Ito ang nangyari sa isang toddler matapos paglaruan ang charger ng cellphone

Narito ang first aid tips na dapat gawin kapag na-kuryente o napaso ang isa sa iyong pamilya o kakilala.

Nakuryente na bata ng dahil sa cellphone charger tumalsik ng ilang metro. Bata, himalang nagtamo lang ng paso matapos ng nangyari sa kaniya.

Nakuryente na bata

Isang ina ang nagbahagi ng karasanan niya at kaniyang anak na nakuryente dahil sa pinaglalaruan nitong cellphone charger. Kwento ng ina nasa harap niya ang anak habang nilalaro nito ang cellphone charger. Ngunit hindi niya akalain na sa murang edad nito ay marunong na pala itong magsasaksak ng charger sa electrical outlet. Kitang-kita niya kung paano sinaksak ng anak ang charger sa outlet pati na ang kabilang dulo nito na dapat ay isinasaksak naman sa cellphone.

Mabilis ang sumunod na pangyayari, bigla nalang daw may kumislap at lumabas na itim na usok. Saka tumalsik ng ilang metro sa kanilang sala ang kaniyang anak. Noong una ay natahimik ito, ngunit bigla nalang nagsisigaw at umiyak.

Kaya naman dahil dito ay dali-daling dinala sa ospital ang bata. Sa pagsusuri sa bata ay nagtamo ito ng paso o entrance wound. Ngunit walang exit wound na maaring maging dahilan upang maapektuhan ng pagkakakuryente ang kaniyang puso.

Ito ang nangyari sa isang toddler matapos paglaruan ang charger ng cellphone | Image from CPR Kids

Mabuti nalang at matapos ang dagdag pang pagsusuri at obserbasyon ay lumabas na maayos ang lagay ng nakuryente na bata. Maliban na nga lang sa paso na natamo niya sa kaniyang kamay.

Kaya naman dahil dito ay may paalala ang ina ng nakuryente na bata. Ito ay ang bantayan ng mas mahigpit ang inyong mga anak. Itago ang mga electrical outlet at devices sa mga lugar na hindi niya makikita o maaabot. Maging mabuting halimbawa rin sa kanila. Dahil sa mura nilang edad lahat ng nakikita nila ay kanilang ginagaya.

First aid tips sa mga nakuryente

Sa oras na may nakuryente ang unang hakbang na dapat gawin ay ang tanggalin ang appliances o device sa pinagsasaksakan nitong electrical source. Ito ay upang makasiguro na hindi na ito magdudulot ng dagdag pang pagkaka-kuryente sayo o sa biktima.

Ito ang nangyari sa isang toddler matapos paglaruan ang charger ng cellphone | Image from Freepik

Kung hindi naman agad na mapapatay ang electrical source, itulak ito palayo sa biktima gamit ang mga bagay na hindi madadaluyan ng kuryente tulad ng plastic o kahoy.

Saka tingnan kung may malay o wala ang biktima. Kung siya ay may malay, humingi agad ng tulong at dalhin siya sa ospital. Kung wala ay agad na magsagawa ng CPR sa kaniya. Kapag siya ay nagkamalay na ay saka tumawag ng ambulansya para madala na siya sa ospital.

First aid sa paso

Sa oras naman na nagtamo ng paso ang biktima ay agad na itapat ito sa cold running water ng hindi bababa sa 20 minuto. Kung ang paso ay nasa parte ng katawan na natatakpan ng damit ay hubarin ang damit saka ito itapat sa tubig Gawin ito habang hinihintay ang pagdating ng tulong o ambulansya. Ito ay ginagawa para palamigin ang paso at mabawasan ang lala ng maaring maidulot nito sa biktima.

Kung ang paso ay nasa mukha ng biktima, ay gumamit ng spray bottle para mawisikan ito ng tubig. O kaya naman ay towel na iyong babasain sa tubig kada sampung segundo. Muli dapat gawin ito ng hindi bababa sa 20 minuto habang hinihintay ang pagdating ng ambulansya o bago dalhin sa ospital ang biktima.

Ito ang nangyari sa isang toddler matapos paglaruan ang charger ng cellphone | Image from Dr. Weil

Saka ito takpan ng gasa upang hindi madumihan. Ngunit iwasang lagyan ito ng band-aid o ng kahit anong maaring madikit sa paso.

Kahit na ba nabigyan ng pangunang lunas ang nakuryenteng biktima dapat ay dalhin parin ito sa doctor upang mas matingan at masuri. Ito ay para makasigurado na wala ng ibang epekto o peligrong dulot ang pagkakakuryente sa katawan niya.

Para maiwasan ito, gawing ligtas si baby sa loob mismo ng bahay. Itaas ang mga bagay na delikado sa kaniya.

 

Source:

Healthline, CPR Kids

BASAHIN:

Toddler, patay matapos isubo ang nakasaksak na phone charger

2 years old na bata patay matapos mabilaukan ng dahil sa lollipop

25-anyos patay matapos makuryente sa naka-charge na cellphone