Ano ang sakripisyo ng isang nanay na frontliner? Tunghayan ang kwento ng isang inang kinailangang ipaalaga sa iba ang kaniyang triplets para sa kaniyang trabaho.
Mababasa sa artikulong ito:
- Nanay na frontliner, unang beses na mawalay sa kaniyang triplets
- Babalik na sa trabaho? Narito ang mga bagay na dapat mong paghandaan kung ipapaalaga si baby sa iba
Sino ba namang ina ang hindi malulungkot sa unang beses na mahiwalay sila sa kanilang sanggol? Matapos ang ilang buwan na halos nakakabit sila sa atin, mahirap mawalay sa ating mga anak. Pero kailangang isakripisyo para sa kanilang kinabukasan, at kailangan na pansamantalang ipagkatiwala ang pangangalaga sa iba.
Maraming working moms ang nakakaranas ng ganitong kalungkutan kapag oras nang bumalik sa trabaho pagkatapos ng kanilang maternity leave.
Ganito ang naramdaman ng isang nanay na frontliner na kinailangang dalhin sa day care center ang kaniyang triplets para bumalik sa trabaho.
Nanay na frontliner, dinala ang kaniyang triplets sa day care center para bumalik sa trabaho
Sa isang Tiktok video na binahagi ni @triplet.syera, isang TAP mom sa bansang Malaysia, ipinakita niya ang araw na dalhin niya sa day care center ang kaniyang tatlong sanggol dahil natapos na ang kaniyang maternity leave at kailangan nang bumalik sa trabaho.
Noong una, excited pa ang frontliner mommy na ipinaalaga sa iba ang kaniyang triplets. Subalit sa oras na bumalik siya sa kaniyang sasakyan, hindi na napigilan ng ina na mapaiyak.
Mahirap ang ganitong sitwasyon para sa isang ina, kaya naman sinubukan ng kaniyang asawa na pagaanin ang loob ng nanay na frontliner, at biniro pa na dadalhin niya ito sa restaurant para hindi na umiyak. Nangako rin ang ama na pagkatapos ng trabaho niya ay susunduin niya agad ang mga bata.
Pagkatapos kumain, nakita sa video na nakangiti na uli si Mommy. Mahirap man ang kaniyang sitwasyon, kahit sandali ay napawi naman ang kaniyang lungkot nang makakain na ng masarap.
Ipinakita rin sa video nang sunduin ng mag-asawa ang triplets. Masayang-masaya ang pamilya na makapiling muli ang isa’t isa. Ayon naman sa nag-alaga sa mga sanggol, naging maayos ang lagay ng mga ito at hindi naman umiyak.
Iiwan si baby sa iba? Sundin ang mga tips na ito
Bilang magulang, gusto natin na tayo mismo ang mag-aalaga sa ating mga anak, lalo na kapag mga sanggol pa sila. Subalit gaya ng nanay na frontliner sa ating kwento, kailangan nating magsakripisyo para sa kapakanan ng ating anak.
-
Mas maganda kung ipapa-alaga si baby sa kapamilya.
Sa ibang bansa, sanay ang mga magulang na ipagkatiwala ang kanilang mga anak sa mga day care center. Pero sa ating mga Pinoy, mas palagay tayo kung kapamilya o kamag-anak natin ang mag-aalaga kay baby.
Bago bumalik sa trabaho, subukan munang iwan si baby sa iyong kamag-anak sa loob ng isa o dalawang oras. Ito ay para masanay na ang bata na wala ka sa paligid.
Sapagkat kung basta mo na lang sila iiwan sa oras na babalik ka na sa trabaho, maaring mahirapan mag-adjust si baby at mas mahihirapan kang iwanan siya.
-
Sanayin si baby sa ibang tao.
