Ano ang kaya mong gawin upang hindi ka iwan ng iyong asawa? Para kay Antonela Milena Padilla, 37, sa desperasyon na hindi sila maghiwalay ng kaniyang mister, tila magagawa niya ang lahat, pati ang panlilinlang. Nagpanggap na buntis si Antonela ng 9 na buwan!
Nagpanggap na buntis
Ang katanungan ng lahat: paano ito nangyari?
Ayon sa biyenan ni Antonela, kahit nakapisan sa iisang bahay ang mag-asawa, hindi nagsuspetya ang anak niya na nagsisinungaling si Antonela.
“Mayroon siyang tiyan,” aniya. “Medyo maliit ang tiyan niya pero hindi naman kami nagsuspetya na walang laman iyon. Nagsama sila sa isang bahay ng anak ko. Natulog silang magkatabi pero hindi hinahawakan ng anak ko ‘yong tiyan ni Antonela. Hindi rin niya sinubukang makipag-bond sa baby.”
Dagdag pa nito na hindi naging isyu ang maliit na tiyan ni Antonela dahil mayroong mga babae naman talaga na maliit magbuntis.
Ang katotohanan ay ang lumalaking tiyan ni Antonela ay cushion lang sa ilalim ng kaniyang damit na dinaragdagan ng palaman upang magmukhang lumalaki ang tiyan—sang ayon sa pagpanggap na buntis nga siya. Nag-print din siya ng ultrasound results galing sa internet at ito ang ipinakita sa kaniyang asawa.
Tuwing nagpupunta raw ng ospital si Antonela para magpa-check-up sinasamahan naman ito ng asawa ngunit hinahatid niya lamang ito sa entrance at naghihintay na lamang ito sa labas.
Scheduled caesarean section
Noong Setyembre 22, ang dapat na due date kuno ni Antonela at manganganak dapat siya sa pamamagitan ng caesarean section. Umalis siya ng bahay nila ng alas-10 ng umaga upang pumunta sa clinic.
Dito na nagsimulang maging mas masalimuot ang kuwento.
Ayon kay Antonela, habang papunta raw siya sa clinic, kinidnap daw siya ng isang gang na nakasakay sa pulang van. Iginapos daw siya at binigyan ng drugs para makatulog.
Nang magising daw siya ng bandang alas-7 ng gabi, nasa labas na daw siya ng isang supermarket sa kabilang parte ng siyudad. Dito raw niya na-realize na wala na ang bata sa kaniyang sinapupunan.
Tumawag si Antonela sa kaniyang asawa at kamag-anak upang sabihin ang nangyaring “pag-kidnap” diumano sa kaniya ng mga “organ traffickers” na gustong kunin ang body parts ng kaniyang baby para ibenta.
Dahil sa pag-aalala sa kaniya, gusto siyang dalihin ng kaniyang pamilya sa ospital para patignan. Ngunit ayaw niyang pumunta. Kaya sapilitan siyang dinala siya sa Nino Jesus de Soledad hospital.
Nang malaman ng ospital ang nangyari sa kaniya, nagpatawag agad ng mga pulis at imbestigador upang mahanap ang mga kidnappers at ang nawawalang baby.
Imbestigasyon
Ngunit nang mag-simula na ang imbestigasyon, agad natunugan ng mga pulis na hindi tugma ang istorya ni Antonela. Wala kasing bahid ng kahit ano mang sugat ang babae na siya’y nanganak. Sa isinagawang blood test, nalaman din na hindi ito nabuntis at wala ring gamot na pampatulog na ibinigay sa kaniya.
Ngunit kahit na lumabas na ang resulta at napatunayan na nagpanggap na buntis si Antonela, hindi pa rin ito umamin sa panlilinlang niya.
“Kahit na ginawa na ang mga test, sinasabi pa rin niyang nabuntis siya,” pahayag ng biyenan nito sa Al Dia newspaper. “Pero pinatunayan ng OB-GYN na hindi ito nagbuntis.”
Dagdag pa nito na kailangan niyang makausap ang kaniyang anak kung ano ang nagtulak kay Antonel para gawin ito. Marami naman daw kasing naging karelasyon ang kaniyang anak dati at hindi naman ito nagka-anak o humiling na magka-anak sa mga iyon kaya hindi niya maintindihan kung bakit ito ang ginawang dahilan ni Antonela.
Dalawang oras matapos mabuko sa pagpanggap na buntis, umalis si Antonela sa ospital nang walang paalam. Kasalukuyan siyang pinaghahanap ng mga pulis.
Ayon sa komander ng pulisya na si Mariano Cotero Coy, kailangang sagutin ni Antonela ang katotohanan sa nangyari sa kaniya dahil maaari siyang kasuhan ng pagwawaldas ng “public resources.”
Paliwanag nito na sa mga pampublikong ospital, maraming may tunay na karamdaman na pumipila mula alas-5 ng umaga para makapagpagamot. “Tapos mayro’ng nagpanggap na buntis na kinailangang asikasuhin kaysa ‘yong mga nangangailangan ng tulong medikal talaga.”
Source: Daily Mail
Basahin: Babae, mahigit 3 taong niloko ng kaibigan na nagpanggap na kaniyang nobyo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!