May mga delikado at nakakalason na gamot sa bata na maaaring pakalat-kalat lang sa inyong bahay. Alamin dito kung ano ang mga ito at ano ang dapat gawin upang mailigtas ang iyong anak mula sa peligrong dulot ng mga nakakalasong gamot at gamit sa loob ng inyong bahay.
Mababasa sa artikulong ito:
- Nakakalason na gamot sa bata.
- Mga gamit sa bahay na maaring magdulot ng peligro sa buhay ng iyong anak.
- Mga dapat gawin sa oras na makakain o makainom ng mga nakakalasong gamot at gamit sa inyong bahay ang iyong anak.
Nakakalason na gamot, gamit at pagkain sa bata
1. Gamot sa sakit na diabetes
Ang gamot na sulfonylurea ay mabisang gamot para pababain ang mataas na blood sugar level ng taong may diabetes. Pero sa oras na ito ay mainom ng isang bata, ang isang pirasong pill na ito ay maaaring lubhang magpababa ng normal niyang blood sugar level.
Ito ay maaaring magdulot ng agitation o pagkabalisa sa isang bata. Maaari ring siyang mahilo, magpawis ng sobra at makaranas ng seizure. Kung ito ay hindi agad maagapan ay maaring ma-comatose ang isang bata at mamatay.
Ayon kay Dr. Cyrus Rangan, isang toxicologist, ang epekto sa katawan ng bata ng gamot na sulfonylurea ay maaaring mapansin sa loob ng 12 hanggang 24 oras.
Kaya naman kung aksidenteng nakainom nito ang isang bata ay mabuting dalhin agad siya sa ospital. Ito ay kahit kung titingnan ay maayos pa ang pakiramdam niya.
Mainam kasi na agad na masubaybayan ang blood sugar level niya at maiwasang bumaba ito sa level na maaaring ikapahamak niya.
Hand photo created by jcomp – www.freepik.com
2. Gamot sa sakit sa puso at high blood pressure
Tulad ng gamot sa diabetes, ang mga beta-blockers at calcium channel blockers na karaniwang gamot sa sakit ng puso at high blood pressure ay maaari ring magdulot ng peligro sa buhay ng isang bata kung kaniyang mainom.
Delayed din ang reaction nito sa katawan ng isang bata tulad ng cardiac problems, seizures at pagkahimatay. Kaya para makasigurado, kung sakaling makainom nito ang iyong anak ay agad na dalhin siya sa ospital. Ito ay para ma-obserbahan ang kondisyon niya at agad na siya ay mabigyan ng treatment o lunas.
3. Liquid nicotine
Bagamat nakaka-enganyo at masarap sa pang-amoy ang scent ng mga liquid nicotines o vape juices ang mga ito ay nakakalason kung mainom ng mga bata.
Ang 20mg nito ay kaya ng pumatay ng isang maliit na bata. Dahil sa ito ay maaaring magdulot ng mabilis na tibok ng puso, pananakit ng tiyan, pagsusuka at hypersalivation. Kaya mainam na ilagay ito o ilayo sa hindi maabot ng maliit na bata.
Kung sakali namang aksidenteng makainom nito ang iyong anak at magpakita ng pagbabago sa kaniyang pakiramdam ay dalhin siya agad sa ospital. Lalong-lalo na kung marami siyang nainom nito na lubhang napaka-delikado.
4. Panghaplos na nagtataglay ng methyl salicylate
Ang efficascent oil ay isa sa madalas nating ginagamit na panghaplos na nagtataglay ng methyl salicylate. Bagama’t ito ay nagbibigay ginhawa sa masakit nating katawan o kasu-kasuhan, delikado ito kung maiinom ng isang bata.
Sapagkat maaari nitong gawing masyadong acidic ang dugo ng isang bata. Maaari rin itong magdulot ng hirap sa paghinga at pamamaga sa kaniyang utak na maaring mauwi sa kaniyang pagkamatay.
Kaya naman sa oras na makainom nito ang iyong anak ay agad na dalhin siya sa ospital upang mabigyan ng medikal na atensyon.
5. Camphor oil
Ang camphor oil ay isa rin sa mga main ingredients ng mga haplas o vapor rub na ginagamit natin. Wala itong maidudulot na peligro kung sa balat o skin lang ito gagamitin.
Pero kung ito ay makakain o maiinom ay maari itong magdulot ng pagtigil sa paghinga o seizures sa isang bata. Isa ring emergency kung mangyari ito sa iyong anak. Kaya dapat ay mahigpit na ingatang magkaroon ng access dito ang iyong anak. Ilagay at itago ito sa lugar na hindi niya maabot.
