Isa ka ba sa mga taong nagpaparinig sa social media? Mag-ingat ka, mommy. Basahin rito ang mga bagay na dapat mong isipin bago ka mag-post.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga batas na may kinalaman sa cyberbullying.
- Nagpaparinig sa social media? Narito ang mga bagay na dapat mong isaalang-alang.
- Mga pwedeng gawin sa halip na mag-rant sa social media.
Lubhang napaka-makapangyarihan ng internet. Punung-puno ito ng impormasyong na maaring makatulong sa isang tao. Pero depende sa paggamit nito, maari rin itong makasakit o makasira.
Bahagi na rin ng ating buhay ang social media, lalo na sa panahon ngayon. Nalalaman natin ang mga nangyayari at pinagkakaabalahan ng ating pamilya o kaibigan, malayo man sila sa atin o bihira man natin sila makita o makausap.
Nagagamit rin natin ang social media para mangalap ng impormasyon. Kung mayroon kang gustong malaman tungkol sa isang produkto o serbisyo, isang search lang ng pangalan nila sa social media ay mayroon nang lalabas na komento o review tungkol sa kanila.
Para sa ibang tao, ginagamit nila ang social media bilang outlet. Kapag masaya sila, pwede silang magpost ng masayang larawan o status para ibahagi ang kanilang kasiyahan sa iba. Pero kapag sila ay galit o hindi natuwa sa isang tao, maari rin nilang ilabas ang kanilang saloobin sa social media, na maaring mabasa ng maraming tao.
Kung isa ka sa mga taong ito, kailangan mong maging maingat. Sa laki ng naaabot ng social media (maging ito man ay Facebook, Twitter, Instagram o iba pa), siguradong maraming makakabasa o makakakita ng iyong post, at hindi mo kontrolado ang magiging reaksyon nila.
Bakit nga ba kailangang mag-ingat bago mag-rant o magparinig sa social media?
Mga batas na may kinalaman sa social media
Bagamat hindi pa naipapasa sa kongreso ang House Bill 5718 o Anti-Cyber-Bullying Act, maari namang pumasok ang pambabastos o paninira sa social media sa Republic Act No. 10627 o Anti-Bullying Act of 2013.
Nakapaloob dito ang cyber-bullying o kahit anong uri ng bullying na ginawa gamit ang internet o online, lalo na kung ang pangbu-bully o paninira ay nakadirekta sa mga bata o minor de edad.
Mag-ingat rin bago ikalat ang personal na impormasyon ng ibang tao sa social media. Maari kang lumabag sa Republic Act 10173 o Data Privacy Act of 2012. Ayon sa batas na ito, ipinagbabawal ang paglabas ng personal na impormasyon ng isang tao nang wala niyang pahintulot.
Subalit may batas man o wala, mayroon pa ring masamang epekto ang paninira o pag-rant o kapag nagpaparinig sa social media, hindi lang sa taong pinariringgan, ngunit maging sa kung sino man ang gumagawa nito.
Bago ka magpost, narito ang 10 bagay na dapat mong isaalang-alang
Madaling mag-post sa social media. Isang pindot mo lang, lalabas na agad sa iyong status ang bagay na iyong sinabi. Subalit handa ka na ba sa posibleng maging epekto nito?
Bago mo i-click ang post, narito ang ilang mga tanong na dapat mong pag-isipan:
-
Kailangan bang isa-publiko ang taong ito?
Maaring gusto mong pag-usapan ka o may mag-comment sa iyong post, pero paano naman ang kabilang panig? Ayos lang ba sa kaniya na maisa-publiko ang pangalan niya? Kung siya ay isang pribadong tao, hindi niya magugustuhan kapag binanggit mo ang pangalan niya sa iyong post.
Gayundin, mag-ingat bago maglabas ng personal na impormasyon ng isang tao nang walang pahintulot.
-
May kakayahan bang lumaban o magbigay ng opinyon ang kabilang kampo?
Agad naipasa ang RA 10627 dahil pinoprotektahan nito ang mga batang hindi makakalaban sa cyber bullying. Sino ba ang pinatatamaan mo kapag nagpaparinig ka sa social media? May kakayahan ba siyang labanan o sagutin ang mga paratang mo? Kung hindi, maari kang ireklamo ng bullying kaya mag-isip ka muna nang mabuti.
-
Komportable ka bang sabihin ito sa kaniya ng personal?
May tawag ang mga millennials sa mga taong malakas ang loob maglabas ng saloobin sa internet, subalit nananahimik naman sa personal – keyboard warriors.
Maraming matapang sa social media. Pero kaya mo bang panindigan ang sasabihin mo, at kaya mo bang sabihin ito sa harap ng taong pinariringgan mo?
-
Makakaapekto ba ito sa pamumuhay, reputasyon at kaligtasan ng taong iyon?
Maraming buhay na ang nasira dahil sa mga maling paratang sa iba. May mga nawalan ng trabaho, nakagalit ang mga karelasyon, at nalagay sa peligro ang buhay.
Maaring dahil sa isang maliit na bagay, magkaroon ng malaking epekto sa buhay ng taong pinaparinggan mo, pati na rin ng mga inosenteng tao sa paligid niya.
