Ano nga ba ang mga dapat gawin ng buntis para masigurong malusog silang mag-ina? Alamin rito.
Sa sandaling nalaman mo na buntis ka, napakaraming katanungan ang papasok sa iyong isipan. Anong bawal kainin? Pwede pa bang mag-exercise? Pero ang pinaka-importanteng tanong sa isip ng isang bagong ina ay, “Paano ko masisigurong ligtas ang aking anak?”
Napakahalaga para sa isang babae na pangalagaan ang kaniyang katawan lalo na kapag nagdadalang-tao siya. Pero dahil napakaraming impormasyon sa paligid niya, minsan ay nalilito na siya. Ano nga ba ang mga dapat gawin ng buntis? Ano ang bawal at hindi bawal? Saan nga ba dapat magsimula?
Para sa mga first-time moms, ang pagbubuntis ay isang panahong puno ng pag-aalala at katanungan. Pero huwag mag-alala. Narito ang isang gabay para sa mga dapat gawin ng buntis para masiguro ang kaligtasan at kalusugan nilang mag-ina.
Mga dapat gawin ng buntis
-
Magkaroon ng balanced diet.
Ang pagkakaroon ng isang nutritious diet habang nagbubuntis ay mahalaga. Nasisiguro nito ang development ng brain ng sanggol sa iyong sinapupunan. Kapag puno ng sustansiya at bitamina ang iyong pagkain, naiiwasan din ang posibilidad ng maraming birth defects.
Ang pagkain ng tama ay nakakatulong din para mabawasan ang anemia at iba pang sintomas ng pagbubuntis gaya ng fatigue at morning sickness.
Narito ang mga bitamina at mineral na dapat nasa diet ng isang buntis:
-
- protein
- vitamin C
- calcium
- mga prutas at gulay
- whole grains
- iron
- healthy fat
- folic acid
- iba pang nutrients gaya ng choline
-
I-monitor ang iyong timbang.
Inaasahan ang pagdagdag ng timbang habang nagbubuntis. Subalit depende rin sa iyong timbang bago ka mabuntis, at sa mga babaeng kambal ang ipinagbubuntis kung gaano kalaki ang timbang na dapat madagdag sa iyo.
Dahil ang pagiging overweight o pagkakaroon ng sobrang timbang habang buntis ay maaaring makasama. Maaari itong magdulot ng mga sakit tulad ng gestational diabetes, pre-eclampsia at magkaroon ng komplikasyon sa pagbubuntis.
Ano ba ang tamang timbang? Ayon sa The American College of Obstetrics and Gynecology (ACOG), ang normal na weight gain ng isang babae sa kabuuan ng kaniyang pagbubuntis ay 25 hanggang 35 pounds.
Para mas madaling masukat, 3-4 pounds lang ang dapat madagdag sa unang 3 buwan ng pagbubuntis, at 1 pound sa mga sumusunod na linggo.
Para makasiguro, tanungin ang iyong OB-GYN sa iyong checkup kung sapat ba ang timbang na nadadagdag sa iyo sa tuwing magpapacheck-up ka.
-
Umiwas sa mga bawal na pagkain.
Importante rin na alamin kung anong mga pagkain ang bawal sa buntis, para hindi malagay sa peligro ang kalagayan niyo ni baby.
Para makaiwas sa bacterial o parasitic infection tulad ng listeriosis, siguruhin na ang gatas, keso at juice na kinokonsumo ay pasteurized. Iwasan din ang pagkain ng mga hilaw na karne at isda.
Ayon sa mga pag-aaral, nakakasama rin ang kape o iba pang inuming may caffeine sa brain development ni baby. Kung mayroon kang allergy sa pagkain, iwasan din muna ito.
Makakabuting alamin kung anong pagkain at inumin ang bawal sa ‘yo para makahanap ng alternatibo rito.
-
Uminom ng prenatal vitamins.
