Isang bata sa China ang nasawi matapos makakain ng kabute na nakakalason. Health experts may payo sa mahilig kumain ng mga gulay o halaman na nakukuha sa wild.
Batang namatay dahil sa kabute na nakakalason
Multiple organ failure ang naging sanhi ng pagkamatay ng isang 7-taong gulang na batang lalaki sa Shandong Province, China nitong Biyernes, Setyembre 18. Ang komplikasyon ay kaniyang naranasan matapos makakain ng kabute na nakakalason.
Ayon sa Shandong Provincial Hospital kung saan dinala ang bata ay ginawa nila ang lahat para iligtas ito. Sa katunayan ay nagtulong-tulong pa ang daan-daang mga tao sa kanilang lugar upang mag-donate ng dugo para sa kaniya. Pero matapos ang dalawang linggong medical treatment at pananatili sa intensive care unit, sumuko ang katawan ng bata.
Kaya paalala ni Zhang Xingguo, director of poisoning and occupational disease department ng Shandong Provincial Hospital, huwag basta kumain ng mga kabute na tumutubo sa wild o gubat. Dahil hindi madaling tukuyin kung ito ba ay nakakalason o hindi. At kung makakain ng nakakalasong kabute ng hindi sinasadya ay agad na isuka ito para hindi tuluyang maabsorb ng katawan ang mga toxins o lason na taglay nito.
“We can’t eat just any mushroom that grows in the wild because it’s hard for ordinary people to distinguish whether it is poisonous.”
“If you have eaten poisonous mushrooms, try to throw up as soon as possible to reduce the absorption of toxins.”
Ito ang pahayag ni Xingguo.
Ayon naman kay Zhao Jinshan mula sa Food and Nutrition Institute sa Shandong Provincial Center for Disease Control and Prevention hindi matatanggal ng pagluluto ang lason sa isang kabute o halaman. Kaya naman para makasigurado ay iwasan nalang kumain ng mga ito.
Sintomas ng food poisoning
Ang nangyari sa 7-anyos na batang nasawi ay isang kaso ng food poisoning.
Ang food poisoning ay tumutukoy sa karamdaman o kondisyon na nararanasan ng isang tao matapos kumain ng pagkaing contaminated ng nakakalasong bacteria, virus, parasite o toxin.
Madalas ang sintomas ng food poisoning ay nararanasan ilang oras matapos kumain ng contaminated na pagkain. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Pananakit o masamang timpla ng tiyan
- Nausea o pagkahilo
- Vomiting o pagsusuka
- Diarrhea o pagtatae
- Fever o lagnat
Hindi naman malala o mild lang ang karamihan ng kaso ng food poisoning. Sa katunayan ay gumagaling ito ng walang lunas. Pero may mga pagkakataon rin na ang food poisoning ay life-threatening o delikado na. Ito ay sa oras na magpakita na ng sumusunod na sintomas ang biktima na palatandaan rin na siya ay dapat ng dalhin sa ospital.
- Labis na pananakit ng tiyan.
- Diarrhea na tuloy-tuloy na nararanasan sa loob ng 3 araw.
- Maitim na dumi.
- Lagnat na higit sa 101.5°F o 38.6°C.
- Hirap makakita o makapagsalita.
- Sintomas ng severe dehydration tulad ng panunuyo sa bibig, pag-ihi ng kaunti o halos walang ihi at hirap na makainom o makalunok ng tubig.
- Dugo sa ihi.
First aid para sa mga biktima ng food poisoning
Ayon sa CDC, ang unang dapat gawin upang malunasan ang food poisoning ay ang masigurong hindi ma-dedehydrate ang taong nakakaranas nito. Ang mga paraan na dapat gawin upang masiguro ito ay ang sumusunod:
- Uminom ng tubig o clear fluids. Dahan-dahanin ang pag-inom habang unti-unting dinadagdagan ang dami ng fluids o tubig na iniinom sa pagdaan ng oras. Ang mga sports drinks na high in electrolytes ay makakatulong upang maiwasan ang dehydration. Habang ang mga fruit juice at coconut water ay maaring mai-restore ang nawalang carbohydrates sa katawan at makakatulong na maibsan ang fatigue na dulot ng dehydration.
- Iwasang uminom ng inumin na may caffeine dahil maari nitong ma-irritate ang tiyan. Sa halip ay uminom ng mga decaffeinated teas na may herbs tulad ng chamomile, peppermint, at dandelion na nakakatulong pakalmahin ang masamang tiyan.
- Kung nagsusuka o nagtatae ng higit sa isang araw o 24 oras ay uminom ng oral rehydration solution.
Para naman makontrol ang pagkahilo at pagsusuka ay gawin ang sumusunod:
- Iwasan ang mga solid foods hanggang sa matigil ang pagsusuka. Saka unti-unting kumain ng hindi malalasang pagkain tulad ng crackers, saging, kanin at tinapay.
- Ang paunti-unting pag-inom ng tubig ay makakatulong ring maiwasan ang pagsusuka.
- Iwasan ang mga prito mamantika, maanghang at matamis na pagkain.
- Huwag basta iinom ng anti-nausea o anti-diarrhea medication ng walang reseta ng doktor. Dahil maaring mas palalain nito ang mga sintomas ng food poisoning.
Paano maiiwasan ang food poisoning sa bahay
Madalas ang food poisoning ay maari namang malunasan sa bahay na kung saan ang sintomas nito ay maaring unti-unting mawala sa loob ng 3-5 araw. Ngunit para makasigurado makabubuti na magpunta na agad sa doktor lalo na kung nakakaramdam o nagpapakita ng sintomas na nakakabahala. Maari rin namang maiwasan ang food poisoning. Ito ay magagawa sa pamamagitan ng sumusunod na paraan:
- Ugaliin ang madalas na paghuhugas ng kamay, ng mga kitchen utensils at food surfaces. Dapat din ay maghugas ng kamay bago at pagkatapos maghanda ng pagkain.
- Ihiwalay ang mga raw foods mula sa ready-to-eat foods. Tulad ng mga raw meat, poultry, fish at shellfish.
- Lutuin ang pagkain sa tamang init o temperatura. Maaring gumamit ng food thermometer para makasigurado.
- Ilagay agad sa freezer ang mga pagkain sa loob ng dalawang oras ng ito ay bilhin o lutuin.
- I-defrost ng tama ang pagkain. Ang pinaka-ligtas na pagdedefrost sa pagkain ay sa loob ng refrigerator. Kung mag-dedefrost ng frozen na pagkain sa microwave oven ay dapat lutuin ito agad.
- Kung hindi sigurado sa pagkain ay mas mabuting itapon nalang ito at huwag kainin.
Source:
Mayo Clinic, AsiaOne
BASAHIN:
Help! Anong kakainin at iinumin ko pagkatapos ma-food poison?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!