Ano ang sinasabi ng batas tungkol sa pagkakaron ng utang? May nakukulong ba sa utang?
Sa hirap ng buhay, madami ang nababaon sa utang. Utang sa credit card, utang sa kaibigan, kamag-anak o sa mga lender, maski nga sa suking tindahan. Paano nga ba kung hindi makabayad ng utang? May nakukulong ba sa utang?
Kung ikaw ang inutangan, puwede mo bang kasuhan o ireklamo sa awtoridad ang hindi pagbabayad ng utang sa iyo? May batas ba tungkol sa utang?
Ayon kay Atty. Hazel G. Dilig-Carandang, attorney-at-law, “Ang constitution ng Pilipinas ay very specific na walang puwedeng makulong sa utang.”
Nakasaad sa Sec. 20 ng Bill of Rights ng Saligang Batas na “No person shall be imprisoned for non payment of debt.” Depende ang lahat sa uri ng utang.
May nakukulong ba sa utang?
Image from Freepik
Paliwanag ni Atty. Hazel, may responsibilidad pa rin ang nangutang na magbayad at panagutan ang inutang niya.
Kung maliit na pera ang inutang at walang kasamang properties, “Puwedeng mag-file ng small claims o A.M. No. 08-8-7-SC, basta hindi lalampas ng Php300,000. Tinaasan na ito mula sa dating Php200,000.”
Maaaring i-file ito sa Municipal Trial Court o Metropolitan Trial Court (MTC). Sa loob ng 30 araw mula sa filing, magkakaron ng hearing, at magbababa ng desisyon ang korte sa mismong araw ding iyon.
Puwedeng pag-ayusin o makipag-areglo ang may utang at pinagkakautangan, pero kung hindi sisipot ang respondent o ang kinasuhan (may utang), mag-iissue ng writ of execution ang korte para sa properties ng respondent. Kailangang makahanap ng paraan para mabayaran ang pagkakautang. Korte ang magdedesisyon nito. Halimbawa, kung ito ay car loan, maaaring kunin ang kotse na inutang mo.
Kailan nagiging krimen ang hindi pagbabayad ng utang?
May pagkakataon na maaaring maging krimen ang hindi pagbabayad ng utang at posibleng may mga nakukulong dahil sa hindi ba pag-asikaso dito.
Utang sa Credit Card
Kapag hindi nakabayad sa utang sa credit card, ibibigay ng bangko ang responsibilidad sa pag-kolekta sa isang third-party collection agency. Sila ang tatawag sa nangutang para maningil. Maaaring magkaron ng settlement o agreement sa kung paano mababayaran ang utang.
Kapag may naka-record na unpaid debt sa credit card, mahihirapan nang makapangutang muli sa bangko, credit card man o housing o car loan, o iba pang loan. Ang credit card debt ay isang civil case lamang, at hindi criminal case.
“Meron tayong batas na kapag ikaw ay binigyan ng credit card o tinatawag na access device, at ikaw ay lumipat ng tirahan o address, nagbago ng pinagtatrabahuhan o work place, o magpalit ng cellphone number, dapat na ipaalam ito sa banko na nagbigay ng credit card sa iyo,” paliwanag ni Atty. Hazel. Lalo pa kung nagamit mo na ang credit card. Maaari kang kasuhan ng fraud kapag hindi mo ito ginawa, dagdag ni Atty. Hazel, “at ang fraud ay criminal in nature, ayon sa law on access devise, sa ilalim ng RA 8484.”
Credit Card Amnesty
Taong 2016 nang magpahayag ng tulong ang Bangko Sentral ng Pilipinas, lahat ng bangko na miyembro ng Credit Card Association of the Philippines (CCAP), at BDO Unibank, Inc. para makabayad ng pagkakautang ang mga delinquent credit cardholders. Ito ang tinatawag na debt restructuring program, o ang Interbank Debt Relief Program (IDRP).
