Mommy, papalapit na ba ang iyong due date? Basahin rito kung ano ang mga dapat gawin para madaling manganak.
Ang paghahanda para sa labor at delivery ang susi sa isang “matiwasay” na karanasan para sa isang nanay, pati sa kaniyang sanggol.
Sa dami ng tumatakbo sa isip ng isang nagbubuntis, lalo kung unang beses ito, kaba at takot ang nangingibabaw. Pero kahit pa nga nakailang panganganak na, may kaba pa rin sa mga nanay, dahil hindi biro ang pagdaraanang ito.
Bagamat wala naman talagang paraan para mapaghandaan lahat ng maaring mangyayari sa oras ng labor, may ilang bagay na puwedeng gawin bilang preparasyon at mga techniques na puwedeng pagsanayan habang hinihintay mo ang iyong due date.
Hindi lang pisikal, kundi kasama rin ang emosyonal at mental na paghahanda ang kailangan.
Talaan ng Nilalaman
Mga dapat gawin para madaling manganak
Handa ka na ba?
Pagdating ng ika-36 hanggang ika-37 linggo ng pagbubuntis, o ang huling trimester, dapat nang paigtingin ang paghahanda sa sarili, sa lahat ng aspeto—emosyonal, pisikal, mental pati nga pinansiyal.
Kung hindi pa ginagawa ang isa o lahat ng mga nakalista sa ibaba, simulan na itong isali sa iyong routine para maging mas madali at walang aberya ang panganganak.
Bago ang due date
1. Ihanda ang iyong emosiyon
Ang iyong mindset at emotional state ay konektado sa iyong pisikal na kondisyon, at kung paano kakayanin ng iyong katawan ang anumang stress.
Ang labis na takot, stress at pressure ay nakakaapekto sa kakayanan ng iyong katawan, ayon kay Jessie Mundell, isang certified kinesiologist at Precision Nutrition Level 1 coach, na eksperto sa pre at postnatal exercise.
Kung naka-focus ka sa negatibo, mangingibabaw ang takot at kaba, at mas mahihirapan kang mag-isip ng dapat na ginagawa mo—ang umire o mailabas ang bata.
Kasama rito ang masigurong positibo lamang ang energy na nasasagap sa buong pagbubuntis, lalo na sa kabuwanan mo. Maghanap ng mapaglilibangan tulad ng paghahanda sa kuwarto at mga gamit ni baby, kung iyon ang hilig mo. Makinig sa iyong paboritong musika o magbasa ng libro.
Makakatulong rin kung magseset ka ng expectations sa iyong delivery. Kapag handa ang iyong isip sa maaring mangyari, magiging mas madali ito sa iyo kapag dumating na ang araw na iyon.
2. Mag-ehersisyo (nang tama)
Kwento ng ilang nanay, kapag sanay sa ehersisyo at hindi lethargic kapag nagbubuntis, mas maikli ang labor at mas napapadali ang delivery. Kapag kasi sanay ang katawan mo sa pisikal na gawain at ehersisyo, napapatatag ang endurance mo para sa parating na labor.
Hindi kailangang magpunta sa gym; maglakad-lakad, lumangoy sa pool, o mag-enrol sa mga prenatal exercise classes na aprubado ng iyong OB GYN. Pwede ka ring humanap sa YouTube ng mga exercise videos para mapadali ang labor.
3. Magsanay at mag-aral
Nitong huling tatlong dekada, dumami na ang mga lisensiyadong Childbirth Classes sa Pilipinas, lalo na sa Maynila. Malaki ang naitutulong ng mga ganitong pagsasanay o training para sa mga first-time parents, upang maging pamilyar sila sa iba’t ibang stages ng panganganak—mula labor hanggang delivery.
Dito inaaral ang tamang posisyon, tamang paghinga, at epektibong relaxation techniques sa simula pa lang ng labor. Maghanap ng certified instructor at programang aangkop sa gusto at kailangan ninyong mag-asawa.
Paano malalaman kung magsisimula na ang labor?
Inilarawan naman ni Dr. Rebecca Singson, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medica Center, ang 4 na senyales na nagsisimula na o malapit nang magsimula ang labor.
-
Mababa na ang tiyan mo.
Ang tinatawag na “lightening” o halata nang pagbaba ng nasa sinapupunan mo ay unang palatandaan na simula na ng iyong labor. Ibig sabihin nito ay naghahanda na ang katawan mo sa panganganak.
Paano mo malalaman kapag mababa na ang iyong tiyan?
“Ang nangyayari, ma-fefeel ni mommy na parang bumababa ‘yong top ng uterus ng by 2-3 centimeters. Tapos parang medyo mas nakakahinga na siya ng maluwag. Kasi mas mababa na ‘yong excretion ng lungs kasi mas malaki na ‘yong space. And then parang hindi na siya masyadong sinisikmura. Puwede ring that drop can cause iipitin niya yung bladder mo kaya wiwi ka ng wiwi,” ani Dr. Singson.
