Mga bawal sa bagong panganak, kailangan bang malaman ito?
Ang bagong baby ang sentro ngayon ng inyong tahanan at buhay. Pero may isang tao pa na kailangan ng pag-aaruga at atensiyon sa panahong ito—si Mommy.
Kaya naman napaka-importante na malaman ng mga nanay kung anu-ano ang mga bawal sa bagong panganak.
Talaan ng Nilalaman
Kailan dapat reglahin ang bagong panganak?
Kailan dapat reglahin ang bagong panganak? Ito ang kadalasang tanong ng mga bagong panganak na mommy.
Ayon sa mga medical experts, ang menstruation ng isang bagong panganak na nanay ay babalik pagkatapos ng anim hanggang walong linggo pagkatapos manganak kung ikaw ay hindi nagpapabreastfeed. Samantalang ang mga mommy na nagpapabreastfeed naman ay hindi muna magkakaroon ng regla habang nagpapabreastfeed sila sa kanilang mga anak.
Advise naman ng mga doctor na ‘wag muna gumamit ng tampons kung sakaling magkakaroon ng menstruation ang bagong panganak na mommy.
Mga pagbabago at mga bawal sa bagong panganak
Maraming pagbabago sa katawan ni Mommy pagkapanganak, pati na sa emosyonal na aspeto ng postpartum well-being. Napakarami mo nang nabasa tungkol sa pagbubuntis at paghahanda sa pagdating ni baby, pati na rin sa mga dapat asahan sa munting anghel pagkapanganak. Pero paano naman ang pag-aalaga sa sarili?
Ang postpartum period at post-natal care ang pinaka-kritikal para sa mga Mommies, dahil napakarami nang nangyayari na madalas ay hindi na napagtutuunan ng pansin dahil nga nakay baby lahat ang atensiyon. Kaya naman dapat ‘wag ipagsawalang bahala ang mga bawal sa bagong panganak.
Kung may mga pag-iingat na dapat gawin para sa bagong panganak na sanggol, may mga bawal din para kay Mommy na lingid sa alam ng iba.
Narito ang ilan sa mga bawal sa bagong panganak na hindi mo dapat binabaliwala.
1. Pag-inom ng gamot na walang rekumendasyon ng iyong doktor
Tiyak ay may mga mararamdaman ka sa katawan—may masakit, may hindi komportable, may pagdurugo pa nga minsan. Anumang uri at gaano man kaliit ang pananakit, ikunsulta muna sa iyong OB GYNE bago uminom ng gamot.
May mga gamot kasi na bawal sa breastfeeding, dahil hindi ligtas para kay baby. Tandaan na lahat ng pumapasok sa katawan at sistema mo ngayon, ay maaaring mapunta rin sa pinapasusong anak.
Puntahan ang lahat ng naka-schedule na postpartum check-up, kahit pa walang sakit na nararamdaman, payo ni Dr. Carlo Palarca, MD, internist at OB hospitalist sa Orlando Health Medical Clinic, sa Florida, USA,. Mabuti nang makita ng doktor ang progreso ng recovery mo mula sa delivery.
Maaari din kasing may mga sintomas ng problema sa kalusugan ni Mommy na kailangan ng paggamot, pero hindi napapansin dahil na nga sa pagka-abala sa pag-aalaga kay baby. health problem that needs treatment.
Kritikal ang postpartum care, dahil maraming mga panganib o risk ng komplikasyon lalo na ilang araw at ilang linggo pagkapanganak, ayon sa librong What to Expect When You’re Expecting ni Heidi Murkoff at Sharon Mazel.
2. Bawal ang magbuhat nang mabigat, at gumawa nang mabigat na trabahong bahay
Isang sa mga bawal sa bagong panganak na dapat isaisip ay ang pagpagod ng todo sa sarili.
Huwag magbuhat ng anumang mas mabigat sa baby mo, payo ni Dr. Palarca. Nasa recovery stage ang iyong buong katawan, pati nga emosiyon, dahil sa stress ng panganganak.
Huwag kang ma-guilty kung parang wala kang lakas, o pakiramdam mo ay hindi mo kayang gumalaw tulad ng dati. Hindi biro ang magluwal ng bata, kaya’t huwag mong pilitin ang sarili mo na bumalik agad sa dating energy at lakas.
Ito ang panahon na may karapatan ka munang umupo, humiga, at mag-ipon ng lakas—at hayaan si Daddy at iba pang kasambahay na kumilos sa loob ng bahay.
Samantalahin ang panahong ito para mag-astang “reyna ng tahanan”. Mas magiging malakas ang katawan mo kung maipapahinga ng tama at sapat sa unang ilang araw at unang anim na linggo pagkapanganak.
Kapag nagpapadede kay baby, lagyan ng suportang unan sa ilalim niya para hindi madiinan ang tiyan ni Mommy. Matulog, umidlip at sabaya ang oras ng pahinga ni baby.