Karamihan ng nutrisyon sa buntis at baby ay dapat manggaling sa pagkain. Subalit mahirap ring siguruhin na sapat ang sustansya ng iyong kinakain araw-araw.
Gayundin, minsan ay marami tayong pagkaing tinatanggihan dahil sa morning sickness. Kaya malaki ang papel na ginagampanan ng mga prenatal vitamin supplements para mapunan ang kakulangan.
Ang Folic acid o folate ay isang uri ng vitamin B na napakaimportante sa mga buntis. Kailangang inumin ito sa unang 12 linggo ng pagbubuntis para makaiwas ang baby sa malubhang kondisyon na spina bifida.
Tanungin din ang iyong doktor kung anu-ano pang vitamins ang kailangan mong inumin araw-araw.
-
Mag-ehersisyo.
Isa sa mga bagay na dapat gawin subalit laging nakakaligtaan ng mga buntis ay ang pagiging aktibo.
Ang light to moderate exercises ay hindi lang ligtas para sa buntis, nakakatulong pa ito para sa iyo at iyong baby. Narito ang ilang magandang epekto ng pag-eehersisyo para sa mga buntis:
-
- Tumataas ang energy levels
- Gumaganda ang tulog
- Lumalakas ang muscles at nagkakaroon ng endurance
- Nababawasan ang sakit sa likod
- Nababawasan ang constipation
- Gumaganda ang daloy ng dugo
- Nababawasan ang stress
Rekomendasyon ng ACOG, dapat ay hindi bababa sa 150 minuto ng moderate aerobic activity linggo-linggo. Subalit bago magsimula ng anumang exercise regiment, kumonsulta muna at humingi ng go signal mula sa iyong OB-GYN.
Ugaliin ring uminom ng maraming tubig habang nag-eehersisyo para maiwasan ang dehydration.
-
Alisin ang masasamang bisyo.
Napakaraming pag-aaral na ang nagpatunay ng masasamang epekto ng paninigarilyo at pag-inom ng alak sa iyong pagbubuntis at development ng iyong baby.
Ang paninigarilyo ng ina ay maaaring magdulot ng komplikasyon sa panganganak at premature birth. Nakakaapekto rin ito sa development ng baga at utak ng sanggol.
Mas mataas din ang posibilidad ng Sudden Infant Death Syndrome (SIDS) sa mga sanggol na na-expose sa sigarilyo habang nasa sinapupunan.
Kung nakakasama ang pag-inom ng alak sa isang normal na tao, paano pa kaya sa buntis at sa sanggol nito? Ilan sa mga epekto ng pag-inom ng alak sa sanggol ay ang pagkakaroon ng birth defects at problema sa kaniyang brain development.
Kaya kung nahihirapan kang huminto sa iyong bisyo noong hindi ka pa buntis, ito na ang senyales na dapat mo nang itigil ang mga ito – para sa kapakanan niyong mag-ina.
-
Magpahinga.
Isa sa mga karaniwang idinadaing ng mga buntis ay mahirap matulog sa gabi. Subalit napakahalaga ng pagkakaroon ng sapat na tulog at pahinga sa pagbubuntis.
Ayon sa John Hopkins Medicine, ilan sa mga epekto ng hindi pagkakaroon ng sapat na tulog ng buntis ay ang mga sumusunod:
- Preeclampsia o high blood pressure
- Gestational diabetes
- Para sa mga babaeng mababa sa 6 oras kada gabi ang tulog, mas mataas ang posibilidad ng mahabang labor at cesarean section
Bukod dito, nakaka-apekto rin ang puyat sa mood ng isang buntis. Kaya naman siguruhing mayroon kang sapat na tulog sa gabi, at magpahinga ng ilang minuto sa araw kung kinakailangan. Iwasan ding pagurin ang iyong sarili.
-
Umiwas sa stress.
Ayon kay Dr. Patricia Kho, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, bagama’t normal na makaranas ng stress ang isang buntis, maaari itong makasama sa kaniya at sa kaniyang sanggol kapag sumobra ito.