-
Mayroon ka bang matibay na dahilan sa pagpopost nito?
Malaki ba ang ipinaglalaban mo? Mayroon ka bang sapat at matibay na dahilan kung bakit mo gustong ibahagi ang iyong saloobin? Kung maliit na pagkakamali o tampuhan lang naman, dapat mo pa ba itong ipaalam sa maraming tao?
BASAHIN:
#TAPMomAsks: Dapat ko bang malaman ang password ni mister sa kaniyang social media account?
6 na litrato ng bata na hindi dapat pinopost sa social media
-
Handa ka bang mabasa ito ng maraming tao?
Private man ang iyong account o hindi, mayroon at mayroon pa ring makakabasa ng iyong post. Maaring umabot ng 100 o libo ang makakabasa nito. At hindi mo kontrolado ang kanilang mga pananaw at reaksyon.
Hindi eepekto ang mga salitang “Mind your own business,” sa mga taong may opinyon sa iyong post. Kahit hindi nila alam ang buong pangyayari, maari ka pa ring mahusgahan at mapulaan dahil sa mga bagay na sinabi mo. Handa ka ba kapag nangyari ito?
-
Handa ka bang mabasa ito ng iyong mga anak sa hinaharap?
May kasabihan, “What happens on the web, stays on the web.” Kadalasan, kapag nailagay mo na ang isang bagay sa social media, mananatili na ito sa internet habang-buhay. Burahin mo man ang iyong post o komento, hindi ka nakakasigurong walang nag-screenshot nito.
Gayundin, maaring maungkat ang mga bagay na ito tungkol sa’yo, kahit matagal na itong nangyari. Paano kapag nabasa ito ng mga anak mo? Handa ka ba sa magiging reaksyon nila?
-
Sinubukan mo bang kunin ang opinyon ng kabilang panig?
“There’s always two sides to every story,” ika nga. Sa kasamaang palad, marami nang nasisira at naaapektuhan bago pa man lumabas ang bersyon kabilang panig.
Sa mga nagpaparinig sa social media, anong mararamdaman mo kung ikaw naman ang hindi makapagbigay ng iyong bersyon ng kwento at bigla ka na lang hinusgahan ng iba?
Baka naman maaring maayos ang sitwasyon nang hindi nalalaman ng ibang tao at hindi lumalabas sa social media.
-
Makakasira ba ito sa relasyon niyo ng taong ito?
May mga taong mahilig magparinig sa social media tungkol sa alitan nilang mag-asawa o pamilya. Maaring ginagawa nila ito bilang “bugso ng damdamin.” Pero sa paggawa nito, maaring magkaroon ng permanenteng lamat ang kanilang relasyon.
Kapag nagbitaw ka ng masasakit na salita, mahirap na itong bawiin … lalo na kung ito ay nasa social media.
Bago mo ilaglag ang iyong asawa sa social media, tandaan na sa paggawa nito, hinahayaan mo ang ibang tao na magkaroon ng mga negatibong pananaw sa iyong partner, at hindi mo na mababawi ito, kahit na nagkaayos na kayong mag-asawa.
-
Makakatulong ba ito sa iyo at sa ibang tao?
Anong gusto mong patunayan sa iyong post? Mayroon ba itong magandang maidudulot sa ibang tao o sa lipunan? O puno lang ito ng reklamo at sama ng loob? Kung puro rant lang ang laman ng iyong post, baka mas makabubuting sarilinin mo muna ito.
Anong dapat gawin sa halip na magrant sa social media
Kadalasan wala namang magandang naidudulot ang pagpaparinig sa social media. Kaya bakit hindi mo na lang subukan ang mas maganda at mas epektibong paraan para iparating ang iyong mga saloobin?
- Dumiretso sa tao
Sa halip na magreklamo o magparinig sa pamamagitan ng iyong post, bakit hindi mo na lang direktang kausapin ang taong iyon? Kung hindi mo magagawa ng personal, pwede mo namang gawin sa private message o email. Mas magkakaintindihan pa kayo at maiiwasan ang sama ng loob.
- Mag-iwan ng review o feedback sa kompanya
Gayundin, mas maa-appreciate ng isang kompanya kung magbibigay ka ng honest feedback o customer review sa kanilang produkto o serbisyo. Makakatulong ka pa para mapabuti nila sa susunod.
- Iwasang magpost ng problema ng pamilya o mag-asawa
“Don’t air your dirty laundry in public,” ika nga. Sa halip na humingi ng simpatiya mula sa iba, kausapin ang mga taong may kinalaman sa problema. Hindi rin naman nakakatulong ang paghahanap ng kakampi at lalo lang lumalaki ang isyu sa ganitong paraan.
- Iwasang magpost sa social media kapag galit
Maaring malaking isyu ito sa iyo ngayon, pero baka mag-iba na ang pananaw mo kinabukasan. Hayaan munang bumaba ang iyong galit bago ka gumawa ng isang bagay na maari mong pagsisihan. Kapag kalmado ka na, isipin kung dapat mo pa ba itong i-post o pwede namang maayos sa ibang paraan.
Source:
Bloomberg, Reader’s Digest, Wired.com, Kidscape.org