Normal delivery man o Ceasarean Section, may pagdurugo na mararanasan ang isang ina. Hayaang humupa ang pagdurugo at mga tahi sa perineum (gitna ng vagina at rectum) kung normal delivery, at ang tahi sa tiyan kung CS. Kapag lalong nase-stress at napapagod ang katawan, lalong made-delay ang paghilom ng sugat.
3. Bawal ang tampons at mga produktong may matapang na pabango para sa vaginal bleeding
Para sa vaginal bleeding at perineal care, gumamit lang ng mga ordinaryong maxi-pads, at hindi ang mga sobrang may pabango na sanitary pads. Iwasan din ang mga pads na may maiinit na outer layer at baka mairita ang vaginal area, na sa panahong ito ay hindi pa tuluyang naghihilom.
Linisin ang perineal area ng tubig at hindi matapang na sabon, at huwag kaligtaang maligo o mag-shower. Ipahinga din ito sa pads, kahit ilang minuto, 2 o 3 beses sa isang araw para hindi mairita. Lagyan din ng ice-pack o malamig na bimpo paminsan-minsan para makatulong sa paghihilom.
4. Bawal ang labis na pag-iri kapag dumudumi
May panganib na magkaron ng hemorrhoids o almuranas kapag masyadong napipilit ang pag-iri habang dumudumi, lalo sa mga unang araw at linggo pagkatapos ng delivery.
Minsan kasi ay nahihirapan ang mga bagong nanay sa pagdumi (constipated). Ang almuranas ay karaniwang sakit ng mga bagong panganak, kaya’t dapat pag-ingatan. Kung may nararamdaman nang sakit, magbabad sa isang warm bath, at magpareseta ng spray o cream para sa pananakit.
Kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber, tulad ng prutas at gulay at mga whole-grain na tinapay at cereal, at uminom ng maraming tubig o fluids.
5. Limitahan ang pagkain ng matatamis, sobrang alat, hitik sa “fats”, at mercury
Dalawa kayong kumakain ngayon, kaya ang lahat ng kainin mo ay nakakaapekto din kay baby. At dahil nga nasa recovery stage pa ang iyon katawan, mahalagang pangalagaan ang kalusugan dahil kailangang maibalik sa normal na function ang buong sistema ng iyong katawan. Kumain ng mga masustansiyang pagkain at iwasan ang mga matatamis, para makaiwas sa diabetes at high blood pressure.
Iwasan din ang mga isdang mayaman sa mercury tulad ng kingfish, mackerel at tilefish. Ayon sa mga pagsasaliksik, ang labis na mercury mula sa isda ay nakakaapekto sa utak ng bata.
6. Bawal ang alak at anumang gamot na hindi nireseta ng doktor
Nakakaapekto ang mga subtances na ito sa mood at pakiramdam ng isang bagong panganak, at imbis na makatulong ay makaksama pa ng labis. Higit sa lahat, makakahadlang ito sa maayos na pag-aalaga ng iyong baby.
Maghanap ng mga bagay para makapag-destress at malibang, sa ilang oras araw araw. Huwag tumutok ng labis sa pag-aalaga kay baby. Kailangan ding maglibang at alagaan ang sarili, sa isang maayos at hindi self-damaging na paraan.
Kung may okasyon, at gusto mo lang uminom ng kahit kaunti, siguraduhin lang na huwag magpasuso pagkainom. Hintaying mawala at mailabas mula sa katawan mo ang alak na nainom, saka magpadede.
7. Bawal ang kape
Isa sa mga bawal sa bagong panganak ay ang pag-inom madalas ng kape.
Limitahan ang pag-inom ng kape sa 2 hanggang 3 tasa kada araw. Tandaan na ang caffeine na taglay ng kape ay maaaring mapunta sa gatas na iniinom ng iyong baby (karaniwang hindi hihigit sa 1%). Hindi kaagad naaalis ang caffeine sa sistema ni baby kaya maaaring maipon ito. At kapag may caffeine, makakaapekto ito sa pagtulog ng bata, pati ni Mommy. Pareho din kayong magiging iritable, hindi mapalagay at maaaring mabilis maubos ang pasensiya.
Ang tea, soft drinks, energy drinks, chocolate, at coffee-flavored ice cream ay mayron ding caffeine, kaya dapat ding iwasan hangga’t maaari. Pati mga gamot para sa sakit ng ulo o katawan at allergy ay may taglay na caffeine minsan, kaya magbasa ng labels bago uminom ng mga ito.
8. Bawal ang magpapalipas ng gutom.
Galing sa pagbubuntis, natural lang na bumigat ang iyong timbang, kahit pa nakapanagnak na. Pero hindi ito sapat na dahilan para mag-diet at magpalipas ng gutom, para pumayat agad. Hindi dapat magpapayat kaagad pagkapanganak. Ang breastfeeding ay nakakatulong sa pagtanggal ng timbang na nadagdag sa pagbubuntis. At kung nagpapadede, dapat ay kumakain ng tama at masustansiya.
