Labis ang pag-aalala ng inang si Josie Hermano nang malunok ng kaniyang isang taong-gulang na anak ang hikaw nito.
Mababasa sa artikulong ito:
- 1-year old na bata nakalunok ng hikaw
- Paalala ng doktor kapag nakalunok ng foreign object
- Anong nangyari sa batang nakalunok ng hikaw
1-year old na bata nakalunok ng hikaw
Kwento ni Josie sa programang Pinoy MD, 9 months pa lang ang kaniyang anak na si Axel nang suotan niya ito ng hikaw. Madalas umano kasing napagkakamalang lalaki ang anak dahil maikili ang buhok nito.
Kamakailan nga ay hindi niya inaakalang magdudulot ng aksidente ang palamuting inilagay sa tenga ng anak.
Salaysay ni Josie, isang hapon ay nasa loob sila ng kwarto ng kaniyang anak para sana patulugin ito nang bigla na lang umiyak ang bata.
“Biglang umiyak ‘yong baby ko na parang may dinudukot siya sa kaniyang bibig,” saad ni Josie.
Larawan mula sa YouTube video ng Pinoy MD
Napansin umano ng ina na parang naduduwal ang kaniyang anak at may dinudukot sa bibig nito.
Labis na nag-alala at napaisip si Josie kung ano ang maaaring nalunok ng kaniyang anak. Aniya, wala naman daw mga bagay sa paligid ng kwarto na pwedeng maisubo at malunok ng anak.
Maya-maya ay napansin ni Josie na isa na lang ang hikaw na suot ng kaniyang anak at wala na ang kapareha nito.
Nataranta si Josie nang mapagtantong nakalunok ng hikaw ang kaniyang anak. Nag-aalalang kwento ni Josie,
“Nang mga oras na ‘yon inisip ko talaga na baka nakasabit pa ‘yong hikaw sa lalamunan niya, o sa bituka niya at maging sanhi rin po ng impeksyon sa katawan niya po…”
Larawan mula sa YouTube video ng Pinoy MD
Sa taranta ni Josie, pinainom niya agad ng tubig ang kaniyang anak. Aniya, wala siyang ideya kung anong dapat gawin kapag nakalunok ng hikaw o anomang foreign object ang isang bata.
Pagkalipas umano ng ilang oras, matapos painumin ng tubig ay wala naman umanong ibang naramdaman ang bata maging pagsakit ng tiyan. Masigla pa raw na naglalaro ang kaniyang anak na tila hindi nakalunok ng hikaw.
Ngunit ayon sa eksperto, hindi dapat pinainom ng tubig ang batang nakalunok ng hikaw. Dagdag pa niya, hindi raw dahil kumalma na ang bata ay nangangahulugang safe na ito.
“That’s very dangerous. It can dislodge in a certain number of ways e in your esophagus or in your trachea,” saad ng ENT specialist na si Dr. Janina Escalderon.
BASAHIN:
Korina Sanchez sa aksidente ng anak na si Pepe sa pool: “My poor but brave boy Pepe.”
Baby girl, aksidenteng nahiwa ang mukha nang ipanganak via CS
1-anyos, aksidenteng nabulunan sa marshmallow
Paalala ng doktor kapag nakalunok ng foreign object
Ayon kay Dr. Janina Escalderon, espesyalista sa Ears, Nose and Throat, para matukoy kung nakalunok ng foreign object ang isang tao narito ang mga dapat gawin:
- Unang dapat gawin ay suriin ang boses. Kapag paos ang bata at may choking sensation o nahihirapang huminga, posibleng nasa airway ang nalunok na bagay. Dapat umanong mabigyan agad ito ng atensyon at dalhin sa doktor.
- Kapag umiyak ang batang nakalunok ng hikaw, ibig sabihin ay wala na sa airway o lalamunan ang nalunok na bagay.
- Huwag painumin o pakainin ng kahit na ano ang bata.
- Obserbahan kung may senyales ng respiratory distress o hirap sa paghinga.
- Obserbahan kung nangingitim ang mga daliri o labi.
Ayan ang mga naunang bilin ni Dr. Janina sa nanay ng batang nakalunok ng hikaw.
Anong nangyari sa batang nakalunok ng hikaw
Larawan mula sa Shutterstock
Magdamag umanong hindi mapakali si Josie matapos mapagtanto na hikaw ang nalunok ng kaniyang anak. Para makasiguro ay nagpasya siyang dalhin na sa ospital ang kaniyang anak.
“Bilang isang ina, pinangangambahan ko talagang mangyari sa anak ko na maaari niya itong ikamatay,” saad ni Josie.
Paglabas ng resulta ng x-ray ay nakumpirma nga na wala na sa airway ng bata ang nalunok na hikaw. Nasa stomach na ng anak ni Josie ang hikaw. Dagdag na bilin ng doktor, obserbahan sa loob ng 24-48 hours, kung mailalabas ng bata ang hikaw sa kaniyang pagdumi.
“Hikaw siya, so hindi siya toxic. Okay lang, we can wait for it kasi hindi naman siya mag-e-erode.”
Makalipas ang 48 hours ay laking tuwa at ginhawa ang naramdaman ni mommy Josie nang makita ang hikaw sa dumi ng kaniyang anak.
“Sobrang saya ko po nang makita kong sumama ‘yong hikaw sa poops ni baby kasi alam kong safe na siya. Nakita ko rin sa poop niya na walang halong dugo,” saad ni Josie.
Naging malaking leksyon umano sa kaniya ang nangyari sa kaniyang baby. Aniya, kahit anong ingat ng magulang para sa safety ng anak ay hindi pa rin maiiwasan na magkaroon ng aksidente.
Paalala ni Josie sa mga kapwa magulang, dobleng ingat ang kailangan at bantayan ang lahat ng hinahawakan at sinusubo ng inyong mga anak.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!