Alamin ang mga dapat gawin para hindi na maulit ang pag-aaway ninyong mag-asawa. Ito ay para tuluyang ng ma-solusyonan ang problema at mas tumibay pa ang inyong pagsasama.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga dapat gawin ng mag-asawa matapos ang pag-aaway o hindi pagkakaintindihan.
- Ang mga dapat taglayin ng isang relasyon para ito ay tumibay at mas tumagal pa.
Mga dapat gawin para hindi maulit ang pag-aaway ng mag-asawa
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Ang pag-aaway o hindi pagkakaintindihan ay normal sa mag-asawa. Isa ito sa sinasabi na sangkap para mas tumibay pa ang pagsasama.
Subalit ayon sa mga eksperto, mangyayari lang ito kung alam ng mag-asawa ang mga dapat gawin para hindi na maulit ang pag-aaway nila. Ang mga ito ay ang sumusunod:
1. Huwag umarteng parang walang nangyari.
Ayon sa marriage consultant na si Lesli M. W. Doares, hindi dapat basta binabalewala ang mga bagay na pinag-aawayan o hindi ninyo pinagkakaintindihang mag-asawa. Ito ay dapat pinag-uusapan ninyo upang maipunto kung ano ang pagkakamaling dapat ninyong ayusin.
Sapagkat ayon naman sa dating at empowerment coach nasi Laurel House, kung ito ay hindi ninyo tatalakayin, darating ang araw na magdudulot ito ng mas malaking problema. Kapag ito ay sumabog, mas malaki ang damage na maaring maidulot nito tulad ng tuluyang pagkasira ng inyong pagsasama.
2. Huwag i-share ang detalye ng inyong pag-aaway sa social media.
Kung gusto mong magkaroon ng karamay, hindi ang social media ang pinakamagandang lugar para makakita ka ng makakaintindi o makikinig sa iyong nararamdaman.
Sapagkat sa paggawa nito ay hindi mo lang isinasapubliko ang dapat na pribadong away o pagtatalo ninyong mag-asawa. Hindi mo man sinasadya sa pamamagitan nito ay sinisiraan mo ang sarili mo at ang asawa mo. Isang bagay na maaring maging usap-usapan ng iba na mahihirapan kang burahin na.
Kung gusto mo talaga ng karamay, ay kausapin ang iyong kaibigan. O kaya naman ay isang miyembro ng pamilya na mapagkakatiwalaan mo at handang magbigay ng honest at balanced advice sa iyong problema.
3. Mag-usap at huwag patagalin ang hindi ninyo pagkakaintindihan.
Matuto sa inyong naging pag-aaway. Sa susunod ay huwag hayaang tumagal ang hindi ninyo pagkakaintindihan. Sapagkat kung ito ay hahayaan ay lilipas lang ito at maaaring maipon ng maipon at magdulot lang ng mas malalang damage sa pagsasama ninyo.
Pero hindi nangangahulugan ito na kayo ay mag-uusap kapag mainit pa ang sitwasyon at ang inyong mga ulo. Dapat ay mag-relax muna kayo at kumalma.
Kapag pareho na kayong mahinahon ay saka kayo magharap sa paraang pareho kayong handang makinig sa isa’t risa. Ito ay para mas maayos ninyong masabi ang inyong nararamdaman at kayo ay magkaintindihan.
People photo created by jcomp – www.freepik.com
4. Huwag mag-matigas at tanggapin ang paghingi ng tawad ng asawa mo.
Sa bawat pag-aaway at dapat siguradong napatawad mo na ang asawa mo. Kung siya naman ay sincere na humingi ng paumanhin sa kaniyang pagkakamali ay hindi mo na dapat siya tiisin. Ibigay mo na ang pagpapatawad sa kaniya.
Ayon kay House, ang hindi pagtanggap ng tawad ng iyong asawa ay palatandaan na siya’y pinaparusahan mo pa rin sa kasalanang ginawa niya.
Ipinapahiwatig din nito na para sa ‘yo ang sinasabi niya at ginagawa ay hindi sapat. Isang bagay na ayon naman sa licensed psychotherapist na si Marni Feuerman ay hindi maganda kung gusto mong magtagal ang inyong relasyon.
BASAHIN:
7 bagay na maaaring pagmulan ng pag-aaway ng mag-asawa at tips para maiwasan ito
Mom confession: “Sorry Hubby, wala talaga akong ganang makipagtalik…”
5. Huwag ng ungkating muli pa ang inyong naging pagtatalo.
Tandaan sa pagpapatawad ay dapat maging sincere ito. Hindi iyong sa muling pagtatalo ninyo ay mauungkat muli ang mga nakalipas niyang pagkakamali.
Sapagkat kung paulit-ulit mo lang ibabalik ang mga pagkakamaling nagawa niya ay hindi matatapos ang pagtatalo ninyong dalawa. Ang resulta hindi magiging mapayapa at puro gulo lang ang inyong pagsasama.
Larawan mula sa Shutterstock
6. Ang paggawa ng mga excuses o dahilan sa inyong pagtatalo ay hindi makakatulong.
Maging honest sa iyong nararamdaman. Kung may ginawa ang partner o asawa mo na hindi mo nagustuhan ay ipaalam ito sa kaniya.
Hindi iyong pagtatakpan mo ang ikinagagalit mo ng mga dahilan gaya ng mainit lang ang ulo mo dahil sa traffic o sa dami ng trabaho sa opisina.
Kung hindi ka magiging honest sa iyong nararamdaman o ikinagagalit hindi ninyo ito maayos na mag-asawa. Maiipon at maiipon lang ito at na maaaring sumabog at magdulot ng malaking damage sa inyong pagsasama.
7. Huwag pilitin ang sarili na makipagtalik matapos ang pag-aaway.
Ayon sa mga love, sex at marriage experts, ang pakikipagtalik ay ginagawa upang maging mas malapit at ma-enjoy ng mag-asawa ang pagsasama nila.
Bagama’t ang make-up sex ay nakakatulong para matuldukan ang pag-aaway ng mag-asawa, hindi ito dapat gawin upang pagtakpan ang hindi nila pagkakaunawaan.
Sapagkat tulad ng pagdadahilan hindi nito mareresolba ang problema. Dagdag pa kung hindi mo ito gusto o labag sa kalooban mo ay mararamdaman mo lang na tila ginagamit ka.
Payo ni House, kung hindi pa handa na makipag-sex sa iyong asawa o partner matapos ang pag-aaway ay maaari namang yakapin ninyo muna ang isa’t isa.
Woman photo created by jcomp – www.freepik.com
8. Huwag mag-focus sa ginagawa ng iyong asawa na ikinagagalit o hindi mo gusto. Sa halip ay mag-isip ng paraan kung paano mo siya matutulungan upang ito ay maitama at hindi na kayo mag-away pa.
May mga pagkakataon talaga na hindi mo maiiwasang mainis o magalit sa asawa mo. Subalit kung ito naman ay dahil sa mga bagay na maaaring masolusyonan tulad na lang ng hindi niya pagtulong sa gawaing bahay ay mabuting ito ay maayos ninyong pag-usapan.
Imbis na paulit-ulit mong ipunto ang mga mali niyang ginawa ay mabuting umisip ng paraan kung paano ito maitatama. Dahil kung hindi mauulit at mauulit lang ang inyong pag-aaway na hindi makakabuti sa inyong pagsasama.
Maging matapat sa kaniya at sabihing kailangan mo ang tulong niya. Halimbawa, sabihin sa kaniya na malaking bagay kung matutulungan ka niya sa paghuhugas ng plato o kaya naman sa pagbabantay sa mga anak ninyo habang ikaw ay may ginagawa. Sa ganitong paraan ay na-sosolusyonan ang inyong problema at ito ay hindi na mauulit pa.
9. Hangga’t maari ay huwag gumamit ng masasakit na salita para maisalarawan ang iyong partner o asawa.
Larawan mula sa Shutterstock
Oo nga’t galit ka pero hangga’t maari ay dapat pigilan mo ang iyong sarili na magsabi ng masasakit na salita sa iyong asawa. Lalo na kung ito ay naririnig ng ibang tao. Dahil ang mga salitang nasabi na ay hindi mo na mababawi pa. At hindi rin ito basta-basta mabubura.
10. Huwag siyang isailalim sa silent treatment.
Hindi rin naman makakatulong kung hindi mo siya papansinin o isasailalim sa silent treatment. Dahil tulad ng masasakit na salita, ito rin ay uri ng emotional abuse na maaring makapagpasama ng loob niya.
Sabi nga ng matatanda, eksperto at mga professional, lahat ng bagay o hindi pagkakaintindihan ay dapat idaan sa maayos na usapan upang masolusyonan. Sa isang relasyon ito ay napaka-halaga. Lalo na kung gusto ninyo ng matibay at pangmatagalang pagsasama.
Source:
RD
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!