Mensahe para sa aking mahal na asawa: Kung paano magmahal at ang kahalagahan ng isang pamilya.
Mahal,
Matagal na tayong nagsasama pero minsan naiisip ko parang malayo ka parin sa akin. Siguro may mga hindi tayo pagkakaintindihan, ngunit hindi ibig sabihin no’n ay nababawasan ang pagmamahal ko sayo.
Minsan, siguro, nagtatampo dahil hinahanap ko na ako naman ‘yong iintindihin mo at hindi lang palagi ako ang iintindi sayo. Dahil sabi nga nila ganito kung paano magmahal, dapat nagbibigayan.
Hindi ko ito sinusulat dahil nagrereklamo ako—bagkus, gusto kong ipaalam sa ‘yo ang nararamdaman ko sa paraang uupuan at pakikinggan mo ang bawat sasabihin ko at hindi ‘yong lilinyahan mo ako ng, “Ayan ka na naman.”
Una sa lahat, sana mas maging open ka sa nararamdaman mo.
Image from Freepik
Pagpasensyahan mo minsan kung matanong ako, pero hindi ibig sabihin no’n na wala akong tiwala sayo. Gusto ko lang malaman kung anong nararamdaman mo at pinagdadaanan mo para alam ko kung may maitutulong o may magagawa ako para mapagaan ang pakiramdam mo.
Mahal, hindi sa lahat ng oras mahuhulaan ko kung anong nasa isip mo. Kaya huwag ka sanang mahiyang magsabi sa akin dahil alalahanin mo, asawa at kasama mo ako. Kaya sisiguraduhin kong makikinig ako sa bawat sasabihin mo. Mapa-sad story pa yan o ‘yong epic na most embarrassing moments mo—pakikinggan ko. Dahil ang kuwento ng buhay mo ay kuwento na rin ng buhay ko.
Kaya ang mensahe para sa aking mahal na asawa, hindi ko hinihiling na maging perfect husband ka, pero sana kapag alam mo ng hindi ko na kaya, aalalay ka.
Sa totoo lang naa-appreciate ko ‘yong paghuhugas mo ng plato at paglilinis mo ng kuwarto. Kahit hindi mo sabihin, nakikita ko lahat ng ginagawa mo at nagpapasalamat ako. Hindi madali ang gawaing bahay, kaya sa bawat bagay na itinutulong mo gumagaan ang mga trabaho ko.
Sana huwag mo rin pabayaan ang sarili mo. Mag-ayos ka, mag-ahit, at magpa-guwapo. Hindi sa kinahihiya kita pero dahil sobrang proud ako sa ‘yo. Kahit anong oras basta may makita akong kakilala ko, ipagmamalaki ko na ikaw ang asawa ko. Dahil tumataba ang puso ko kapag sinasabi nilang ang guwapo mo at ang suwerte ko sa ‘yo.
Image from Freepik
Alagaan mo ang kalusugan mo higit sa lahat. Umiwas ka sa ano mang bisyo na magbibigay sa ‘yo ng karamdaman. At kung may nararamdaman ka, huwag mag-atubiling pumunta sa doctor at sasamahan kita. Dahil higit sa ano pa mang yaman sa mundo, mahalaga ang malusog at masaya ka.
Pagpasensyahan mo rin sana ako kung minsan mainit ang ulo ko. Salamat dahil imbis na sabayan ako, nag-gigiveway ka. Kasi ang anumang inis o galit ko ay lilipas, lalo na kung maiintindihan at rerespetuhin mo ang damdamin ko.
Huwag mo ring masyadong pansinin ‘yong mga bashers ko sa social media, mas maraming bagay na mas importanteng intindihin kaysa sa kanila.
‘Tsaka, Mahal, tandaaan mo kaya ko ang sarili ko pero kung sakaling kailangan ko ng back-up, huwag ka sanang mawala diyan sa likod ko. At lagi mong iisipin, ang mga kaibigan ko ay kaibigan mo rin kahit minsan may pagpakialamera sila, hangad nila ang ikakabuti nating dalawa.
Hindi mo alam kung gaano mo ko napapasaya kapag ‘pinapakilala mo ‘ko sa mga kaibigan mo bilang misis mo. Ramdam na ramdam ko ‘yong pagmamalaki mo sa akin. Pero kung ano mang naabot ko, dahil din iyon lahat sa ‘yo, dahil sa pagsuporta mo.
Minsan kahit pagod na ‘ko, gumagaan ang pakiramdam ko kapag tumatawag ka para mangamusta. Sa ganoong paraan nararamdaman ko na hindi ako nawawala sa isip mo.
Kahit minsan nakakainis ka dahil nakikialam ka sa pananamit ko, nagpapasalamat parin ako dahil na-appreciate mo ang hitsura ko at natutulungan mo ‘kong maging mas magandang version ng sarili ko. Kaso sana minsan hinay-hinay lang sa pag-komento. Mister kita, at hindi ka judge ng isang fashion show.
Sa mga simpleng bagay na ginagawa mo, tulad ng pag-“I love you” bago matulog, paghalik sa noo ko, pagyakap sa akin habang busy ako magluto—kinikilig ako dahil sa ganoong paraan ‘pinaparamdam mo na kahit lumipas na ang taon, wala paring nagbabago sa pagmamahal mo.
Image from Freepik
Alam ko ang pangangailangan ng pagkakalalaki mo, pero salamat dahil sa mga oras na hindi ko mabigay ang gusto mo, naiintindihan mo ‘ko. Pero kung may mga gusto kang subukan, huwag kang mahiyang magsabi sa akin dahil tulad nga ng sinabi ko, hangad ko ang kaligayahan mo. Kung kaya ko, gagawin ko para sa ‘yo.
Higit sa lahat, nagpapasalamat ako dahil ‘binibigyan mo ng pansin ang kahalagahan ng pamilya.
Salamat sa pag-aalaga sa mga bata kapag masama ang pakiramdam ko. Ang pagtimpla ng dede ni baby sa madaling-araw, lalo na kung mahimbing ang tulog ko.
Marami pa akong gustong sabihin pero mas maganda sana kung personal mong maririnig ang mga ito.
Sa ngayom, ito muna ang masasabi ko: Oo, hindi ka perpekto pero salamat dahil ‘binibigay mo ang best mo para maging karapat-dapat na mister na tunay na minamahal ko.
Nagmamahal,
Ang proud mong misis
Basahin:
Ayusin ang relasyong mag-asawa sa loob ng limang minuto
Namimiss mo pa ba ang asawa mo? Why it’s important in the relationship
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!