Namatayan ng magulang? Paano nga ba dapat harapin ang kanilang pagkawala at ang kalungkutan?
Para sa isang netizen, ito ay kaniyang hinarap sa positibong paraan.
Damdamin ng isang anak na namatayan ng magulang
Nito lamang Hulyo ay nag-viral ang larawan ng isang college graduate kasama ang life-size standee ng kaniyang ina. Ang college graduate na nasa larawan ay si Paulo John Alinsog, 20-anyos. Siya ay grumaduate nito lamang taon sa kursong Business Administration sa Lyceum of the Philippines University. At ang dahilan kung bakit standee nalang ng ina ang kasama niya sa importanteng event na iyon ng kaniyang buhay – ito ay pumanaw na.
Bagamat nakakatuwa kung titingnan ang larawan pati na ang kalakip nitong pabirong mensahe ni Paulo sa kaniyang ina, sa likod naman nito ay ang pangungulila ng isang anak na namatayan ng magulang.
“I just really wanted to feel my mom’s presence during graduation day. Gusto kong makapagpapicture sa kanya gaya ng iba na proud na proud kasama ang parents nila sa kanilang graduation.”
Sa isang panayam sa pahayagang Inquirer ay ito ang naging sagot ni Paulo ng matanong kung bakit naisipan niyang gawing ito.
Pagharap sa kalungkutan
Kwento pa niya, taong 2016 ng pumanaw ang kaniyang ina dahil sa sakit na pneumonia at hyperthyroidism. Masyadong naging mabilis daw ang pangyayari at sa batang edad nito na 37-anyos ay tuluyan na nitong iniwan sila.
Si Paulo ay panganay sa tatlong magkakapatid. Kaya naman daw ang pagkawala ng kaniyang ina ay hindi lang nagdulot ng kalungkutan sa kaniya. Ito rin daw ay naging tanda na kailangan niya ng maging responsible sa pag-aalaga at pagtataguyod sa mga nakakabata niyang kapatid.
Bagamat mahirap ang pinagdaanan, naging malaking tulong daw ayon kay Paulo ang mga taong nakapaligid sa kaniya para unti-unting maka-copeup mula dito. Tulad nalang ng kaniyang mga kaibigan na naging karamay niya at nagbibigay ng dahilan para siya ay tumawa.
“Hindi ko pa rin tanggap kaya inaaliw ko yung sarili ko sa mga ibang bagay. Nagdadasal din ako and have fun with my friends.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Paulo. Ayon pa sa kaniya, ang kaniyang buhay ay magpapatuloy dahil ito ang gusto ng kaniyang ina. At lahat gagawin niya para tuparin ang mga pangarap at plano nito para sa kanilang magkakapatid.
Paano dapat harapin ang kalungkutan kapag namatayan ng magulang
Bilang isang anak ang pinakanakakalungkot na maaring mangyari ay ang namatayan ng magulang. Lalo pa’t kung nasanay ka na lagi silang nandyan at naka-suporta para sayo.
Ayon nga sa mga pag-aaral, ang pagkamatay ng magulang ay maaring magdulot ng long-term emotional at mental health issues sa anak na iniwan nito. Ang ilan sa mga mental health issues na ito ay ang depression, anxiety at substance abuse. Ngunit, ang mga negatibong epekto na ito sa isang anak na namatayan ng magulang ay maari niyang maiwasan. Ito ay sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
1. Hayaan ang iyong sariling magluksa sa pagkawala ng iyong magulang.
Huwag mong pigilan ang iyong sariling umiyak. Dahil habang sinusubukan mong pigilan ang iyong nararamdaman lalo lang itong mas magiging malakas at makakabigat sayong kalooban.
2. Humingi ng tulong sa mga taong nakapaligid sayo.
Ang mga taong ito ay ang ka-pamilya o kaibigan na maari mong makausap at mapagsasabihan ng iyong nararamdaman. Kung pakiramdam mo naman ay mas kakailanganin mo ang tulong ng isang eksperto o professional, huwag mahiyang lumapit sa kanila. Dahil sila ay handang tumulong at mas may nalalaman para mas matanggap mo ng maayos ang pagkawala ng iyong magulang.
3. Tingnan ang positibong bahagi ng buhay at alalahanin ang mga bagay at pangarap ng iyong magulang na gusto nilang makamit mo.
Isipin at gamiting inspirasyon ang mga pangarap ng iyong magulang para sayo. Dahil bilang isang magulang, walang ibang mas makakapagpasaya sa kanila kung hindi ang makita ang kanilang anak na nasa maayos na kalagayan. Kaya naman magpatuloy sa iyong buhay at mabuhay sa paraan na alam mong ikakatuwa nila kahit sila ay wala na.
Bagamat mahirap at mabigat sa pakiramdam, ang pagkasawi ng isang minamahal ay normal na pangyayari ito sa ating buhay. Lahat tayo ay makakaranas nito. Kaya naman isaisip na tulad mo ay maraming tao sa mundo ang nasa pareho mong sitwasyon o kaya naman ay mas mabigat pa ang pinagdaraanan. Ngunit sila ay patuloy na lumalaban sa buhay para sa kanilang minamahal, tulad ng kanilang mga magulang.
Source: Inquirer News, Yahoo News, Psychology Today
Basahin: Paano naapektuhan ng labis na kalungkutan ang ating kalusugan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!