Isa na namang healthy ulam ang ating ibabahagi ngayon at ito ay ang munggo recipe. Bagama’t isang uri ng legume, kilala ang munggo beans bilang isa sa mga good source ng protein. Mayroon din itong mataas na level ng fiber na mabuti sa ating digestion o panunaw. Nakakapagpababa rin ito ng cholesterol level ng ating dugo kaya mabuti ito para sa lahat ng tao.
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit madalas ihain ang munggo recipe tuwing Biyernes
- Mga sangkap sa pagluluto nito
- Ang proseso ng pagluluto ng Ilocano-version ng munggo
Bakit madalas ihain ang munggo recipe tuwing Biyernes
Ang pagkain ng munggo ay bahagi rin ng tradisyon at relihiyon nating mga Pinoy. Bilang isang katolikong bansa, naniniwala tayo na parte ng pag-ngingilin o fasting ang pag-iwas sa pagkain ng karne tuwing Mahal na Araw o Holy Week. Ito’y bilang paggalang sa sakripisyo ng buhay na inialay ng ating Panginoong Hesus upang tubusin ang lahat ng kasalanan sa lupa.
Mga gulay at isda ang madalas na kinakain ng mga Pinoy para sa importanteng linggo na ito. Iyan ang dahilan kaya kasama sa inihahain na ulam ang munggo recipe. Dahil madaling lutuin at mayaman sa protina, ito ang nakasanayang iulam ng mga Pinoy tuwing Biyernes-Santo o Good Friday. Nang maglaon, ito’y madalas nang inihahain ng mga pinoy tuwing araw ng Biyernes sa buong taon.
Sa kabila ng relihiyosong paniniwala na kaakibat ng pagkain ng munggo, hindi naman ipinagbabawal ang pagkain nito sa ibang araw. Kaya walang dapat ipag-alala sa pagluluto ng munggo recipe sa anumang araw na nais mo.
Ibabahagi ko sa inyo sa araw na ito ang Ilocano-version ng munggo na personal recipe ng aking ina.
BASAHIN:
Ginataang Tulingan: Ang tamang paraan ng pagluluto ng masarap na ulam na ito
Mga sangkap sa pagluluto ng Ilocano-version munggo recipe
- 1 cup munggo beans
- 7 cups tubig
- 1 tablespoon cooking oil
- 1 medium sibuyas, sliced thinly
- 3 cloves ng bawang, minced
- 1 large kamatis, chopped
- 1 lb pork, sliced thinly
- 2 cups chicharon (optional for garnishing)
- 2 tali ng spinach, stems trimmed
- 1 cup malunggay leaves
- 3 piraso ng bunga ng malunggay
- 1 cup alukon o himbabao (birch flowers)
- 1 tablespoon patis
- 2 tablespoon oyster sauce
- Salt and pepper to taste
Mga alternatibong gulay na puwedeng isahog sa munggo
- Talbos ng alugbati
- Talbos ng kamote
- Dahon ng ampalaya
Ang proseso sa pagluluto:
- Linisin at hugasang maigi ang munggo beans na ating gagamitin. I-drain ito. Sa isang malaking kaserola, ilagay ang tubig at munggo beans at pakuluin ito sa loob ng 30 minuto hanggang 1 oras. Alisin ang mga lulutang na balat ng munggo sa ibabaw nito. TIP: May ilang variant ng munggo na matagal palambutin kaya puwedeng ibabad muna sa tubig ang munggo sa loob ng ilang minuto bago pakuluin.
- Habang pinakukuluan ang munggo, igisa sa isa pang malalim na kaserola ang bawang, sibuyas, kamatis at karne ng baboy. Kapag naging light brown na ang kulay ng baboy, idagdag ang patis at oyster sauce. Patuloy itong igisa hanggang sa magmantika upang hindi mangamoy patis ang inyong munggo.
- Isalin ang mga iginisang rekado sa pinakuluang munggo. Haluin ito at pakuluin ng 10 minuto upang lumasa ang mga rekado sa munggo. Lagyan ng asin at paminta sa nais na panlasa. Pagkatapos nito, maaari ng ilagay ang bunga ng malunggay, dahon ng malunggay at alukon. Pakuluin muli hanggang sa lumambot at maluto ang mga ito.
- Huling ilagay ang spinach at chicharon. Patayin ang apoy ng kalan at takpan ang munggo sa loob ng 2 minuto. Ilagay sa isang serving bowl at ihain habang mainit pa. Enjoy! TIP: Maaari ring ilagay ang chicharon sa ibabaw kapag inihain na ito bilang garnishing. Depende sa panlasa ng kakain, puwede itong palambutin at puwede ring kainin habang crunchy pa ito kasabay ng munggo.