Ang programang ito ay naglalayong mapagaan at maging “posible” para sa mga nangutang ang pagbabayad. May mas mababang interest rates at mas mahabang repayment terms ito.
Hindi lahat ng bangko ay kasapi sa programang ito. May Eligibility Requirements din para sa mga credit card delinguents, tulad ng hindi maaaring ginamit ang credit card sa gambling, luxury o extensive traveling kaya nagkautang.
Image from Freepik
Talbog na cheke
Kapag ikaw ay nag-issue ng cheke at ito ay tumalbog dahil walang pondo, ito ay violation ng Batas Pambansa bilang 22, na isa ring krimen. Maaari kang sampahan ng kaso sa utang dahil sa tumalbog na cheke. “Kapag nag-file ng BP 22, ang kriminal at civil na aspeto ng kaso ay magkasama na,” diin ni Atty. Hazel. Hindi na kailangang mag-file ng hiwalay na civil case para sa collection.
Estafa
Ayon naman sa article 315 of the Revised Penal Code, kapag ang panghihiram ng pera ay may kasamang panloloko, ito ay itinuturing na estafa. Pwede ka ring sampahan ng kaso sa utang kung estafa ang dahilan nito. Kapag napatunayang may motibo ng “deceit, swindling, and malice”, at may “false pretenses” at “concealment” ang pangungutang, ito ay estafa at kriminal.
Halimbawa, manghihiram ka ng pera sa isang indibidwal, at ang collateral ay titulo ng lupa, pero fake ang titulong pinanghahawakan, puwedeng magsampa ng kasong estafa ang nagpahiram.
Namamana ba ang utang?
Paano kung pumanaw na ang may utang? Obligado ba ang asawa o mga anak niya na ituloy ang pagbabayad ng utang niya? Kung namamana daw kasi ang mga ari-arian at pera ng isang tao, dapat daw ay manahin din ng mga kaanak niya ang utang na hindi pa nababayaran.
Ayon kay Atty. Hazel, depende ito. “Ang utang kasi ay personal sa nangutang. Kung namatay na ang nangutang, pwedeng habulin ng creditors and estate o naiwang ari-arian ng debtor,” paliwanag ni attorney. Puwede ring mapunta sa mga tagapagmana ng nangutang ang responsibilidad ng pagbabayad ng utang kung may kontrata na nagsasabi na ito ay transmissible sa mga heirs o tagapagmana, dagdag ni Atty. Hazel.
Image from Freepik
“Kung ang perang inutang naman ay nagamit para sa benepisyo ng pamilya, puwedeng maging ‘burden’ ito sa conjugal property ng surviving spouse. In effect, ang conjugal property nila ang ‘magbabayad’,” dagdag ng abogado.
Tulad ng utang sa credit card, “Estate ang magbabayad nito dahil ang rule ay kapag nakapag-institute na ng aksiyon o kasunduan bago pa namatay ang nangutang, ang surviving spouse o asawa ang magbabayad nito,” paliwanag ni Atty. Hazel.
Ang surviving spouse ang puwedeng habulin kung walang estate ang namatay. “Pero kung walang na-file sa korte ng ‘action prior to death’, extinguished na ang obligasyon,” dagdag ng abogado.
Pero as a general rule, ‘purely personal’ ang utang, lalo na kung ito ay simple loan of money lang. Kaya’t hindi obligasyon ng kaanak na bayaran ito. Maliban na lang din kung may kasunduan na, kahit verbal lang, na babayaran ito ng pamilya sa pinagkautangan.
Paano maningil ng utang?
Marami sa atin ay hirap din kung paano maningil ng utang. Kaya naman, payo ni Atty. Hazel sa mga nagpapautang, “Parating maghanda ng kontrata kapag nagpapautang. Kahit magkano pa ang halaga, kailangan may kasulatan. Lalo na kung may interes.” Kung ang pinapautang ay may interes, ayon sa kasunduan ng lender at debtor, dapat nakasulat at pirmado ng nanghihiram, dagdag ni attorney.
