Isa sa mga kadalasang gawain ngayon para magbakasyon ay ang pumunta sa iba’t ibang lugar. Kadalasan, sumasakay ng eroplano para makapunta sa ibang isla o maging sa ibang bansa, malayo man o malapit. Ngunit, kung may kasamang bata, paano kung kailanganin ng gamot habang nasa ere? Ano ang mga kadalasang gamot na mayroon sa eroplano para kung magkasakit ang mga bata? Alamin natin ang mga kailangan dalhin kapag bumabyahe nang may kasamang bata.
Ayon sa mga eksperto
Ayon sa mga eksperto sa US, karamihan sa mga insidente sa mga eroplano ay madaling gamutin kung mayroon lamang tamang gamot ang mga ito. Sa kanilang pagsasaliksik, nakitang kulang sa mga karaniwang gamot ang mga airlines.
Ang grupo mula sa Duke University sa North Carolina ay sinuri ang 75,000 na insidenteng medikal. Nakuha ang mga datos mula sa pitomput pitong airlines mula sa anim na mga kontinente. Ang mga datos ay mula Enero hanggang Oktubre ng taong 2015. Mula sa mga ito, 11,000 ang may kinalaman sa mga bata at teenagers hanggang 19 taong gulang.
Ayon sa pagsusuring ito, ang karaniwang karamdaman ng mga bata sa byahe ay pagkahilo at pagsusuka. Binubuo nito ang isangkatlo ng mga medikal na insidente sa himpapawid. Sinusundan ito ng ng lagnat at panginginig na bumubuo sa 22% habang ang mga allergic reactions naman ay 5.5%.
Mula sa mga ito, 16% ang nailathalang kaso na kinailangan mag-emergency landing ng eroplano upang mabigyan ng karagdagang lunas ang bata.
Mga kailangan dalhin kapag bumabyahe
Lingid sa kaalaman ng karamihan, maaaring magdala ng higit sa 100ml na mga importanteng gamot. Kasama din dito ang mga liquid dietary na pagkain at mga inhaler pati na mga medikal na kagamitan. Kailangan lamang magdala ng sulat mula sa duktor at mga reseta para sa mga gamot. Maaari rin suriin ng staff ang mga dala para sa seguridad.
Kadalasan, ang mga airlines na hindi matagal ang byahe ay mayroong basic first aid kit. May mga laman itong bendahe at mga antiseptic wipes. Ngunit, hindi lahat ay mayroong mga asthma inhaler, antihistamine, o adrenaline pen. Dahil dito, kailangang siguraduhing magdala ng sariling gamit kung ano mang ang aayon sa kondisyon ng bata.
Mayroong mga gamot sa mga airlines ngunit, kadalasan ay hindi akma ang mga ito para sa mga bata. Kadalasan, ang mga antihistamines at aspirins na nasa mga first aid kits ay mga tableta at pills. Dahil dito, hindi ito malunok ng mga bata na wala pa sa tamang edad para uminom ng mga ganitong gamot.
Upang makasigurado, maaaring tawagan ang airline na inyong sasakyan upang kumpirmahin ang mga gamot na mayroon sila na maaaring kailanganin.
Payo ng mga eksperto
Ayon kay Dr. Alaxandre Rotta, ang namuno sa pagsasaliksik, dapat maging maingat ang mga magulang upang maiwasan ang mga in-flight medical events. Dapat ang mga gamot na maaaring kailanganin ng mga bata ay isama sa carry-on luggage imbes na sa checked baggage. Dapat din ipagbigay alam sa airlines ang mga maaaring maging kondisyon ng bata upang ang mga magulang at airlines ay handa.
Ayon naman kay Dr. Donald Macgregor ng Royal College of Paediatrics and Child Health, dapat angkop ang gamot para sa mga bata. Siguraduhin dapat na ang mga gamot ay kayang inumin ng mga bata at nasa tamang dosage. Kailangang kilalanin ng mga magulang ang mga karaniwang sakit at maghanda ng mga angkop na gamot para sa mga ito.
Sa mga ganitong pagiingat, mapapanatag ang mga kaluoban ng mga magulang kung sakali mang may dumating na emergency.
Source: BBC
Basahin: Nanay, nanganak habang bumibiyahe sa isang ferry
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!