Isang grade school student ang umuwing umiiyak dahil na-bully umano siya ng kaniyang teacher sa unang araw ng balik-eskwela. Ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang Jeannie Vargas ang karanasan ng kaniyang pamangkin na Grade 5 student pa lang daw.
Mababasa sa artikulong ito:
- Batang na-bully umano ng teacher ayaw nang pumasok sa school
- “Bully teacher” sasailalim sa admin proceedings ng DepEd
Batang na-bully umano ng teacher ayaw nang pumasok sa school
Naglabas ng pahayag sa social media ang tita ng isang batang na-bully umano ng kaniyang teacher sa unang araw ng pagbubukas ng klase.
Ayon sa tita ng bata, umuwi raw na umiiyak ang kaniyang pamangkin pagkagaling sa school na nasa Camarines Norte. Dahil sa labis na pag-iyak ay ni hindi raw maikwento nang maayos ng bata ang nangyari. Kaya naman, isinulat na lamang nito sa papel ang mga salitang sinabi raw sa kaniya ng kaniyang guro.
Sinabihan daw ng masasakit na salita ng guro ang bata at tinawag pang ‘bobo’ at ‘hayop’.
Natagalan daw kasi bago matapos ang bata sa pinapasulat ng teacher. Saad daw ng teacher sa bata, “Ikaw na bruha ka, kanina ka pa nagsusulat. Ikaw na lang kulang.”
Agad naman daw nagsabi ang bata na sandali lang dahil nagkamali siya sa mga isinulat kaya natagalan. Sinagot naman daw ito ng teacher ng pagtawag sa bata ng bobo.
Labis na ikinagalit ng tita ng bata ang nangyari. Hindi man daw siya ang nanay ng batang na-bully umano ng teacher ay isa rin siyang mommy.
“Sobrang nakakalungkot at nakakasakit ng puso tong nababasa ko na sinulat niya,” saad ng tita ng bata.
Larawan mula sa Facebook account ni Jeannie Vargas
“Pano mong nasasabi mga gantong bagay sa isang 10-year old sa pinakaunang araw ng pasukan nila?”
Ramdam na ramdam daw sa pamangkin niya ang trauma na naranasan. Nakakalungkot umano itong malaman dahil bilang magulang ay umaasa siya na teacher ang katuwang nila sa paghubog sa kaisipan ng bata.
Nilinaw din naman ng tita ng batang na-bully ng teacher na alam niyang hindi lahat ng guro ay tulad nito.
“Alam ko hindi lahat ganito. At saludo po tayo sa lahat ng guro na ginagampanan ng maayos ang trabaho nila. Pero, sa iba po, wag sanang ganito,” pakiusap ng tita ng bata.
“Antayin pa ba na may masira na bata mentally, and emotionally na mas malala bago may gawin sa mga ganitong klaseng teacher?” aniya.
Dahil daw sa sobrang takot sa teacher ay ayaw nang pumasok ngayon ng bata sa eskwela.
Sa kahiwalay na post ay nilinaw naman ng tita ng bata na ipinaskil niya ang karanasan ng pamangkin hindi upang ipahiya ang guro kundi para magbigay ng awareness sa mga magulang.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Mikhail Nilov
Paliwanag niya, mahalaga aniyang kausapin palagi ang mga anak tuwing umuuwi galing paaralan o sa labas ng bahay. Dahil posible ngang may ganitong mga pangyayari na maaaring makaapekto sa mental health ng bata.
“The best thing that we could do as parents, is to check on our kids all the time, listen to them, talk to them, and make sure na walang naeexperience na ganito ang mga anak natin.”
Ang layunin din daw ng kaniyang post ay iparating sa mga magulang na mahalagang tumindig sa mga pagkakataon na nagsusumbong ang mga anak nila. Dahil aniya, kadalasan ay iniinda lang ng bata ang mga ganitong karanasan pero labis ang epekto nito sa kanila.
Mensahe pa nito sa mga guro, kung bata ang tuturuan ng teachers ay dapat na mas mahaba ang pasensya dahil malaking bagay ang salita para sa mga ito.
“Dahil sa isang salita ninyo, pwedeng makasira sa future ng bata. Dapat nga kayo pa ang humuhubog ng confidence nila para mailabas mga angking galing nila, at hindi para sirain.”
Guro na nagpaiyak umano sa bata, iimbestigahan ng DepEd
Larawan mula sa Pexels kuha ng Rodnae Productions
Inaksyonan na ng Department of Education (DepEd) ang isyu ng umano’y verbal na pang-aabuso ng isang teacher sa isang Grade 5 student.
Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, agad daw na binigyan ng psychological first aid ang bata matapos na makarating sa kanila ang nangyari. Trained personnel daw ng school health section ang nagsagawa ng psychological first aid sa estudyante. Kaugnay nito ay patuloy daw na oobserbahan ang psychosocial status ng bata.
Nakipagkita na rin daw ang mga opisyal ng School Divisions Office sa mga magulang ng mag-aaral.
Dagdag pa rito, sasailalim daw sa administrative proceedings ang teacher na umano’y nang-bully sa bata.
“During the meeting, the SDS emphasized that DepEd has a zero-tolerance policy against any form of abuse, and explained the courses of action to be taken against the subject teacher,” ani Poa.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!