Paano nga ba malalaman na narcissist o mataas ang tingin sa sarili ng isang tao?
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang taong mataas ang tingin sa sarili?
- Ano ang gagawin sa narcissist na kamag-anak?
- Paano nakakaapekto ang pagiging narcissist ng magulang sa kanilang anak?
Naging pasabog ang interview sa Duchess of Sussex na si Meghan Markle kasama ang asawa nitong si Prince Harry. Mula sa pagbabahagi nila ng kanilang paghihirap sa palasyo, hanggang sa suicidal thoughts ni Markle at hindi pagbibigay ng royal title sa kanilang anak. Ang nasabing interview ay tanging side lamang nila ang nakuhaan ng pahayag. Kaya nahati rito ang mga taga suporta at kritiko.
Sa kabilang bahagi, nakatanggap naman ng madaming suporta si Markle sa pagsasalita niya tungkol sa kaniyang pinagdadaanan. Subalit batikos ng mga kritiko, si Markle umano ay isang narcissist. Tinawag pa ito ng kaniyang sariling kapatid na “narcissist who is not capable of empathy or remorse or shame.”
BASAHIN:
Magiging makasarili ang bata kung isa kang helicopter parent
7 Palatandaan na kailangan ng mas higit na disiplina ng isang bata
REAL STORIES: “I was raised by a narcissistic mother and I had to cut ties with her.”
Hindi tama ang punahin ang isang taong may pinagdadaanan. Subalit isang eksperto ang nagsabi na matatagpuan mo nasabing interview ang iba’t ibang personality.
Ayon sa licensed therapist na si Rebecca Weiler, LMHC, ang “narcissism” ay isang ugali ng pagiging makasarili (na minsan ay sobrang malala) at hindi iniintindi ang pakiramdam ng iba.
Nakakalungkot mang tanggapin ngunit mayroon din talagang ganitong klase ng tao sa pamilya, trabaho at iba pang lugar. Hindi naman mahirap malaman na narcissist ang isang tao ngunit talaga namang hindi ka magiging komportable kapag nasa paligid sila.
Ngayon, alamin natin kung paano mo masasabing narcissist ang isang miyembro ng pamilya.
Taong mataas ang tingin sa sarili
“Ang narcissist mo naman!” lagi natin itong sinasabi kapag nakita natin ang isang taong maraming ina-upload na litrato ng kaniyang sarili sa social media.
Isama pa na lagi niyang ibinibida ang kaniyang sarili. Pero hinay-hinay tayo sa salitang ‘yan. Ang totoong narcissist ay ang taong may narcissistic personality disorder (NPD).
Isa itong mental condition kung saan nagpapakita ng kakulangan ng pagpapahalaga at empathy sa iba, gusto ng buong atensyon ay nasa kaniya at kadalasang nagkakaroon ng problema sa relasyon.
Ayon sa Diagnostic and Statistical Manual ng American Psychiatric Association, nasa 6% ng mga matatanda ay maaaring may narcissistic personality disorder. Halos lahat sila ay mayroong ganitong ugali:
1. Mataas ang tingin sa sarili
Isa itong pangunahing ugali ng narcissist. Mayroon silang “entitlement” at chat ng herarkiya na laging sila ay nasa tuktok. Hindi importante ang posisyon sa pamilya. Pero ang entitlement ay natural na lumalabas sa kanila. Hindi lang ito nakikita sa mga bata.
2. Pagkontrol sa lahat ng bagay
Ugali na ng isang narcissist ang kontrolin ang lahat ng bagay na nakapaligid sa kanila. Ang “entitlement” na kanilang pinaghahawakan ang siyang nagbibigay sa kanila ng lakas ng loob na kontrolin ang lahat ng bagay.
3. Paninisi sa iba
May pagkakataon pang mahilig silang magpasa ng paninisi sa iba. Kapag umaayon ang panahon sa kanila, lahat ng papuri o magandang salita ay dapat sa kanila. Kapag naman hindi, isinisisi nila ang kanilang pagkakamali sa iba.
4. Kakulangan ng simpatya
Ang mga taong ito ay maaaring makasarili. Hindi nila naiintindihan ang pakiramdam o simpatya ng iba.
5. Takot na tanggihan
Isa pang ugali ng taong narcissist ay takot silang ma-reject o tanggihan ng tao. Bilang resulta, hirap silang pagkatiwalaan ang ibang tao.
6. Paniniwalang lahat ay perpekto
Ang taong narcissist o mataas ang tingin sa sarili ay naniniwalang lahat ay kailangang perpekto. Kailangang perpekto siya, ikaw at lahat ng pangyayari na dapat ay mangyari.
Kung nakita mo ang mga red flag na ito, sa asawa mo man, sa iyong anak, o ibang miyembro ng pamilya, ‘wag silang pabayaan sa ganitong pamumuhay. Narito ang mga dapat mong gawin.