Hindi naman kailangang kumain ng napakarami. Ang kailangan ng katawan ng mag-ina ay masustansiyang pagkain para sa pagpapagaling at pagbawi sa trauma ng panganganak.
Dahil nga rin nagpapasuso ng bata at nakasalalay kay Mommy ang sustansiya na kailangan din ni baby, hindi pwedeng magkulang sa pagkain at sustenance ang katawan ni Mommy. Payo ng mga lactation experts, kumain kahit kaunti matapos magpadede o mag-express ng gatas.
Tubig, juice, sabaw at prutas at gulay, kasama na ang pagkaing mayaman sa protina ang kailangang nasa menu ni Mommy sa buong maghapon. Ang hindi pagkain sa tamang oras, at sapat ang pangunahing sanhi ng binat ng mga bagong panganak.
Ang pagkain ng masustansiya at pagiging aktibo (hind iyong palagi namang nakahiga o nakaupo ng ilang oras) ang makakatulong sa pagbawi ng lakas at kalusugan postpartum.
9. Bawal ang pakikisalamuha sa maraming tao o bisita.
Natural lang na marami kayong bisita palagi, dahil maraming mga kaanak at kaibigan na gustong kumustahin si Mommy at makilala ang bagong baby.
Pero tandaan na nakakapagod ang pakikipag-usap at pag-aasikaso sa bisita, lalo kung dagsa palagi. Ipunin muna ang lakas at hayaang maka-recover ang katawan, saka na lang tumanggap ng mga tao sa bahay.
Ipaliwanag sa mga kamaga-anak at kaibigan ang sitwasyon at paniguradong maiintindihan naman nila ito.
10. Bawal ang mga maiinit na damit at makakapal na kumot.
Makakaramdam ng “hot flashes” o para bang laging mainit ang pakiramdam pagkapanganak. Dahil ito sa dagsa ng hormones, at biglang pagbagsak nito. Iwasan ang mga maiinit na damit, o pagbabalot palagi ng sarili sa makapal na kumot o kaya ay mga damit na panlamig, pati na medyas, kapag nasa loob ng bahay.
11. Huwag magtali ng buhok nang mahigpit.
Iwasan din ang labis na paghila ng buhok sa pagtitirintas at pagsusuklay. Ang pagbagsak ng hormones pagkapanganak ay sanhi ng paglalagas ng buhok.
Karaniwang nararanasan ito ng mga mommies hanggang 6 na buwan pagkapanganak, kaya’t iwasan ang ma-stress pa lalo ang buhok. Magtanong sa OB GYN ng mga shampoo at conditioner na makakatulong laban sa paglalagas ng buhok. Iwasan din ang pagbo-blow dry palagi.
Hindi madali ang unang 3 buwan pagkapanganak—minsan ay hanggang isang taon pa ay nag-aadjust pa rin ang katawan. Makakatulong ang magkaron ng support group para may mga makausap na kapwa new mommies.
Napakalaki ng tulong kapag may nakakausap ka na nakakaintindi at alam ang mga pinagdadaanan mo.
Kausapin ang iyong asawa o partner, at panatilihing bukas ang komunikasyon ninyo, pra hindi ka makraramdam ng lungkot o pag-iisa. Maghanap ng hobby o gawin ang hilig, dahil kasama ito sa pag-aalaga sa sarili.
Ang masayang Mommy ay malusog, at mas makakatulong sa pagiging masaya ni baby, ni mister at ng buong tahanan.
Baby Blues
Ang postpartum blues ay totoo at nararanasan ng lahat ng nanay, sa iba’t ibang punto ng buhay, pagkapanganak. Ito ang pakiramdam na emosiyonal ka, iritable, at parang lagi na lang naiiyak at nalulungkot kahit walang dahilan, lalo sa unang 10 araw. SAnhi pa rin ito ng hormonal changes sa katawan.
Kusang nawawala ito, pwero kapag nararamdaman nang hindi ito nagbabago, o masyado nang mahaba ang panahon ng depresyon, at nagkakaron na ng ibang sintomas tulad ng walang ganang kumain o labis naman ang pagkain, dagdagan pa ng anxiety, kailangan nang kumunsulta sa doktor at humingi ng expert advice.
Makakatulong ang ehersisyo, o anumang physical activity, panimula. Pero mas mainam kung may medical advise mula sa mga eksperto.
Kumunsulta sa doktor kung:
- May problema sa pag-ihi o pagdumi
- Ang tahi ay may amoy, o di kaya ay masyadong malambot sa paligid
- May labis na abdominal tenderness, lagnat o labis na cramps
- May pula (na parang dugo) sa vaginal discharge, o di kaya ay labis ang pagdurugo, at may masamang amoy na ito
- Nilalagnat o may flu-like symptoms
- Nahihilo o nahimatay, kahit pa nakapagpahinga naman
- May pamamaga at mapulang bahagi sa binti (na maaaring senyales ng blood clot)
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.