Meryll Soriano, nagkuwento tungkol sa pinagdaanan niyang baby blues at postpartum depression noon. Basahin dito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Meryll Soriano, nagkuwento tungkol sa mga karanasan sa baby blues at postpartum depression
- Ang unang gabing nawalay siya sa kaniyang baby
- Paano niya nalagpasan ang postpartum depression noon
Habang tumatagal, mas dumaraming kababaihan ang nagiging mas matapang sa pagpapahayag tungkol sa kanilang mga karanasan tungkol sa postpartum anxiety and postpartum depression.
Isa na rito ang beteranong aktres at celebrity mom na si Meryll Soriano, na nagbahagi ng kaniyang postpartum journey sa kaniyang YouTube vlog.
Noong June 1, ibinahagi ni Meryll o MamaMeme sa kaniyang vlog na pinamagatang “My Postpartum Depression Journey” ang kaniyang mga karanasan tungkol sa postpartum anxiety and postpartum depression na pinagdaraanan ng maraming bagong panganak na ina.
Sinimulan niya ang kaniyang vlog sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabuluhang impormasyon tungkol sa mga dapat asahan ng mga babae pagkatapos nilang manganak, at nagbigay na rin ng tips tungkol sa postpartum recovery.
Anxiety ng isang working mom
Larawan mula sa Instagram account ni Meryll Soriano
Bagama’t naging candid si Meryll sa pagbibigay ng impormasyon at tips sa unang bahagi ng kaniyang vlog, naging seryoso naman ang usapan nang ikwento na ng aktres ang naranasan niyang pagsubok nang dumating ang ika-5 buwan ng kaniyang sanggol. Isang kuwentong siguradong makaka-relate ang mga nanay na babalik na sa trabaho matapos ang maternity leave.
Nagsimula na kasing unti-unting bumalik sa trabaho si Meryll. Ang unang beses niyang mawalay ng matagal sa kaniyang baby ay noong nag-tape siya para sa isang episode ng Maala-ala Mo Kaya.
Unang ikinuwento ng aktres ang hirap na naranasan niya ukol sa pagpa-pump sa location ng kanilang shoot. Pagbabahagi niya,
“First of all, ang hirap pala mag-pump in a place na hindi ka confident na malinis.”
Dagdag pa niya, mayroon silang 12-hour work periods sa kanilang shoot kaya nahirapan siyang sundin ang tamang oras ng pagpa-pump ng gatas para sa kaniyang baby. Dahil rito, nagkaroon ng clogged ducts si Meryll at naapektuhan ang kaniyang milk supply at kalusugan. Kuwento pa ng aktres,
“Nagkaroon ako ng clogged ducts papunta sa mastitis. Gusto ko nang mag-collapse.”
Pag-amin ni Meryll, nakaramdam siya ng anxiety sa nangyari. Unang beses rin kasi niyang nahiwalay sa kaniyang sanggol kaya naman nahirapan talaga siya na umiiyak na siya sa kaniyang hotel room at gusto nang magpaalam para umuwi.
Kuwento niya, sa unang gabi na nahiwalay siya sa kaniyang anak, parang nararamdaman niya kapag umiiyak ito.
“Actually, hindi ako nakatulong ‘nun. It’s just difficult.”
Dahil rin sa pagbalik ni Meryll sa trabaho, sinubukan niyang i-transition ang kaniyang baby sa bote, na naging dahilan para magkaroon ito ng nipple confusion. Kaya naman lalong tumindi ang anxiety na naranasan ng celebrity mom. Kuwento pa niya,
“Nag-iiiyak ako kasi nahihirapan siyang dumede sa ‘kin. Fussy siya, nagwawala siya.”
Pag-amin ni Meryll, mayroong mga oras na umaatake ang kaniyang pag-aalala at ang pakiramdam na hindi sapat ang nagagawa niya para sa kaniyang anak.
“I got anxious kasi I felt that I’m not doing enough. And I also feel so tired and exhausted. Sometimes I’m so tired na ang hirap mag-alaga ng baby.” aniya.
Naramdaman rin ni Meryll na nawawalan siya ng gana at lakas para kumilos dahil sa sobrang pagod. Dagdag pa niya,
“Sobrang energy ang nakukuha sa ‘tin ng mga babies natin when we start breastfeeding,
I don’t know if you experience that, but ako, I feel like kailangan kong uminom ng sobrang daming tubig just to regulate and mag-relax.”
Larawan mula sa Instagram account ni Meryll Soriano
Pero sa kabila ng pagsubok na kaniyang naranasan, masaya si Meryll na hindi naman siya nakaranas ng postpartum depression sa kaniyang pangalawang baby. Nakatulong aniya ang presensya ng kaniyang partner at ama ng kaniyang baby, ang aktor na si Joem Bascon.
“This time around I have Joem. Laking tulong po niya sa aking needs, as his partner and also ‘yong needs ng baby.” aniya.
BASAHIN:
Dianne Medina on postpartum depression: “I was crying for no reason at all”
Coleen Garcia on postpartum anxiety: “No matter how much I try, I wasn’t doing good enough”
STUDY: Postpartum depression, maaaring tumagal ng 3 years pagkatapos manganak
“I was in a terrible place.”
Bukod sa tulong ni Joem, inamin rin ni Meryll na mas handa siya sa kaniyang pangalawang pagbubuntis kaya hindi niya naranasan ang postpartum depression na naranasan niya noong baby pa ang kaniyang panganay na si Eli.
“Unlike noon with Eli. It wasn’t planned and I was going through so much that time kaya na-experience ko ‘yong postpartum depression.”
Kuwento ng aktres, noong ipinagbubuntis niya si Eli, ito rin ang taon na na-diagnose siya ng bipolar disorder. Aniya, maaaring nakadagdag ang kondisyon niyang ito kaya naging mas matindi ang kaniyang postpartum depression.
Panganay na anak ni Meryll Soriano. | Larawan mula sa Instagram account ni Meryll Soriano
Bukod dito, noong taon ring iyon nagsimula ang aktres sa kaniyang sobriety o paghinto sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
“In short, I was all over the place,” pag-amin niya. “I was in a terrible place with my relationships kaya it was a really hard moment in my life.”
Kuwento pa niya, natanggap lang niya ang kaniyang pagbubuntis noong nakita ang niya ang ultrasound ng kaniyang sanggol sa kaniyang ika-4 na buwan.
“I had thoughts of suicide, I had thoughts of hurting myself, others and even the baby,” dagdag pa ni Meryll.
Kaya naman paalala ni Mama Meme sa mga nanay na nanonood ng kaniyang vlogs,
“Guys, this is very serious. Pinagdaanan ko po ito.”
Aniya, nakatulong sa kaniya ang pagkakaroon ng isang psychiatrist na tumulong sa kaniya habang mayroon siyang bipolar disorder, at sober counselor na isa ring clinical psychologist para umalalay sa kaniya noong panahong iyon.
Noong panahong iyon, hindi pa masyadong naiiintindihan ng ibang tao ang pagkakaroon ng postpartum depression kaya naman talagang ang paggabay ng kaniyang mga doktor ang naging daan para malagpasan niya ang kaniyang pinagdaraanan.
Kaya naman payo niya,
“I encourage you guys to talk to your doctor kung paano kayo magkakaroon ng extra support,” aniya.
Ayon kay Meryll, sa ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang kaniyang therapy at pag-inom ng ilang gamot para sa kaniyang bipolar disorder.
Pagtatapos niya sa kaniyang kuwento, sana ay may napulot ang ibang nanay sa kaniyang kuwento para hindi nila maramdaman na nag-iisa sila.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!