Ano ang gagawin sa narcissist na kamag-anak?
1. ‘Wag silang tawagin na narcissist
Dito tayo magsimula. Iwasang tawagin sila sa ganitong termino. Ang mga taong may narcissistic personality disorder ay hirap kontrolin ang kanilang sarili o hindi sila aware sa sariling kinikilos.
Wala silang pinapakinggan na salita kahit na gaano pa ito kaayos. Maaaring bigyan sila ng ibang paraan na maaaring subukan. Malaki ang tiyansa na hindi ka niya pakinggan ngunit hindi na ito maaalis sa kaniyang isipan.
2. Mag-focus sa iyong sarili
Talaga namang emotionally draining kapag may taong narcissist sa paligid mo. Maaaring limitahan ang sarili sa nasabing tao. Sa halip, mag-focus sa sarili at ibang aktibidad na maaaring makapagpasaya sa ‘yo.
Hindi mo kailangang dumikit sa ganitong tao lalo na kung hindi ka nito napapasaya.
3. Magsalita para sa sarili
Ang taong narcissist ay may kakulangan sa simpatya. May iba na hilig nilang inisin o isagad ang temper ng isang tao. Sa ganitong kaso, ‘wag ipakita ang iyong pagkainis dahil maaaring mas lalo lang nila itong gagawin.
Subalit, kung nais mo na talagang ikompronta ang isang narcissist na miyembro ng pamilya, ‘wag kang matatakot na magsalita. Lalo na kung ang taong ito ay malapit sa ‘yo. Maging kalmado at marahan.
4. Maghanap ng suporta
Maaaring ikaw naman ay maapektuhan ng todo kapag naglaan ka ng maraming oras sa isang taong may narcissistic personality. Kaya naman importanteng maghanap ng matinding suporta.
Maaaring makipagkita sa mga kaibigan o kumilala ng iba pa. Sa madaling salita, subukang ilayo ang sarili sa stress at toxic relationship.
5. Intindihin sila
Ang mga taong may NPD ay hindi alam na sila ay may problema at issue sa paligid. Isa itong mental condition na kinakailangan ng tulong.
Kung hindi mo na silang kayang kontrolin, oras na para humingi ng tulong sa eksperto.
6. ‘Wag makipag-away kapag hindi kailangan
Walang saysay kung makikipag-away ka sa isang narcissist. Susundin lang nila ang takbo ng kanilang utak ay ang lahat ng pagkakamali ay sa ‘yo mapapasa. Hindi mo na mababago ang kanilang isip.
7. Maglagay ng boundary
Ang taong may narcissistic personality ay hindi kontrol ang sarili. Iniisip nilang mataas sila at may karapatan sila na hawakan ang iyong mga gamit o manghimasok sa iyong personal space. Maaaring akuin din nila ang lahat ng credit na ginawa mo naman.
May pagkakataon na lumalagpas na sila sa boundary. Mahalaga na sabihan sila tungkol sa iyong boundary at kung ano ang iyong nararamdaman.
8. Iwasang ilagay sa spotlight
Ang narcissist person ay gagawa lagi ng paraan para mapunta sa spotlight. Sa ganitong pagkakataon, kinakailangan mong tumigil agad kapag alam mong ikaw ang dehado at ipaalam sa kanila ang totoo mong nararamdaman.
Paano nakakaapekto ang pagiging narcissist ng magulang sa kanilang anak?
Para mas maintindihan mo, narito ang mga epekto ng pagiging narcissist o mataas ang tingin sa sarili ng magulang sa kanilang anak.
- Makakaramdam ang mga bata na pinapabayaan lang sila.
- Ang kanilang pakiramdam ay hindi napapansin.
- Magkakaroon ng pagdududa sa satili at hindi makokontrol ang sariling pakiramdam.
- Mawawala ang pagkatao ng bata.
- Magiging pangalawa na lamang ang pakiramdam ng mga anak.
- Mas iisipin ng mga bata na ang imahe ng isang tao ay mas mahalaga.
- Mahihirapang buuin ang sarili.
- Maaaring makaranas ang bata ng post-traumatic stress disorder, depression, at anxiety paglaki.
Pareho lang ito kapag nasa paligid nila ang mga taong may narcissist personality. Alinmang paraan, kailangan mong manguna kapag alam mong hindi na tama.
Isang magandang approach sa kanila ay ang empathy, na siyang pangontra sa narcissism. Kung sakaling ang anak mo naman ang ganito, mas mabuting gumawa agad ng paraan hangga’t maaga pa lamang.
Turuan sila sa kahalagahan ng simpatya, pagbabahagi at pag-aalaga. Likas na sa mga bata ang gayahin ang kanilang mga magulang. Kaya naman maging model para sa kanila.
Tandaan, madaling magpalaki ng bata kung ang mga magulang ay maalaga.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Isinalin sa wikang Filipino ni Mach Marciano