Ratification na lang ng senado at kongreso, pati ang lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay para maisabatas ang expanded maternity leave sa Philippines. Mabilis na na-reconcile ang dalawang version ng bill na isinumite ng senado at kongreso na naglalayon na mabigyan ng mas madaming araw ang mga nanay na makapag-leave upang maalagaan ang bagong silang nilang sanggol.
Maternity leave sa Philippines
Dati rati, nakakakuha lamang ng 60 na araw na maternity leave ang mga babae na nagtratrabaho sa gobyerno at pribadong sektor. Sa bagong panukala, makakakuha ng 105 days na paid maternity leave ang mga nanay.
Sa isang pahayag sa GMA News, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na mabilis na napagkasunduan ng bicameral committee ang mga detalye ng bagong batas.
Ayon sa senadora: “The bicameral version of the law provides the following: 105 days of paid maternity leave credits to all working mothers, of which seven days (daddy quota) are transferable to fathers, and an additional 15 days additional to solo mothers, for a total of 120 days.”
Ibig sabihin, maaaring ilipat ng nanay ang ilang araw mula sa kaniyang maternity leave sa tatay ng kaniyang anak ng hanggang pitong araw upang maaari rin maalagaan ng tatay ang kaniyang anak. Para sa mga single mothers, may additional pang 15 araw ng maternity leave.
Tinanggal na rin sa panukala na hanggang pang-apat na anak na lamang applicable ang expanded maternity leave.
Dagdag ni Senator Hontiveros: “The law applies to all instance of pregnancies, removing the four-pregnancy cap.”
Ayon sa isang panayam kay Congressman Alfred Vargas noong nakaraan, isa sa mga authors ng bill, pinapakita ng mga pag-aaral ang lubos na benepisyo ng mahabang maternity leave para sa kalusugan ng baby. Nababawasan din daw insidente ng pagkamatay ng sanggol. Dagdag pa niya na hindi man tukoy kung bakit, ipinapalagay na dahil ito sa mas mahabang panahon na maaaring mag-breastfeed ang nanay at mas mahabang panahon na naaalagaan ang bata.
Umani ng papuri
Dahil sa mabilisang aksyon ng senado at kongreso, maraming labor groups ang natuwa dito.
Sa isang statement, nagbigay ng pahayag ang Federation of Free Workers (FFW) na ang panukala na ito ay isang hakbang na nagpapakita ng pagkalinga sa mga kabataan. Bukod din sa pagbibigay ng mas mahabang maternity leave para sa ina, binibigyang halaga rin daw ang tungkulin ng isang ama sa kaniyang anak.
Basahin ang mga detalye ng panukala ng senado at kongreso dito.
Basahin din:
SSS Maternity Benefits: Paano Ka Makakakuha Nito?
Mga benepisyo pagkapanganak mula sa SSS at Philhealth
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!