BASAHIN:
#AskDok: 9 dapat gawin kapag nakakain ng nakakalason na inumin o pagkain ang bata
Top 9 na nakakalason na halaman na maaaring ikapahamak ng iyong anak
6. Sabon na panghugas ng plato at panglaba
Ang mga sabon na panghugas ng plato at panglaba ng damit ay nagtataglay ng highly concentrated, caustic, at neurotoxic chemicals.
Ang mga ito ay maaaring magdulot ng hirap sa paghinga sa isang bata na maaari niya ring ikamatay. Hindi dapat basta isinasawalang bahala kung sakaling aksidenteng nakainom o nakakain ng mga ito ang iyong anak. Dapat ay agad siyang dalhin sa ospital at mabigyan ng emergency care.
House photo created by master1305 – www.freepik.com
7. Home-preserved at home-fermented na prutas, gulay at karne
Ang mga home-preserved at home-fermented na prutas, gulay o karne ay maaari ring makalason sa iyong anak. Dahil sa ang mga ito ay maaaring ma-contaminate ng clostridium botulinum bacteria.
Ang bacteria na ito naglalabas ng toxin na maaaring magdulot ng mabagal na heart rate, dilated pupils at paralysis sa isang bata. Isa nga sa mga pangunahing sintomas na nalason na iyong anak sa bulok o contaminated na prutas, gulay o karne na nakain niya ay constipation.
Sa kaso ng food poisoning, ang pinakamahalagang hakbang na dapat unang gawin ay siguraduhing makainom ng maraming tubig ang pasyente.
Pero para makasigurado lalo na kung nagsusuka na, nagtatae ang pasyente at nagrereklamo sa labis na pananakit ng tiyan ay dalhin na agad siya sa ospital para matingnan at maagapan.
8. Honey
Muling ipinapaala na ang honey ay hindi dapat ibinibigay o pinapakain sa mga batang edad isang taong gulang pababa. Dahil sa ito ay nagtataglay rin ng bacteriang clostridium botulinum.
Ito ay isang uri ng bacteria na hindi pa kayang i-tolerate ng mahinang tiyan ng maliit na bata. Kung maaksidenteng makakain o makainom nito ang isang sanggol ay maaaring mahirapan na agad siya sa paghinga na maaring mauwi rin sa paralysis kung hindi maagapan.
9. Wild mushroom o kabute
Malamang ay hindi na bago sa iyong pandinig ang mga nalason matapos kumain ng wild mushrooms. O mga kabute na makikita sa mga masusukal o kaya naman ay mahalamang lugar.
Bagama’t may ilang uri ng kabute na edible o makakain, mayroon ring uri nito na nakakalason at maaring magdulot ng pagkamatay sa isang tao.
Ayon pa rin kay Dr. Rangan, ang epekto ng pagkain ng nakakalasong kabute ay maaaring maramdaman pa sa loob ng 6 hanggang 10 oras.
Ngunit sa mga oras na ito ay maaaring malala na ang kondisyon ng isang bata. Siya ay maaaring naninilaw na dahil sa liver failure.
Kaya kung aksidenteng nakakain ng wild mushroom ang iyong anak ay mabuting dalhin siya agad sa ospital. Upang dito ay ma-obserbahan at mabigyan agad ng gamot na lalaban sa lason sa kaniyang katawan.
Image by Tomasz Proszek from Pixabay
10. Antifreeze o engine coolant
Ang antifreeze ay madalas na makikita sa ating garahe at ginagamit sa ating sasakyan. Ang kulay nito ay kaakit-akit para sa mga bata na maaring akalain nilang juice at inumin.
Pero ito ay nagtataglay ng labis na nakakalasong kemikal na maaring magdulot ng kidney failure at pagkamatay ng isang bata. Kaya tulad ng mga nauna ng nabanggit na gamot at gamit sa bahay ay dapat ilayo at ilagay ito sa lugar na hindi maabot ng iyong anak.
Mahalaga rin na hindi na dapat antayin pang magkaroon ng reaksyon ang katawan ng iyong anak sa oras na makakain o makainom ng mga ito. Mas mabuting dalhin agad siya sa ospital para ma-obserbahan at mabigyan ng kaukulang lunas para maagapan.
Mas mainam na tayong mga parents ay mag-iingat para hindi mapahamak ang ating mga anak.
Source: