Masayang maging nanay, pero pakiramdam mo ba minsan na walang nakakaintindi sa pinagdadaanan mo? Alamin ang tungkol sa stay-at-home mom depression.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang stay-at-home mom depression?
- Mga bagay na nakakadagdag sa hirap ng pagiging stay-at-home mom
- Mga puwede mong gawin para labanan ang depresyon sa tahanan
Magmula nang isinilang o nakita mo ang iyong anak, alam mong magbabago na ang iyong buhay. Napagtanto mo na ang iyong pamilya na ang magiging prayoridad mo.
Maaaring magdesisyon ka na ibuhos sa kanila ang lahat ng oras mo at bitawan ang iyong naunang pangarap, o iwanan ang dating trabaho para maging stay-at-home mom.
Subalit kahit mahal na mahal mo ang iyong anak, may mga pagkakataon na nakakaramdam ka ng kalungkutan at kabiguan sa iyong papel bilang tagapangalaga ng iyong pamilya. Maaaring ang nararamdaman mo ang stay-at-home mom depression.
Ano ang stay-at-home mom depression?
Ayon sa WebMD, doble ang posibilidad na magkaroon ng clinical depression ang mga babae kaysa sa mga lalaki. Inilalarawan ang depression bilang isang mood disorder na nagdudulot ng kalungkutan, kawalan ng pag-asa at tiwala sa sarili.
Maaari itong maging mild, hanggang sa maging mas seryoso at magdulot ng kawalan ng gana sa pagkain, hirap na matulog, mababang self-esteem at pakiramdam ng matinding pagod.
Noong taong 2012, nagkaroon ng isang survey sa Washington, DC sa higit 60,000 nanay at napag-alaman rito na ang mga nanay na nasa bahay at hindi nagtatrabaho ay mas nakakaranas ng kalungkutan at galit kaysa sa mga inang may trabaho (maging full-time man ito o part-time).
Mas marami ring stay-at-home mom ang nagkakaroon ng depression kaysa sa mga working moms. Bukod dito, bihirang ilarawan ng stay-at-home moms ang sarili nila bilang masaya o maunlad, at hindi rin sila gaanong tumatawa.
Pero saan ba nanggagaling ang mga pakiramdam na ito, kung “nasa bahay lang naman sila?”
Larawan mula sa Freepik
Pinagmumulan ng depresyon ng stay-at-home moms
Sa isang banda, maaaring isipin na isang pribilehiyo at madali ang buhay ng isang stay-at-home mom, ayon kay Dana Dorfman, PhD, isang psychotherapist mula sa New York. Minsan nga, naiinggit ang mga nanay na nagtatrabaho sa mga inang nasa bahay lang buong araw kasama ang kanilang anak.
Subalit paalala ni Dorfman, hindi madaling maging stay-at-home mom dahil nakakaranas sila ng pakiramdam na mag-isa, hindi na makilala ang sarili bukod sa pagiging ina, at walang ibang makausap o nakakakita ng mga sakripisyo nila.
“But moms who stay home fulltime tend to report feelings of isolation, a loss of identity, and a loss of social interaction,” ani ni Dr. Dorfman. “It can be hard to feel a sense of accomplishment when this is not always observable.”
Umiikot ang stay-at-home mom depression sa pakiramdam na tinatawag ring “mom guilt” o pakiramdam na mayroon silang ginagawang mali, o kulang pa ang naibibigay nila, kahit buong oras at sarili na ang ginugugol nila sa kanilang pamilya. Binabalot sila ng hiya o inis dahil sa mga bagay na nararamdaman nila, na ayon sa lipunan ay “hindi dapat nilang maramdaman.”
Mga bagay o pag-iisip na nakakadagdag sa mga pinapasan ng stay-at-home moms
Kung ikaw ay isang nanay na nananatili sa bahay para alagaan ang iyong pamilya, maaaring maka-relate ka sa mga ito:
“Dapat masaya akong makasama ang mga anak ko buong araw.”
Hindi lahat ng magulang ay nabibigyan ng pagkakataon na alagaan ang kanilang anak, kaya dapat maging masaya ka na araw-araw mong natututukan at nababantayan ang iyong mga anak. Tama?
Mahal mo ang iyong anak, walang duda. Pero, masama ba kung gusto mo ring makasama ng ibang tao? Kabawasan ba sa pagiging isang mabuting ina kapag inamin mong gusto mo rin ng oras na wala ang iyong mga anak sa tabi mo?
“Dapat nagagawa ko lahat bilang isang ina.”
“Bakit hindi mo natapos ang gawain mo? Nandito ka lang naman sa bahay.” Minsan, pakiramdam natin na nabibigo tayo kapag hindi natin nagagawa ang lahat ng inaasahan sa atin – pag-aalaga ng mga bata, at pagpapanatili ng kaayusan ng ating tahanan.
Bilang stay-at-home mom, dapat ay alam natin kung anong gagawin sa lahat ng oras, tama? Mali. Tao lang tayo, may karapatang mapagod at magkamali.
Minsan, hindi rin natin maiwasang ikumpara ang sarili sa mga ibang nanay na nakikita sa social media. Subalit dapat tandaan na kadalasan, ang pinapakita ng isang tao sa kanilang social media ay ang magagandang parte lang ng kanilang buhay at hindi ang kabuuan o ang hirap na dinaranas nila.
Larawan mula sa Freepik
“Dapat masaya na ako bilang stay-at-home mom.”
Sa mga kaso ng mga nanay na walang ibang mag-aalaga sa mga anak kaya kailangan nilang umalis sa trabaho, maaari silang makaramdam ng pangungulila sa dati nilang buhay.
Tandaan, bago ka naging nanay, mayroon kang sariling buhay at interes. May mga bagay na nagpapasaya sa ‘yo maliban sa iyong pamilya. Kaya hindi masamang hanapin mo ito paminsan-minsan.
“Dapat lagi kong uunahin ang kapakanan ng mga anak ko.”
Madalas, kahit pagod na pagod ka na, kapag narinig mong umiiyak si baby, babangon ka pa rin para alagaan siya. Minsan, kahit hindi ka pa kumakain buong araw, ay uunahin mo pa rin ang kailangan ng iyong anak kapag tinawag ka niya.
Subalit ayon sa isang kasabihan, “You cannot pour from an empty cup.” Hindi mo maibibigay ang pangangailangan ng ibang tao kung ubos na ubos ka na.
“Masuwerte ako, kaya dapat hindi ako nagrereklamo.”
Minsan ba, nakakaramdam ka ng inis o inggit sa iyong partner, dahil malaya siyang gawin ang gusto niya nang hindi siya hinahanap ng mga bata? O kaya sa mga working mom dahil nabibili nila ang mga bagay na gusto nila?
“Dapat magpasalamat ka na lang, dahil hindi mo kailangang magtrabaho,” “Masuwerte ka nga at kasama mo ang mga anak mo buong araw.” ‘Yan ang mga salitang kadalasang naririnig ng stay-at-home moms. Subalit ang mga ganitong pahayag ay hindi nakakatulong. Sa halip, nakakadagdag ito sa kalungkutan ng isang ina dahil iisipin niya, “Masama ba akong nanay dahil nararamdaman ko ito?”
BASAHIN:
STOP saying “Nasa bahay ka lang naman, ‘di ba” to Stay-At-Home Moms
REAL STORIES: “Stay-at-home mom ako—hindi utusan”
SSS para sa mga SAHM (Stay-at-home mom): Paano mag-apply at makakuha nito
Sintomas ng depresyon
Normal ang makaramdam ng kalungkutan at inis paminsan-minsan, pero kung nakakaramdam ka ng madalas na kalungkutan, kawalan ng pag-asa, tiwala sa sarili, maaring mayroon kang stay-at-home mom depression.
Ang mga sumusunod ay ilan pa sa mga posibleng senyales ng depression:
- Mabilis mairita, sumuko at mapagod.
- Walang interes sa mga bagay na dating nagpapasaya sa ‘yo.
- Hirap makatulog.
- Walang gana o energy sa mga gawain.
- Hirap mag-isip ng mabilis, nagiging makakalimutin o nahihirapang magdesisyon.
- Pagbabago sa gana sa pagkain at sa timbang.
- Madalas na pag-iisip tungkol sa kamatayan o suicide.
- Pananakit ng ulo, tiyan o likod.
Paano lalabanan ang stay-at-home mom depression?
Bagama’t hindi madalas na pag-usapan, kailangang maagapan ng mga ina ang kanilang nararamdaman na depresyon bago pa ito makaapekto sa kanilang kalusugan at kapakanan ng buong pamilya.
Narito ang mga bagay na maaaring makatulong para labanan ang stay-at-home mom depression:
-
Harapin mo ang iyong nararamdaman
Hindi makakatulong kung isasantabi mo lang ang kalungkutan at mga tanong sa iyong isipan. Kailangan mong aminin sa sarili mo at sa ibang tao na mayroon kang pinagdaraanan.
Totoo ang nararamdaman mo at hindi ka masamang ina dahil naiisip mo ito.
-
Huwag mahiyang humingi ng tulong
Kung kailangan mo ng tulong sa pag-aalaga ng iyong anak, ipaalam ito sa iyong asawa o pamilya. Sabihin rin sa kanila kapag kailangan mo ng “break” o oras para sa iyong sarili. Hindi kabawasan sa pagiging ina kung hihingi ka ng tulong paminsan-minsan.
-
Maglaan ng oras para sa iyong sarili
Gumawa ka ng plano para lumabas o gumawa ng bagay para sa iyong sarili. Maaring ito ay mag-ehersisyo, manood ng sine o kaya makipagkita sa iyong mga kaibigan. Mag-set ka ng petsa at panahon na gagawin mo ito at ipaalam ng maaga sa iyong asawa o katuwang para siya naman ang mag-alaga sa mga bata.
Laging maglaan ng oras para sa sarili, Mommy. | Larawan mula sa Freepik
-
Bawasan ang paggamit ng social media
Para maiwasang ikumpara ang sarili sa ibang nanay, bawasan mo ang pagtingin sa social media. Laging tandaan, hindi lahat ng nakikita mo sa internet ay totoo.
Huwag mong gawing batayan ang naabot o nagagawa ng ibang tao para sa iyong buhay. Bawat tao ay may kani-kaniyang pinagdadaanan.
-
Humanap ng mga taong makakausap at makakaintindi sa ‘yo
Ilabas ang iyong saloobin sa mga taong nakakaintindi ng mga pinagdadaanan mo. Makipag-usap sa mga kapwa nanay, o kaya humingi ng payo sa mga mommy community gaya ng TheAsianParent Philippines online community.
Kapag nakakaranas ng matinding sintomas ng depresyon, makakatulong rin na makipag-usap sa isang psychiatrist.
Masaya maging isang ina, pero totoo rin na may kaakibat itong sakripisyo at kalungkutan paminsan-minsan. Hindi ka masamang ina kapag naiisip mo ito. Subalit tandaan rin na hindi ka nag-iisa sa iyong pinagdaraanan. Mayroong mga taong nakakaintindi at handang tumulong sa ‘yo.
Source:
WebMD, Psycom,
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!