Masyadong sensitive ang feelings mo? Ito ang mga palatandaan!
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga palatandaan na ikaw ay Highly Sensitive Person.
- Mga posibleng dahilan kung bakit nagiging masyadong sensitive ang feelings ng isang tao.
- Dapat gawin kung masyadong sensitive ang feelings mo.
Ano at sino ang mga highly sensitive person o HSP?
Ang katagang highly sensitive person o HSP ay binuo ng mga psychologists na sina Elaine Aron at Arthur Aron noong 1990s. Tumutukoy ito sa mga taong may increase o deeper central nervous system sensitivity sa physical, emotional at social stimuli. Sa madaling sabi ito ay isang taong na masyadong sensitive ang feelings o pakiramdam.
Woman photo created by tirachardz – www.freepik.com
Ayon pa rin kanila Elaine at Arthur Aron, may 20% ng ating general population ang makokonsidera na highly sensitive person. Isa umano sa pangunahing dahilan nito ay genetics o ang trait na ito ay tumatakbo na sa dugo ng isang pamilya.
Pero maliban dito, ang ilang pang dahilan kung bakit nagiging masyadong sensitive ang isang tao ay ang sumusunod. Ito ay ayon sa isang artikulo na nailathala sa health website na Healthline.
Dahilan kung bakit nagiging highly sensitive ang isang tao
- Kulang sa tulog.
- Hindi nag-i-exercise.
- Hindi pagkain ng healthy diet.
- Nakakaranas ng stress, anxiety at depression.
- Nakakaranas ng big o major event sa buhay.
- May lumisang minamahal.
- Trauma.
- Hormonal imbalance.
- May ADHD o Attention deficit hyperactivity disorder
- Personality disorders.
Ayon naman sa professor at author na si Preston Ni, may 24 na ugali ang makikita sa isang highly sensitive na tao. Ang mga ugaling ito ay kaniyang hinati sa tatlong categories.
Una, ang pagiging sensitive ng isang tao sa kaniyang sarili. Pangalawa, ang pagiging sensitive sa kapwa niya o ibang tao. Panghuli ay ang pagiging sensitive sa kaniyang kapaligiran o environment. Sa ilalim ng kategoryang ito ay narito ang 24 na palatandaan na masyadong sensitive ang feelings o isa kang highly sensitive person.
Signs na masyadong sensitive ang feelings mo o isa kang highly sensitive person
Sensitivity Sa Sarili
- Madalas ay hirap kang mag-let go sa mga negative thoughts at emotion na iyong nararamdaman. Tulad na lamang sa hirap kang magpatawad dahil sa hindi agad na maalis sa isip mo ang pagkakamaling ginawa sa ‘yo ng isang tao kahit mababaw o maliit na bagay lang ito.
- Madali kang ma-stress o sumakit ang iyong ulo sa oras na makaranas ka lang ng hindi magandang bagay sa isang araw.
- Naapektuhan ng bad experience mo sa isang araw ang eating at sleeping habits mo. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng hirap sa pagkain o pagtulog dahil sa patuloy na kakaisip sa pangit na experience mo sa isang araw.
- Madalas kang nakakaranas ng tension at anxiety.
- Masyado mong sinisisi ang sarili mo kapag may isang bagay na hindi nasunod sa gusto mo. O kahit sa mga maliliit na pagkakamali na hindi mo naman kontrolado. Tulad na lamang sa hindi pagiging top ng anak mo sa school na isinisisi mo agad sa hindi mo pagiging isang mabuting magulang. Bagama’t malaki ang role o maitutulong mo sa school performance ng anak mo, maraming factors din ang maaaring makaapekto nito. Halimbawa na lamang ng willingness niyang matututo o magpakitang gilas sa school.
- Takot ka sa rejections kahit sa maliliit na bagay lang.
- Madalas mong ikinukumpara ang sarili mo sa iba at nagiging malungkot ka sa tuwing ito ay iyong ginagawa.
- Nagagalit ka agad o sumasama ang loob mo sa mga sitwasyon sa iyong buhay o sa lipunan na iyong ginagalawan na maituturing na nakakainis o unfair. Gaya na lamang sa hindi pagsorpresa sa ‘yo ng asawa mo noong birthday mo, tulad nang ginawa ng mister ng kumare mo.
Person photo created by Racool_studio – www.freepik.com
Sensitivity sa kapwa o ibang tao
- Sa bawat kilos na gagawin mo ay lagi mong iniisip ang sasabihin ng ibang tao.
- Kahit ang mga simpleng biro sa ‘yo sa opisina o trabaho ay masyado mong agad na pine-personal.
- Hirap kang i-let go o kalimutan ang mga maliliit na bagay na ginawa ng kapwa mo na offensive para sa ‘yo. Gaya na lamang ng simpleng pagbibiro na kaya ka hindi pinapakasalan ng asawa mo dahil hindi ka niya mahal. Kahit ito naman ay dahil hindi pa sapat ang budget ninyo.
- Madali kang na-o-offend o masaktan sa mga simpleng biro.
- Tinatago mo sa sarili mo ang mga negative feelings na nararamdaman mo dahil naniniwala kang nakakahiya ito o hindi dapat ipaalam sa iba.
- Puwede rin namang mahilig kang mag-share ng negative emotions mo sa ibang tao. Sapagkat pakiramdam mo kawawa ka o masyadong natatapakan ang pagkatao mo.
- Nahihirapan kang tanggapin ang mga critical feedback sa ‘yo ng ibang tao kahit na ba ito’y ginawa sa maayos na paraan. Tulad na lamang ng pagpapayo sa ‘yo ng biyenan mo na baka makatulong kung kukuha ka na ng yaya sa mga anak mo para hindi ka mahirapan. Pakiramdam mo agad, ginagawa niya ito dahil nakukulangan siya sa efforts mo bilang isang magulang.
- Lagi mong iniisip na na-jujudge ka ng ibang tao kahit wala ka namang ebidensya na totoo ito. Tulad na lamang sa nabanggit na halimbawa sa itaas.
- Nag-o-overreact ka agad sa mga simpleng biro o pahaging sa ‘yo kahit alam mo namang hindi ito totoo. Tulad ng biglang pag-iiyak matapos kang biruin na naging balyena o losyang ka na ng mag-asawa.
- Nahihirapan ka kapag may iba kang kasama na hindi mo kilala.
- Natatakot kang ma-reject ng partner mo. Kaya naman kahit may gusto ka ng sabihin sa kaniya ay natatakot kang mag-open up sa feelings o nararamdaman mo.
Sensitivity sa environment o paligid mo
- Hindi ka komportable sa lugar na maraming tao o maraming nagsasalita. Feeling mo ay nakatingin sila lahat sa ‘yo o ikaw ang pinag-uusapan nila.
- Sensitive ka sa maiilaw, maiingay o kahit sa mga matatapang na amoy o pabango.
- Madali kang magulat sa mga biglang kalabog, mabilis na sasakyan o taong sumisigaw.
- Madali kang nalulungkot o naapektuhan sa mga negative news na nababasa mo. Ayaw mong manood ng mga palabas na nakakatakot o may labis na karahasan.
- Nakakaramdam ka agad ng lungkot sa mga nababasa mong negative post sa social media.
BASAHIN:
12 signs na ikaw ay nasa isang emotionally abusive na relasyon
Ano ang dapat mong gawin?
Ayon kay Preston Ni, kung ikaw ay nakakaranas ng mga nabanggit na palatandaan, ang unang dapat mong gawin ay ang manatiling kalmado sa lahat ng oras. Ito ay para makontrol mo ang feelings at emotions mo.
Kung ikaw naman ay may kilalang nagpapakita ng mga nabanggit na ugali ng isang highly sensitive person ay mabuting kausapin sila ng maayos sa paraang posibito at mas mapapalapit sila sa ‘yo.
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Maliban sa mga nabanggit na payo, ay narito ang ilang tips na maaari mong gawin at isaisip para ma-manage mo ang pagiging highly sensitive ng feelings at emotions mo.
- Isulat o i-journal ang mga negative o sensitive feelings na iyong nararamdaman. Makakatulong ito para maintindihan mo kung bakit ka nagiging affected o sensitive sa mga ito. Saka magmuni-muni ka kung tama ba ang naging reaksyon mo sa naturang sitwasyon.
- Huwag kang masyadong maging hard sa sarili mo. Tandaan walang taong perpekto at kung nagkamali ka man ito ay isang step para ikaw ay matututo.
- Huwag mag-overthink. Sa halip ay gumawa ng mga bagay o activities na mai-enjoy o magpapaka-busy sa ‘yo.
- Mag-isip bago mag-react. Huwag kang padalos-dalos sa mga bagay-bagay.
- I-challenge ang iyong sarili at humingi ng feedback sa ibang tao. Sa ganitong paraan ay maba-validate mo rin kung tama ba ang nararamdaman mo.
- Maging mas mapagpasensya. Matuto kang mag-observe at huwag agad mag-judge ng feelings o nararamdaman ng ibang tao.
Kung ang pagiging sensitive mo ay hindi nasolusyonan ng mga nabanggit na tips, walang masama kung hihingi ka ng tulong isang doktor o espesyalista. Sapagkat maaring ang iyong nararamdaman ay dulot na ng isang health disorder na kailangang mabigyan ng pansin.
Source:
Psychology Today, Healthline, Very Well Mind