“Kung installment naman ang pagbabayad, mas maganda kung mahihingan ng cheke na post-dated. Para kung tumalbog man, puwedeng sampahan ng criminal action kaagad,” pagtatapos niya.
Lahat ng naipaliwanag ni Atty. Hazel ay payo lamang at paglilinaw sa basic questions para sa artikulong ito. Sa anumang usaping legal, kailangang kumunsulta ng personal sa isang abogado para mapag-aralang mabuti ang isang partikular na kaso.
Wala mang nakukulong sa utang, kailangan pa ring bayaran ang inutang. Maraming paraan ang nasa batas para masampahan ng kasong kriminal, lalo kung malaki ang halaga ng nautang.
Tandaan na ang utang ay isang obligasyon na nakuha sa maayos na usapan. Dapat itong harapin, at hindi takbuhan.
Paano singilin ang may utang?
Normal na sa atin na magpautang sa mga kaibigan, kakilala, at kamag-anak natin na nagigipit. Madali namang magpautang kung may extra tayong pera na labis sa mga pangangailangan natin.
- Unang-una, bago ka magpautang tingnan mo rin muna kung may sapat ka bang pera para sa mga pangangailangan mo. Magpautang lamang ng naaayon sa kakayahan.
- Tingnan kung ano ang posibleng maging epekto ng pagpapautang. I-assess ang kakayahan ng umuutang na magbayad at kung ano ang pwedeng maging epekto kung sakaling hindi ito makabayad.
- Mahalaga na mayroon kayong kontrata o kasulatan kung saan nakasaad ang halaga ng hiniram nito at ang araw kung kailan niya ito planong bayaran. Mahalagang ebidensya ito sa kaling balewalain ng nangungutang ang inutang na pera.
Pero paano nga ba singilin ang may utang nang hindi ito ma-ooffend?
- Kausapin ito sa maayos na paraan at ipaalala na mayroon itong utang.
- Maglaan ng isang linggo hanggang dalawang linggong palugit bago ang deadline kung kailan mo kukunin ang pera. Ipaalam mo ito sa kaniya para mapaghandaan niya ang pagbabayad.
- Sabihin mo rin nang direkta sa kaniya na kailangan mo ang pera sa specific na araw kung kailan mo ito kukunin. Iwasang magpaliguy-ligoy para maramdaman niya ang urgency ng iyong pangangailangan.
- Kung malapit sa iyo ang taong pinautang ng pera at nahihiya kang kausapin ito nang direkta tungkol sa kaniyang utang, pwede kang magsimula sa pakikipagkwentuhan. Kumustahin mo muna siya. Kapag sa palagay mo ay kaya na niyang magbayad sa utang base sa kalagayan niya, mahinahon mong ipaalala sa kaniya ang kaniyang utang. Sakaling sabihin naman nito na wala pa siyang pambayad ay pwede mong sabihing nauunawaan mo siya subalit ipabatid mo rin sa kaniya na may pangangailangan ka rin na dapat tugunan.
- Kung maaari, mag-offer ka ng ibang paraan kung paano mababayaran ang utang. Halimbawa ay sabihin mo sa kanya na pwede niyang hulug-hulugan na lang ang utang hanggang sa matapos niya itong bayaran.
Tandaan na walang mali sa paniningil ng utang. Pero sa hirap ng buhay ngayon, mahalaga rin na kausapin natin nang maayos ang mga kakilala, kaibigan, at kapamilyang may utang. Importante ang maayos na komunikasyon para maiwasan ang pag-aaway nang dahil sa utang.
Paano gumawa ng promissory note sa utang
Ginagawa ang promissory note bilang kasulatan kung saan nangangako ang nangungutang kung kailan niya planong bayaran ang inutang. Paano nga ba gumawa ng promissory note sa utang?
