Mainit ang pakiramdam pero hindi nilalagnat? Narito ang mga posibleng dahilan ng iyong nararamdaman.
Napakahirap magkasakit sa panahong ngayon. Kaya naman kapag nakaramdam tayo ng pagkabalisa at hindi maipaliwanag na init sa katawan, nagsisimula na tayong mag-alala. Unang bagay na ginagawa natin ay tinitingnan natin ang ating temperatura.
Pero minsan, kahit mainit ang ating pakiramdam, magugulat tayo na malaman na hindi tayo nilalagnat. Ano kaya ang sanhi nito? At ano ang dapat nating gawin kapag naramdaman natin ito?
Pero bago natin malaman ang kasagutan sa mga tanong na ito, alamin muna natin ang pagkakaiba ng sinat at lagnat.
Sinat vs. lagnat
Image from Freepik
Kapag mainit ang ating pakiramdam, o mukhang matamlay o may sakit ang isang tao, nakasanayan na natin na kapain ang kaniyang leeg o noo para malaman kung may lagnat ba ito.
Subalit ayon kay Dr. Nicole Perreras, isang pediatrician at eksperto sa infectious diseases mula sa Makati Medical Center, hindi maaasahan ang ganitong paraan para matukoy kung may lagnat ang isang tao.
“‘Yong tactile kasi, it’s not reliable because it depends on the skin of the person touching the child.” aniya.
Pwede lamang itong magsilbing babala na maaring mayroong lagnat ang isang tao. “Kung feeling mo mainit siya, that’s the time to really check it with a thermometer.” dagdag niya.
Ayon pa sa doktora, masasabing mayroong lagnat ang isang tao kapag umabot ang kaniyang temperature ng 37.8 degrees Celsius pataas. Kung mas mababa rito ang nakuhang temperatura, pwedeng masabi na sinat lamang ito. Para makasiguro, maaring ulitin ang pag-check ng temperature, at maari ring gumamit ng magkaibang uri ng thermometer.
Subalit kung walang lagnat ang isang tao, hindi naman ibig-sabihin nito na wala na siyang sakit. Sa katunayan, ang pagtaas ng temperatura ng isang tao ay isang hudyat na na mayroong pagbabago sa kaniyang katawan na dapat mo ring bantayan. Alamin natin kung anu-ano ang posibleng sanhi nito.
Mainit ang pakiramdam pero hindi nilalagnat – mga posibleng sanhi
Narito ang ilang posibleng medikal na sanhi ng pagtaas ng temperatura o pagkakaroon ng mainit na pakiramdam ng isang tao.
Kapag ang isang tao kasi ay nakakaranas ng stress o pagkabalisa, maaari siyang makaranas ng pisikal na sintomas. Katulad na lamang na pakiramdam na pagiging mainit at pinagpapawisan. Nangyayari ito kapag tumaas ang tibok ng puso ng isang tao at blood supply papunta sa kaniyang muscles.
Ang mga taong stress o anxious ay maaaring mapansin na nangyayari sa kanila ang mga sumusunod:
-
- Pagtaas ng heart rate o pagbilis ng tibok ng puso
- Nakakaranas ng heart palpitations
- Nakakaramdam ng tense na muscles
- Nakakaranas ng rapid breathing o hirap sa paghinga.
Mainam na uminom ng tubig at umiwas sa stress upang hindi makaranas nito.
Ang pagkakaroon ng hyperthyroidism ay nangyayari kapag ang thyroid gland ng isang tao ay naging overactive at naglilikha ng maraming thryoid hormones. Ang thyroid hormones na ito ay nakakaapekto sa paggamit ng katawan sa enerhiya o body energy.
Madalas na nakakaranas ang mga taong may hyperthyroidism ng heat intolerance kasama pa ang mga sintomas na ito:
-
- Panginginig ng mga kamay
- May rapid o iregular na tibok ng puso
- Diarrhea o madalas na bowel movements
- Nahihirapang makatulog
- Matinding pagod o fatigue
- Hindi sinasadyang pagbaba ng timbang
- Pagnipis ng buhok
-
Anhidrosis
May mga taong matindi pagpawisan, at may mga tao rin na parang hindi gaanong pinagpapawisan kahit gaano kabigat ang pisikal na gawain. Magkakaiba kasi ang ating sweat glands.
Subalit kung hindi pinagpapawisan ang isang tao, maaring ito ang dahilan kung bakit mainit ang iyong pakiramdam pero hindi ka nilalagnat. Ang anhidrosis ay isang kundisyon kung saan hindi pinagpapawisan ang isang tao. Kasi ang pagpapawis ay isang paraan upang mag-cool down o bumaba ang temperatura ng ating katawan.
Ang pagkakaroon rin ng kondisyong ito ay maaaring sanhi ng sakit na nagdudulot ng pagbabara ng sweat glands. Kapag isang tao ay hindi pinagpapawisan, dapat ay kumonsulta siya agad sa isang doktor tungkol rito para malaman ang dahilan.
Isa pa sa mga maaaring dahilan kung bakit mainit ang pakiramdam pero hindi nilalagnat ay baka mayroon kang diabetes. Ang mga tao kasing may diabetes ay mas sensitibo sa init kaysa sa mga walang diabetes. Mas nararamdaman mo ang ganitong pakiramdam lalo na kapag mainit rin ang panahon.
Maaaring nangyayari ito dahil sa dehydration (kakulangan ng tubig sa iyong katawan) o komplikasyon dala ng pagkakaroon ng diabetes. May kaugnayan rin kasi ang ating temperatura sa insulin sa ating katawan.
