Matigas ang ulo ng bata at hindi basta sumusunod sa iyong sinasabi? May paliwanag dyan ang mga eksperto at ilang pag-aaral.
Bakit matigas ang ulo ng bata at hindi basta sumusunod?
Talaga nga namang nakakainit ng ulo kung minsan ang batang hindi sumusunod o may matigas na ulo. Pero bago ka tuluyang maubusan ng pasensiya at magalit sa iyong anak, mahalagang malaman mo kung bakit siya nagkakaganito.
Paliwanag ng isang pag-aaral, hindi naman talaga matigas ang ulo ng bata. Pero pagdating sa pagsunod ng utos o pakikinig sa iyong sinasabi ay nahihirapan pa siyang gawin ito. Ito’y dahil kulang pa sila sa tinatawag na peripheral awareness o hindi pa agad nare-register sa utak nila ang mga bagay sa paligid nila. Lalo na kapag sila ay naglalaro, nagbabasa o gumagawa ng mga bagay na kinawiwilihan nila.
Paliwanag ng psychologist na si Erica Reischer, normal lang ito sa mga batang 14-anyos pababa. Kaya naman mahalagang malaman ito ng mga magulang.
“This limited peripheral awareness may keep kids from registering what is happening around them—including a parent who is standing close by and talking to them—even when it appears that they couldn’t miss it.”
Ito ang pahayag ni Reischer tungkol rito.
Pero may mga hakbang naman umano na magagawa upang mapasunod ang isang bata. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Mga paraan upang mapasunod ang isang bata
1. Siguraduhin na naririnig ka ng iyong anak
Ayon kay Reischer, ang pagsigaw sa inyong bahay ay hindi isang mabisang paraan upang masigurong naririnig ka ng iyong anak. Payo niya para sa mga maliliit na bata, mabuting lumapit sa kaniya. Tumabi o maupo sa harap niya at hawakan ang kaniyang braso o magkaroon ng physical contact. Habang nagsasalita ay siguraduhing panatilihin ang eye contact sa kaniya. Ito’y upang masiguro na naririnig at naiintindihan niya ang iyong sinasabi.
Para sa mga batang malalaki na, siguraduhin na may eye contact pa rin. At tanungin o i-confirm sa kaniya kung narinig niya ba o naintindihan ang iyong sinasabi.
2. Isaisip na maaaring sinasadya kang hindi pansinin ng iyong anak
Kung hindi agad na sumusunod o nakikinig ang iyong anak, malaki ang posibilidad na maaaring nagaya niya ito sa ‘yo. Dahil maaaring sa hindi mo sinasadyang pagkakataon ay naituro mo ang ugaling ito sa kaniya. Kaya naman mabuting habaan ang iyong pasensiya. Isaisip na sinasadya ito ng iyong anak upang makita ang iyong magiging reaksyon na kinalaunan ay gagayahin din niya. Tandaan na laging maging mabuting halimbawa sa iyong anak.
3. Tanungin ang iyong anak kung narinig niya ang iyong sinasabi at tingnan kung anong gagawin niya.
Matapos na magawa ang unang hakbang na nabanggit, tanungin ang iyong anak sa kung ano ang pagkakaintindi niya sa iyong sinabi. Upang masiguro na tama o naintindihan niya ito. Saka sunod na tingnan kung susundin niya na ba ang sinabi mo. Kung hindi pa rin ay mabuting gawin na ang sumusunod na hakbang.
4. Ipaintindi sa kaniya kung bakit kailangan niyang makinig at sumunod sa iyong sinasabi
Para mas maintindihan ng iyong anak ang pagsunod, mahalagang ipaliwanag sa kaniya ang kahalagahan ng iyong sinasabi. Hindi mo dapat sinasabi sa kaniya na kailangan niyang sumunod dahil gusto mo at ikaw ay magulang niya. Sa halip ay ipaliwanag sa kaniya ang magiging consequence ng kaniyang ginagawa. Tulad na lamang sa kung hindi niya ililigpit ang mga laruan niya sa sahig. Ipaliwanag sa kaniya na maaaring maapakan niya ito ng hindi sinasadya na maaaring maging dahilan na madulas siya o masaktan.
5. Hayaang matuto ang iyong anak at makita ang consequence ng kaniyang ginagawa.
Isang magandang paraan upang pasunurin ang isang bata ay ang maiparanas sa kaniya ang consequence ng kaniyang ginagawa. Kaya naman mabuting hayaan siyang matuto sa maaaring kahinatnan ng kaniyang aksyon kung hindi siya sumunod sa ‘yo. Maliban na lamng kung maaari na itong makasakit sa kaniya o maging masama sa kaniyang kalusugan.
Isang halimbawa ay sa tuwing ayaw niya magsuot ng rainboots kapag umuulan. Hayaang mabasa ang paboritong sapatos niya o tsinelas upang malaman niya ang consequence ng hindi niya pagsunod.
6. Bigyan siya ng warning sa maaaring maging consequence ng hindi niya pagsunod sayo.
Para mapasunod ang iyong anak, isang paraan din na maaaring gawin ay bigyan siya ng warning na kung anong maaaring mangyari.
Katulad na lamang sa tuwing nahihirapan kang pakainin siya. Sabihin sa kaniya na “Kailangan mo ng kumain. Kasi kung hindi maaaring magkasakit ka at hindi na tayo makapunta pa sa park o makadalaw kay lola. Kaya dapat lagi kang kumain at magpalakas.”
Image from Freepik
7. Maging consistent sa iyong sinasabi.
Para matuto ang iyong anak, dapat ay maging consistent ka sa iyong sinasabi. Kung sinabi mong ito ang magiging outcome o resulta ng kaniyang hindi pagsunod ay panindigan ito. Ito ay para maisip ng iyong anak na ikaw ay seryoso at kung gaano kahalaga ang pagsunod sayo.
Source:
Psychology Today
BASAHIN:
STUDY: 6 epekto sa bata kapag sinisigawan siya
11 Karaniwang pagkakamali ng mga bagong magulang at paano ito ayusin
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!