-
May nararamdaman ka nang contractions (paninigas ng tiyan sa pagbubuntis) o paghilab ng tyan.
Subalit mayroon ring paghilab ng tiyan ng buntis na tinatawag na Braxton Hicks contractions. Para malaman ang paninigas ng tiyan na nararamdaman ay senyales na ng totoong labor, ito ang sinabi ni Dr. Singson:
“Kung napipisil mo yung tummy mo, soft ‘yon. Pero kung kasing tigas ng mesa yung tiyan mo ay contraction na ‘yon.”
Dagdag pa niya, kapag bumibilis ang pagitan ng iyong contraction (pagitan ng 5 minuto) mas tumitindi at mas tumatagal ang sakit ng 1 minuto, panahon na para tawagan ang iyong OB.
- Isang sure sign na malapit na manganak ang pagputok ng panubigan.
Sa mga palabas sa TV at pelikula, ang pagputok ng panubigan o water bag ang senyales na manganganak na ang babae. Pero sa totoong buhay, paano mo nga ba malalaman na pumutok na ang panubigan mo?
“Kung tubig ang nakita mo na parang nababasa yung panty, pero alam mong hindi umihi. Tapos hindi naman smell ng ihi, aba, ay baka panubigan na ‘yon. Kapag ganoon, kahit walang contraction, magpunta ka na sa hospital. Kasi baka nag-rupture na yung water bag mo.” paliwanag ni Dr. Singson
- May dugo na kulay kape o maitim na pula na lumabas na sa pwerta. Tinatawag din ito na bloody show. Minsan ito ay buo-buo, minsan ay parang regla ang itsura. Ito na ang mucus plug na bumabara sa cervix o sipit-sipitan. Ibig sabihin ay bumubuka na ang daanan ng bata. Maaaring araw o oras na lang ang hihintayin mo.
Alamin ang iba pang mga senyales ng panganganak dito.
Sa oras na magsimula ang labor: Mga dapat gawin para madaling manganak
1. Kumalma
Kapag nakumpirma mong nagsisimula na ang iyong labor, ang una mong dapat gawin ay kumalma muna. Hindi makakatulong sa iyong panganganak kung mag-aalala ka, at maari pa itong makasama sa iyo at sa’yong sanggol.
Maghanap ng distraction. Kadalasan, kahit nagsimula na ang labor, mahaba ang paghihintay sa paglabas ng baby. Kaya naman kailangan ng mapagbabalingan ng atensiyon, para hindi matuon sa sakit at hirap ng labor.
Tumatagal ng hanggang 12 hanggang 14 oras ang active labor mula sa simula ng unang contraction. Kalma lang, at subukang alisin ang labis na pag-aalala at sakit na nararamdaman. Kung sa simula pa lang ay takot at pangamba na, mauubos ang lakas mo bago pa man dumating ang oras ng paglabas ni baby.
May mga naglalakad-lakad sa ospital man o sa bahay, may mga naliligo o nagsa-shower, o nagbababad sa bathtub na may maligamgam na tubig (na epektibo din para makatulong sa pagpapahupa ng contractions). Anuman ang nakaka-relax para sa iyo, gawin mo, bilang distraction.
2. Magpamasahe ng kaunti kay Daddy
Sa isang pag-aaral ng Touch Research Institute sa University of Miami School of Medicine, ang pagmamasahe ni mister sa balikat, leeg o likod kapag nagsimula nang mag-labor si misis ay isang epektibong paraan para maibsan ang sakit na nararamdaman niya.
Dahan-dahanin lang at ipaalam sa nagmamasahe kung ano ang diin at aling lugar ang nakakatulong. Sabihin din kaagad kay mister kung dapat nang tumigil, o kung hindi ka na komportable.
3. Kumain ng kaunti para may energy
Itanong sa iyong doktor kung puwede pang kumain ng light snack sa umpisa ng labor, para may “baon” kang lakas kapag nagsimula na ang “peak” ng labor—o simula ng labis na pananakit.
Pinayagan ako ng OB ko noon na kumain ng prutas, pero kaunti lang, para lang may laman ang tiyan, pero hindi mabigat at madaling matunaw sa tiyan. Iwasan ang matatamis, oily at fatty foods, at huwag magpakabusog at baka magsuka o mahilo kapag nagsimula na ang matitinding contractions.
Maaari kang kumain ng tinapay na may protein oats. Ito ay makakatulong sa’yo para magkaroon ng sigla at hindi agad manghina habang nanganganak. Isa pang snack na pwede mong kainin ay ang sweet potato o kamote sa tagalog. Light lang ito sa tyan pero makakatulong sa’yo upang magkaroon ng energy.
Ayon sa librong What to Expect When You’re Expecting ni Heidi Murkoff at Sharon Mazel, nagagamit kaagad ang mga fluids ng katawan kapag nagle-labor, kaya kailangan itong mapalitan.