Dahil sa pandemya, naging limitado ang interaction ng ating anak sa ibang tao. Subalit kung babalik ka na sa trabaho, makakatulong na masanay ang iyong anak sa piling ng iba, lalo na sa taong aatasan mong mag-alaga sa kaniya. Magiging mahirap para kay baby at sa kaniyang tagapag-alaga kung takot si baby sa kaniya.
-
Kung option ang day care o nanny, kilalanin ito bago ipagkatiwala si baby
Mas maganda kung kilalang-kilala mo ang mag-aalaga sa iyong anak, subalit kung wala kang kamag-anak o kapamilya sa iyong lugar, maaari kang kumuha ng isang nanny o yaya para kay baby.
Siguruhin lang na kikilalanin mo ito nang mabuti at alamin kung may kakayanan siya na alagaan ang iyong anak at maaari mong itong ipagkatiwala sa kaniya.
Samantala, kung balak mo namang iwan sa day care si baby, siguruhin na ligtas at malinis ang lugar. Alamin kung ilang bata ang inaalagaan nila sa isang araw. Tanungin rin ang opinyon ng ibang magulang kung mapagkakatiwalaan ba nilang ang mga tao sa lugar na iyon.
BASAHIN:
Mom confession: “I feel like I am less of a mother dahil hindi ko kasama ang anak ko”
STUDY: Hirap na pinagdadaanan ng mga working mom dumoble ngayong may pandemic
Working Mom: “Araw-araw pinagsisisihan kong iniwan ko ang anak ko para magtrabaho”
-
Mag “surprise visit” kay baby
Para masigurong naaalagaan si baby kapag wala ka, maaari ring magplano ng surprise visit sa iyong anak. Umuwi sa inyong bahay o dumalaw sa day care center sa oras na hindi ka nila inaasahan upang makita kung paano nila inaalagaan ang iyong anak.
-
Ihanda ang mga gamit ni baby
Pagkatapos magdesisyon kung sino ang mangangalaga kay baby habang nasa trabaho ka, siguruhin na handa na lahat ng gamit na kakailanganin ng iyong anak.
Kausapin ang mag-aaalaga kay baby tungkol sa mga pangangailangan ng iyong sanggol (gatas, pagpalit ng diapers, pagpapatulog) at siguruhing alam niyang gamitin ang mga gamit na iiwan mo sa kaniya.
-
Magkaroon ng mabuting relasyon sa tagapag-alaga ng iyong anak
Para maging maganda ang trato nila kay baby, dapat ay maging maayos rin ang iyong relasyon sa kanila. Kunin ang contact number ng mag-aalaga kay baby at ibigay mo rin ang iyong number sa kaniya para matawagan ka niya anumang oras na kailangan ka. Huwag kalimutang kamustahin ang iyong anak habang nasa trabaho ka.
-
Obserbahan ang iyong anak kapag nasa piling mo na siya
Sa mga unang linggo ay maaaring mahirapan pa si baby sa pangangalaga ng ibang tao. Subalit habang nasasanay siya ay magiging mas madali ito.
Pero kung napapansin mong balisa pa rin ang iyong anak matapos ang isa o dalawang linggo sa kaniyang pangangalaga, maaring mayroong hindi tama at dapat kang magsagawa ng isang surprise visit.
Para naman mga magulang na may mas malalaking anak na pinapaalaga sa iba, maari mo ring obserbahan ang iyong anak kung nagbago ba ang kaniyang ugali sa pangangalaga ng tao o mga taong kasama niya kapag nasa trabaho ka.
Kung nakakapagsalita na siya, pwede mo siyang tanungin kung gusto niya ba sila at kung naaalagaan ba siya nang maayos.
Mahirap iiwan si baby sa pangangalaga ng iba, pero isipin mo na lang na ang sakripisyong ito ay para sa kapakanan ng iyong anak. Sa mga working moms, lalo na sa mga nanay na frontliner, saludo kami sa inyo!
Isinalin nang may pahintulot mula sa theAsianparent Malaysia ni Camille Eusebio