Ilan sa mga sintomas ng diabetes ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ay mga sumusunod:
-
- Madalas na pag-ihi, lalo na sa gabi
- Matinding pagka-uhaw at pagkagutom
- Panlalabo ng mga mata
Ang multiple scleroris ay isang malubhang sakit na umaatake sa ating central nervous system. Sa mga taong mayroon ng karamdamang ito, nahihirapan ang brain na magbigay ng senyales sa ibang bahagi ng katawan.
Isa sa mga pangunahing sintomas ng multiple sclerosis ay ang pagiging sensitibo sa temperatura. Ito ay dahil tinatamaan ng sakit na ito ang mga nerves sa ating katawan. Maari itong samahan ng paglabo ng paningin.
Ayon sa Healthline, bukod sa pagiging sensitibo sa init, narito pa ang ilang sintomas ng mga taong may multiple sclerosis:
-
- pananakit ng kalamnan
- nahihirapan sa paggalaw at pagbalanse ng katawan
- paglabo ng mata
- pamamanhid sa ibang bahagi ng katawan
- problema sa pagdumi at pag-ihi
- problema sa pananalita
- sexual dysfunction
- problema sa pagkain at paglunok
- matinding pagod
Narito naman ang iba pang posibleng sanhi ng init sa pakiramdam na dulot ng ating kapaligiran o lifestyle:
- Sobrang caffeine o alcohol sa katawan
- Pagkain ng maaanghang
- Pagkonsumo ng mainit na pagkain o inumin
Ang pag-eehersisyo ay maari ring makapagpataas ng temperatura, lalo na kung ginagawa mo ito sa mainit na lugar. Kapag walang kakayahan ang iyong katawan upang mag-cool down sa ganitong pagkakataon, posibleng tumaas ang banta ng heat exhaustion o heat stroke.
Ang heat exhaustion ay maaring magdulot ng pagpapawis, matinding pagod, pananakit ng muscles, pananakit ng ulo, pagkahilo, pagsusuka at maitim na ihi.
Samantala, ang heat stroke naman ay maaring makapagpataas ng iyong temperatura hanggang sa 39 degrees Celsius sa loob ng 15 minuto.
Ito ay isang medikal emergency kaya dapat na dalhin agad sa ospital ang pasyente kapag nakakaranas siya ng mga sumusunod na sintomas:
-
- hindi pinagpapawisan pero mainit ang pakiramdam
- pagkahilo o pagkabalisa
- kombulsyon
- masyadong mabilis o masyadong mabagal ang pulso
- mawawalan ng malay
Kung ikaw sa isang babae, posible rin na ang init na iyong nararamdaman ay sanhi ng hormones. Ang hot flashes na dulot ng perimenopause o menopause ay nagdudulot rin ng pagtaas ng temperatura, maging ang pagpapawis sa gabi. Gayundin, maari ring makaramdam ng kaunting sinat o pagtaas ng temperatura habang nagbubuntis.
Paalala na kung nakakaramdam ka ng mainit na pakiramdam pero walang lagnat habang nagdadalang tao, mas mabuting sumangguni ka na sa iyong OB-Gynecologist para masigurong wala kang impeksyon o sakit.
Ayon sa Healthline, maari ring magdulot ng pagtaas ng temperatura ang mga sumusunod na gamot:
-
- antibiotics
- cancer drugs at chemotherapy
- antihistamines at gamot sa allergy
- decongestants
- gamot sa high blood pressure
- gamot para sa sakit sa puso
- thyroid hormone replacements
- gamot sa pagkahilo
Kung gumagamit ka ng alinman sa mga gamot na ito, mas mabuting kausapin ang iyong doktor para malaman kung normal bang epekto ang pagkakaroon ng mainit na pakiramdam upang makasiguro.
Sanhi ng sinat sa mga bata
Ayon naman sa isang article, narito ang ilang posibleng dahilan kung bakit nagkakaroon ng mainit na pakiramdam ang mga bata:
- Init ng panahon
- Trangkaso (hindi lahat ng oras, ang sakit na ito ay may kasamang lagnat)
- Pananamit
- Nagngingipin
- Pisikal na gawain
- Anxiety
Tandaan na delikado rin sa mga bata, lalo na sa mga sanggol ang masyadong mainitan o mag-overheat. Kaya naman dalhin agad sa doktor ang bata kapag mainit ang kaniyang pakiramdam at nakakaranas siya ng mga sumusunod:
- Matamlay ang bata
- Siya ay parang nababalisa at hindi mapakali
- Mayroong senyales ng dehydration (tuyo ang bibig, hindi masyadong umiihi, walang luha kapag umiiyak)
- Nagsusuka o nagtatae
- Mayroong viral infection (gaya ng ubo o sipon) ang bata na tumatagal na ng mahigit 7 araw
Image from Freepik
Anong pwedeng gawin kapag mainit ang pakiramdam pero hindi nilalagnat?
Wala naman talagang direktang gamot sa ganitong nararanasan. Ang medikasyon sa ganitong pakiramdam ay nakadepende sa sanhi o dahilan na iyong nararamdaman.
Para sa mga taong nakakaranas ng mainit na pakiramdam dahil sa environmental o lifestyle factor tulad ng pagbibilad sa araw ay maaaring makaranas ng ginhawa kung ia-adjust nila ang kanilang daily routine.
Ayon sa CDC, maaaring subukan ang mga mga sumusunod:
- pagsusuot ng magaan o preskong damit
- pananatili sa air-conditioned na lugar
- paliligo ng malamig na tubig
- pag-inom ng maraming tubig
- iwasan ang pagkain ng mga maanghang na pagkain
- pag-iwas sa pag-inom ng mga inuming may caffeine at alcohol
Isang paalala: kapag nakakaranas ng mga sinabing sintomas ng heat exhaustion o heatstroke, mas magandang magpasuri sa inyong doktor upang maresolba agad ang iyong nararanasan.
Karagdagang ulat mula kay Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!