Ayon sa mga pag-aaral, malaki ang naitutulong ng pag-inom ng fluids, lalo na tubig, habang nagle-labor, para mapadali ang panganganak. Ipaalam agad kay mister, o sa mga nurse kung nararamdaman mong dehydrated ka na.
4. Gawin ang natutunang “breathing” sa birthing class
Dito na magagamit ang breathing techniques na inaral mo sa mga pinasukan mong klase. Ang tamang paghinga ay susi sa maayos na panganganak, at nakakatulong na mapahinga ka sa pagitan ng mga masasakit na contraction.
Ang tamang paghinga ay mahalaga para maibsan ang labis na sakit ng tiyan. Napapatibay din nito ang core at pelvic floor muscles ng iyong puwerta, para mas kayanin mo ang panganganak.
Kung hindi nag-aral, subukan lang ang malalim na paghinga, habang nag-iisip ng mga masasaya at nakakakalmang bagay tulad ng dagat o tahimik na lugar.
Mararamdaman ang unti-unting pagpasok ng hangin sa dibdib at tiyan, at narerelax ang puwerta. Saka mag-exhale ng dahan-dahan. Imbis na ilalabas ang hangin, subukang iihip ito pababa sa puwerta. Habang lalong sumasakit at umaabot na sa peak ng labor, umihip nang mas mabilis, at tapos ay marahan.
5. Tumayo, lumakad—huwag lang humiga
Mas mapapadali ang paglabas ng bata kung susundin ang hila ng gravity—pababa. Kaya dapat ay hindi nakahiga lang. Lahat ay sanay na nakahiga lang dapat habang nagle-labor, pero Ayon kay Mundell, hindi na ito ang dapat ngayon.
Kailangang kumilos dahil ang paghiga ay hindi komportable at hindi epektibong posisyon para lumabas ang sanggol. Kapag nakatayo at naglalakad, kahit dahan-dahan lang, mas bababa ang ulo ng bata at tutulak sa puwerta. Magsubok ng iba-ibang posisyon tulad ng paluhod, patagilid, o naka-squat para hindi mangalay.
Dagdag pa ni Mundell, may iba-ibang posisyon para sa iba’t ibang stages ng labor.
6. Huwag tanggihan ang epidural, kung ramdam mo nang hindi mo na kaya.
Ang nanganganak lang ang makapagsasabi kung kaya pa o hindi na ang sakit habang nanganganak, kaya bukas ang option na gumamit ng epidural para maibsan ang labis na sakit pagdating niya sa active labor.
Pain-free ang panganganak dahil kombinasyon ito ng local anesthetic at narcotic. May isang lugar lang na mamamanhid, at gising pa din si mommy habang nagle-labor hanggang manganak. Makakatulong ito na magkaron pa si mommy ng lakas hanggang sa kailangan nang umire.
Pahayag ni Dr. Singson,
“Maraming gustong manganak ng walang medication. But the one thing you can never imagine is how painuful it could be kapag nagle-labor ka na. Kung talagang di mo kaya meron naman tayong tinatawag na epidural anaesthesia. It can relieve your pain.”
Huwag mag-alala, wala itong negatibong epekto sa sanggol, ayon sa mga Apgar score sa mga pag-aaral tungkol dito. Hindi rin ito nakakaapekto sa tagal ng labor o paglabas ng bata, tulad ng paniniwala ng iba, ayon kay Dr. Carlo Palarca.
Dapat tandaan
Pero dapat tandaan, hindi lahat ng babae ay puwedeng bigyan ng epidural dahil sa kanilang medikal na kondisyon. Kapag ikaw ay may mababang blood pressure, may bleeding disorder, blood infection, skin infection sa likod (kung saan iniiniksiyon ang epidural), may allergic reaksiyon sa local anesthetics, at kung may blood-thinning medication na iniinom, hindi makakabuti ang epidural sa iyo. Kumonsulta muna sa iyong OB-GYN para malaman ang iba pang option para sa iyo.
Mayroon ring mga analgesics na ibinibigay sa pasyente, na mas mahina kaysa sa epidural, pero nakakapagpamanhid din para hindi gaanong masakit.
Sa kabuuan, gawing positibo ang energy at atmosphere sa loob ng kuwarto sa simula pa lang ng labor hanggang sa oras na lumabas ang sanggol. Hindi mo man mapapansin, ang bawat vibes at energy ay masasagap mo, kaya’t dapat ay masaya at positibo ito dahil may isang milagrong sasalubungin.
Huwag mahiyang magsabi kung may taong nakakainis o nakakahawa ang negativity habang nagle-labor ka. Ikaw ang nanganganak, at dapat ay maramdaman mo ang suporta at saya sa oras na ito.
Gaya ng sinabi ng mga doktor at ibang nanay, hindi madali ang mag-labor. Maaring isa ito sa mga pinakamahirap na sandaling pagdaraanan mo bilang isang babae. Subalit ang kapalit naman nito ay ang makita ang iyong anak, kaya siguradong lahat ng sakit, pagod at hirap ay mapapalitan rin ng saya.
Kaya mo yan, Mommy!
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.