Ang sample naman ay saka dadalhin sa laboratory upang masuri.
Sa ngayon, mayroong 59 na positibong kaso sa Marikina at inaasahang dadami pa ito sa oras na magsimula ang mass testing.
Source:
ABS-CBN News, CNN
Basahin:
COVID-19 cure baka handa na sa mga susunod na araw, ayon kay Pres. Duterte
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!