Kailangang nakasaad sa promissory note ang mga sumusunod na detalye:
- Kabuuan ng halagang inutang
- Interest rate o patubo
- Maturity date
- Lugar at petsa kung kailan nakuha ang pera
- Lagda ng nagpautang
Karaniwang ginagawang financial instrument ito sa mga small personal loan. Sa pamamagitan nito, maaaring makautang ang mga individual o kompanya mula sa iba pang source bukod sa banko.
Kadalasang ginagamit ang promissory note sa pagkuha ng student loan. Nakasaad sa student promissory notes ang karapatan at responsibilidad ng nangungutang pati na rin ang mga kondisyon at terms ng loan.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Angie Reyes
May nakukulong ba sa utang sa lending company
Muli ayon sa batas hinggil sa utang na nakasaad sa Bill of Rights ng 1987 Philippine Constitution, “walang sinuman ang pwedeng ikulong dahil lamang sa hindi niya pagbabayad ng utang.”
Maaari lang makulong ang isang tao nang dahil sa utang kung may kasamang criminal act ang kaniyang ginawa. Halimbawa nga ay ang panloloko o estafa, at pagtalbog ng cheke.
Kaya ang sagot sa tanong na kung may nakukulong ba sa utang sa lending company, ay wala. Pero mayroon pa ring responsibilidad ang umutang na bayaran ang inutang nito.
Kung ikaw naman ay inutangan at ang ibinayad sa iyo ay talbog na tseke, maaari kang magsampa ng kaso sa ilalim ng Batas Pambansa 22 o kilala rin sa tawag na Anti-Bouncing Checks Law. Nililinaw ng nasabing batas na hindi ikukulong ang nangutang dahil sa utang nito kundi dahil sa pag-issue ng talbog na cheke na nakasisira sa banking and financial system ng bansa.
Paano makakaahon sa utang?
Mahirap iwasan ang pangungutang lalo na ngayong hindi maganda ang lagay ng ekonomiya ng bansa, tumataas ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin, at maging ang bilang ng mga taong walang trabaho.
Pero paano nga ba makakaahon sa utang? Narito ang ilang tips para hindi malubog sa utang:
- Karaniwan na rin ang mga nakakalimot sa utang. Siguro ay dahil na rin sa dami ng mga kailangang isipin. Para hindi malimutan ang iyong inutang at hindi magalit ang pinagkakautangan, mahalagang ilista ang iyong mga utang. Tingnan kung magkano ang kabuuang halaga ng utang at gawin mong goal na mabayaran ito sa itinakdang araw.
- Kung mayroon nang pambayad, bayaran na ang utang kahit hindi pa sinisingil ng pinagkakautangan. Habang tumatagal kasi ang utang ay mas mababaon ka sa interes na nakapatong dito.
- Pwedeng bawasan ang utang kada sweldo. Kung hindi kayang bayaran nang isang bagsakan ay hulug-hulugan ito tuwing may sobra sa iyong sweldo.
- Iwasang manghiram ng pera kung hindi kinakailangan. Kung ikaw naman ay maluho, bawasan ang luho at mag-focus sa mga bagay na mahalaga at sa pangunahing pangangailangan.
- Kung mayroon ka pang libreng oras bukod sa pag-aasikaso sa pamilya at pagtratrabaho sa regular mong hanapbuhay, pwede kang maghanap ng side line para magkaroon ng karagdagang kita na maaaring ibayad sa utang.
Saan pwedeng umutang ng pera?
Uso ngayon ang online lending. Maaaring umutang ng pera sa online lending companies pero tiyaking lehitimo ang uutangan para maiwasan ang scam.
Narito ang listahan ng mga lending company na lehitimo kung saan ka pwedeng umutang ng pera nang mabilis:
- Asialink Finance Corporation
- Home Credit Cash Loan
- Online Loans Pilipinas Cash Loan
- Tala Loan
- Vidalia Online Loan
- Esquire Financing Business Loan
- Atome Credit Cash Loan
Ilan lamang ang mga iyan sa mga legitimate lending companies na naka-rehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Para sa kompletong listahan ay maaaring bumisita rito:
Lending Companies and Financing Companies
Online Lending Platforms
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!