Normal na sa mga magulang ang umasa na magkaroon sila ng malusog na anak. At para sa mga bagong panganak na sanggol, mas mainam na ang maging matabang sanggol kesa maging underweight.
Ngunit kakaiba ang kaso ng sanggol na si Ali James Medlock. Dahil sa timbang niya na 14 lbs at 16 ounces, na-break raw niya ang record ng ospital sa pinakamabigat na bagong panganak!
Paano kaya siya umabot sa ganitong timbang, at mayroon kaya itong masamang epekto sa kaniyang kalusugan? Ating alamin.
Wala raw siyang naging problema sa pagbubuntis
Si baby Ali at ang kaniyang mga magulang na si Jennifer at Eric Medlock. | Source: YouTube, CBS News
Ayon sa mga magulang ni Ali, umasa na raw silang magiging malaki ang kanilang anak. Ito ay dahil pati ang nakatatandang kapatid ni Ali ay mabigat ang timbang noong ipinanganak. Ngunit hindi naman daw nila inasahan na aabot sa bigat na halos 15 lbs ang kanilang sanggol.
Si Ali ay ipinanganak ng C-section dahil sa kaniyang timbang. At matapos siyang maipanganak ay dinala agad siya sa sa neonatal ICU (NICU). Ito ay dahil mababa raw ang kaniyang blood sugar, platelets, at masyadong mabilis raw ang kaniyang naging paghinga. Sa kabutihang palad, isang linggo lamang ang inilagi ni Ali sa NICU, at naging maayos na rina ng kaniyang lagay.
Sabi ng kaniyang ama, normal na raw ang pagtulog at pagkain ni Ali. Ang pinagkaiba lang daw ay malaki siyang bata. Ang mga damit nga raw niya ay pang 6-buwang gulang na sanggol.
Ayon naman sa ina ni Ali, wala naman raw naging problema noong siya ay nagbubuntis. Dagdag pa ng kaniyang asawa, hindi naman raw nagkaroon ng gestational diabetes si Jennifer. Ang gestational diabetes ay karaniwang sanhi kung bakit nagkakaroon ng matabang sanggol ang ilang mga ina.
Para raw kay Jennifer at kay Eric, hindi naman mahalaga sa kanila kung ano ang timbang ng kanilang anak. Ang mahalaga raw ay malusog siya, at nabiyayaan sila ng anak. Ito ay dahil mayroong PCOS si Jennifer, kaya’t hindi madali para sa kaniya ang mabuntis.
Malusog ba ang mga matabang sanggol?
Bagama’t cute ang mga matabang sanggol, hindi nito ibig sabihin na malusog silang mga bata.
Sa kaso ni Ali, bagama’t maayos na ang kaniyang lagay, ay nagkaroon pa rin siya ng ilang komplikasyon kaya’t kinailangan siyang ilagay sa NICU ng isang linggo.
Mahalaga sa mga sanggol ang makakuha ng tamang nutrisyon, dahil hindi maganda sa kanilang kalusugan kapag sila ay underweight o kulang sa timbang. Ngunit ang sobra-sobrang pagiging overweight, o sobra sa timbang ay lalong hindi mabuti sa kanilang kalusugan.
Ito ay dahil posibleng magdulot ito ng mga komplikasyon kapag sila ay tumanda. Kasama na rito ang childhood diabetes, at pagkakaroon ng obesity pagtanda na marami ring kalakip na mga health problems.
Kaya’t dapat tandaan ng mga magulang na huwag sobra-sobra ang pagkain na binibigay kay baby. Mahalaga ang pagkakaroon ng balanced diet, at dapat nasa normal na timbang ang kanilang sanggol. Kahit cute tingnan ang mga chubby o matatabang baby, mas makakabuti sa kanila kung malusog at malakas ang kanilang pangangatawan, hindi lang basta mataba.
Source: MSN
Basahin: Bakit bawal pakainin si baby ng asin at asukal bago mag-isang taon?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!