Metro Manila lockdown, ang lahat ng kailangan mong malaman. Bilang empleyado, ano ba ang mga dapat mong tandaan tungkol sa bagong protocol na ito?
Metro Manila lockdown
Image from Freepik
Sa naganap na press conference kahapon, in-address ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong bansa. Ito ay tungkol pa rin sa ngayon ay pandemic na na COVID-19.
Dahil sa patuloy na tumataas na bilang ng mga apektado nito, kumalat sa social media ang posibleng pag-lockdown sa Metro Manila. Ito naman ay nilinaw ng presidente at sinabing hindi ito tatawaging “lockdown”, dahil nga ikinatatakot ito ng mga mamamayan. Ito raw ay isang community quarantine lamang.
Ang ibig sabihin ay papayagan pa ring pumasok ang mga tao, lalo na ang mga empleyadong nasa labas ng Metro Manila. Basta’t sila ay magpakita lamang ng pruweba na sila ay nagtatrabaho sa loob ng Metro Manila.
Pahayag ni DILG Secretary Año, “sa mga nagtatrabaho, kasama dito sa utos na papayagan ‘yung mga nagtatrabaho na pumasok, provided lang na meron silang ID, meron silang magpapatunay na ang work nila ay dito sa Manila.”
Para maging malinaw ang lahat ng mga papaloob sa community quarantine na ito, mayroong opisyal na dokumentong ilalabas sa Huwebes. Ito ay manggagaling sa PNP at AFP.
Work from home policy
Kahit hindi total lockdown at mayroon pa ring pasok sa ilang sangay ng gobyerno, hinihikayat pa rin maging ang mga private sectors na magbigay ng flexible work arrangement sa kanilang mga empleyado.
Ito ay para na rin maiwasan nga ang patuloy na pagkalat ng sakit. Binigyang-diin din ng pangulo ang social distancing maging sa mga public transport. Ang MRT-3 at LRT ay hindi naman isasara, ayon pa rin sa pangulo.
Ngunit kaugnay nito, inanunsyo naman ang travel ban sa pamamagitan ng land, air at sea papasok at palabas ng NCR. Ito ay epektibo mula March 15 hanggang April 14, 2020.
Ang lahat naman ng mga polisiyang binanggit kahapon sa press conference ay strikto nang ipatutupad 5 araw mula ngayon.
Sa kasalukuyan, mayroon ng 52 na positive cases sa Pilipinas at 5 na ang namatay dito. Mayroon namang 794 na binabantayang kaso.
Class suspension
Samantala, sa mga estudyante naman, kinansela na ang mga klase hanggang April 12, 2020. Ito ay para masigurong hindi rin maapektuhan ang mga bata at mahawaan pa ng sakit. Ayon pa rin kay President Duterte, huwag namang pabayaan na walang ginagawa ang mga bata sa bahay. Dapat daw bigyan sila ng mga gawain ng mga guro o mag-online class kung posible.
Para naman sa mga lungsod sa labas ng NCR, maaari pa rin daw mag-kansela ang mga mayor ng klase basta ay sigurado lang na hindi ito baseless o basta-basta na lamang pinagdesisyunan.
Social distancing tips
Image from Freepik
Paano nga ba papairalin ang social distancing? Ang basic rule dito ay manatiling hanggang 3 meters sa mga tao. Iwasan din ang pakikipag-kamay, beso o kahit anong form ng touch.
Kung nababahala sa social distance sa mga lugar kung saan talagang matao, magsuot na lamang ng mask at ugaliing mag-spray ng alcohol o maghugas ng kamay.
Kung ikaw ay inuubo o nababahing, magtakip ng bibig dahil hindi naman airborne ang sakit na ito. Naihahawa ito sa pamamagitan ng air droplets na nagmumula sa ubo o bahing ng infected.
Maging responsable sa mga maliliit na paraan na ito dahil hindi lang ang iyong sarili ang sinasagip mo kundi pati na rin ang iyong kapwa.
SOURCE: Rappler
BASAHIN: Work from home para sa mga empleyado, isinusulong dahil sa COVID-19
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!