“So kapag grabe ‘yong stress, severe stress puwedeng masyadong tumaas ang cortisol. Ito ay isang hormone sa katawan ng babae and pwedeng medyo maging maliit ang kanyang baby.” ani Doc Patricia.
Bukod dito, ang kawalan ng sapat na pahinga, tamang nutrisyon at pangangalaga sa sarili dahil sa stress ay maaring maging dahilan para magkaroon ng problema ang isang babae sa kanyang pagbubuntis.
Kaya naman payo ng doktora, para mapangalagaan ang iyong mental health, ugaliing humingi ng tulong kung kailangan. Ipaalam sa iyong partner kung nakakaranas ka ng stress o nahihirapan ka. Humanap din ng taong makakausap mo at makakaintindi sa iyo.
Kapag nakakaramdan mg stress, mas mabuting agapan mo na ito. Subukang mag-relax, mag-meditate at gumawa ng mga bagay na nakakapagpasaya sa iyo.
-
Umiwas sa sakit.
Ang pagkakaroon ng isang malakas na immune system ang isang paraan para manatiling malusog at ligtas ang buntis at ang kaniyang sanggol. Subalit ayon sa pag-aaral, maaaring magbago ang immune system ng isang babae habang siya ay nagbubuntis.
Dahil rito, mahirap matukoy kung kailan maaaring makapasok ang impeksyon sa katawan ng buntis. Gayundin, mayroong mga gamot na ipinagbabawal niyang inumin. Kaya naman napakahalaga na makaiwas ang babaeng nagdadalangtao sa anumang uri ng sakit.
Paano nga ba makakaiwas sa sakit ang buntis?
Isa sa mga bagay na dapat gawin ng buntis ay umiwas muna sa mga taong may-sakit. Kung mayroong may sakit sa loob ng bahay, makakabuti kung iiwasan muna niyang lumapit rito.
Kung pupunta ng ospital, magsuot ng face mask. Dahil laganap ang sakit ngayon, mas mabuti kung mananatili lang muna sa bahay kung walang importanteng lakad.
Ugaliin ding maghugas ng kamay at panatiliing malinis ang iyong kapaligiran.
-
Alamin ang tamang paraan ng pag-upo, paghiga at pagtulog.
Para makaiwas sa mga komplikasyon at aksidente habang buntis, mas makakatulong rin kung aalamin mo ang tamang paraan ng pagkilos.
Ayon sa mga pag-aaral, ang pagsunod sa tamang posisyon habang natutulog ay nakakatulong para mabawasan ang posibilidad ng still birth.
Gayundin, dahil sa iyong lumalaking tiyan, maaaring makaranas ka ng hirap at bigat sa pagtayo, pag-upo o paglakad. Mahihirapan pa ring magbalanse. Kapag hindi ka naging maingat, maari itong humantong sa aksidente.
Ang pananatili ng tamang posture habang buntis ay isang paraan para makaiwas sa mga ganitong pangyayari. Makakabuti rin ito para mabawasan ang sakit sa iyong likod, tiyan at mga binti.
-
Ugaliing kumonsulta sa iyong doktor.
Bilang huling payo, para makasiguro na magiging ligtas at malusog ang iyong pagbubuntis, kumonsulta sa iyong OB-GYN. Huwag magmimintis sa schedule ng iyong checkup. Kung mayroon kang sakit o kakaibang nararamdaman, ipaalam mo agad ito sa kaniya.
Gayundin, magtanong sa iyong doktor tungkol sa mga bakuna at pagsusuri na kailangang ipagawa habang nagbubuntis. Makakatulong ito para makita niya ang iyong lagay at kung mayroon dapat bigyang-pansin.
Higit sa lahat, kumg mayroon kang katanungan tungkol sa iyong pagbubuntis, huwag mahiyang magtanong sa iyong doktor.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.