“Iniwan ko anak ang ko sa Nanay ko, pinagsisihan ko iyon.”
Tunay na mahirap maging ina at minsan, sinisisi pa natin ang sarili natin kapag hindi nakukuha ng mga anak natin ang nararapat para sa kanila. Thirty (30) years old na ako ngayon at may tatlong anak.
Ang aking panganay na anak ay inaalagaan ng nanay ko simula ng ipanganak siya dahil iniwan ko ang aking anak para makapagtrabaho ako. Eleven (11) months pa lang siya ng iniwan kami ng papa niya kaya solo ko siyang sinuportahan.
Ngayon ay walong taon na siya at may dalawang kapatid sa bago kong asawa. Hindi ko siya nakuha sa magulang ko para tumira kasama ko dahil hindi sila sang-ayon noong panahon na ‘yun.
Hindi sila sanay na wala sa kanila ang anak ko at malulungkot sila kapag nagkataon. Mag-aapat na taon pa lamang siya ng mangyari ‘yun.
Naka-experience din siya ng Developmental Language Delay and probable ADHD. Ginawa ko ang best ko para mapa-therapy siya.
Nagsisi ako na iniwan ko ang anak ko sa nanay ko
Naging okay naman siya and later on I have realized, ako ang dahilan kung bakit nagkaganun siya. ‘Yung hindi magandang mental health ko noong iniwan kami ng papa niya ay isa sa mga dahilan.
Dumadating sa point dati na nasasaktan ko siya kapag makulit siya. Naranasan ko na noon maging broken family kaya pangarap ko talaga magkaron ng sariling buong pamilya. Pamilya na masaya, nagkakaunawaan at nagmamahalan.
Ngayon, gusto na niyang sumama sa akin pero hindi ko siya makuha dahil walang mag-aalaga sa kaniya sa bahay namin. Malayo kami sa bayan at parehas kaming nagtatrabaho ng mister ko.
Ang dalawang kapatid naman niya ay inihahabilin namin sa biyenan ko kapag nasa opisina ako at sinusundo namin pagkatapos ng trabaho.
Nararamdaman ko na namimiss na niya ako kaya nagu-guilty ako dahil hindi ko maibigay sa kanya ang panahon. Ang tanging nagagawa ko lamang para sa kanya ay tustusan ang pag-aaral niya pero kulang pa ‘yon.
May kasabihan, Mother knows best at alam ko na ang best para sa kanya ay sa side ng mama ko. Nabibigyan nila ng oras ang anak ko dahil wala na silang ibang inaasikaso kasi dalawa lang kaming magkapatid at parehas na may kanya-kanya ng buhay. Alam ko din na naiinggit siya sa dalawa niya pang kapatid na araw-araw akong nakakasama.
BASAHIN:
Mom Guilt: “Because of tiredness, I vent my anger on to my kids. “
Mom Confession: “I feel guilty for hating my mother-in-law around my little one.”
REAL STORIES: “Hilig ng anak kong ilinya ang mga laruan niya—senyales na pala ‘yon ng autism.”
Nagpapasalamat pa rin ako
Nagpapasalamat ako sa panginoon na malapit sa isa’t isa ang mga anak ko kahit na hindi sila nakatira sa iisang bahay. Dahil na din siguro sa madalas nilang namimiss ang isa’t isa.
Malambing sila at maaalahanin. Nakuha naman nila ang pagiging maaalahanin sa mga lola nila. Sabi ng iba na-i-spoiled daw ang mga bata kapag laki sa lolo’t lola. Pero sa obserbasyon ko, parang hindi naman.
Ang panganay na anak ko ay maalaga sa bunso niya, katulad kung paano siya alagaan ng lola niya. Ang ikalawang anak ko naman ay matured mag-isip.
Madalas pinapangaralan niya mga kalaro niya kapag nag-aaway na. At mas behave pa siya kapag nasa bahay siya ng lolo’t lola niya. Kaya may mabuti din na naiidulot ‘yung pag-aalaga sa kanila ng mga lolo at lola nila.
Epekto ng pandemya sa relasyon namin ng aking anak
Dahil sa pandemya, mas hindi ko siya makasama ngayon ng madalas. On-site ang trabaho ko at iniingatan ko din magulang ko, baka kasi makapagdala ako ng virus sa kanila.
Online learning din ngayon ang anak ko, sa umaga ang klase niya, tutor naman sa hapon. Dahil hindi ko siya matulungan sa assignments niya, kumuha na lang kami ng tutor para ma-guide siya sa mga activities niya.
Masakit din para sa akin na tatawagan niya ako na umiiyak siya. Nalulungkot siya dahil wala siyang makalaro. Hindi siya makalabas para makapaglaro kasama ng ibang bata. Ito siguro ang stress na naidulot sa kanya ng mga lock-down. Pati na rin ang kanyang pagtaba.
Mas bumigat ang timbang niya ngayon simula ng magsimula ang Covid-19 at nasa loob lang siya palagi ng bahay.Sa ngayon, sinusubukan ko na lamang siyang isama sa mga pinupuntahan namin katulad ng mga party, kapag nag-go-grocery at minsan nag-sleep over siya sa bahay. Alam ko dadating din ang panahon na makakasama ko siya at maiintindihan niya ako.