Gaano ka katatag bilang isang Ina? Ano nga ba ang kaya mong isakripisyo para sa iyong anak?
Walang sinuman ang makakasukat sa pagmamahal ng isang Ina sa kaniyang anak. Maraming bagay ang handa mong talikuran alang alang sa kanya. Kaya mong magtiis maibigay lamang ang mga kailangan nya. Sa dulo ng mga katagang yan, naroon ang tanong tama nga ba?
Struggles of a working mom
Isa akong OFW sa Hong Kong, higit walong taon akong nagtatatrabaho doon bago ako nagka-asawa at nagkaanak. Pansamantala akong tumigil para mabigyan ng sapat na panahon ang pag aalaga at pagbi-breastfeed sa aking anak.
Makalipas ang isang taon nag desisyong akong bumalik sa trabaho. Noong umalis ako ng Pilipinas para bumalik sa ibang bansa, hindi ko akalain na magiging ganito ang sitwasyon.
Isang linggo matapos kong lumipad patungong Hong Kong noong January 2020, tuluyan ng naging world epidemic ang “covid 19”. Nag-umpisa akong mangamba sa sitwasyon ng aking ina at ng aking anak.
Lahat ng takot ay nararamdaman ko habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga taong nagkakasakit at namamatay dahil sa covid. Iyong takot na baka mahawahan sila at walang mag-aalaga at magbabantay sa kanila.
Dahilan ng aking pag-alis
Umalis akong may baong lakas ng loob at pag asa dahil sa pangarap naming mag-asawa na mabigyan ng magandang buhay ang aming anak. Nandoon din ‘yong kagustuhan kong makatulong sa aking mister para mabilis kaming makaipon at makapag negosyo para parehas na kaming hindi aalis ng bansa.
Pero dahil sa pandemic napatigil pansamantala ang trabaho ng aking mister sa barko. Tuluyan akong nawalan ng lakas ng loob para umuwi. Dahil naisip ko kung saan kami kukuha ng pang araw-araw na pang gastos at pambayad sa aming mga buwanang bayarin.
Batid ko ‘yong hirap ganon din ang takot, pero dahil naisip kong magkakasama naman ang aking mag-ama doon panatag nadin ang loob ko, dahil alam kong may katuwang sa pag aalaga ang aking Ina.
Struggles of a working mom: “Maraming bagay ang hindi ko nagagawa bilang isang ina.”
Naibibigay ko man ang lahat ng nais ko para sa aming anak tulad ng magagandang damit, laruan, sapatos at iba pa, sa sarili ko nandoon ang panghihinayang at pagsisisi dahil alam kong nagkukulang ako sa kanya at maraming bagay ang hindi ko nagagawa bilang isang ina.
Mabuti na lamang at sa panahon ngayon hi-tech na mabilis at madali ang komunikasyon. Tuwing umaga magkausap kami nagagawa ko siyang turuan ng mga salita, magbilang, basahan ng libro, kumanta at makipaglaro.
Linggo ang araw ng aking pahinga, kaya kung noon ay excited akong lumabas para mag-gala kasama ang aking mga kaibigan. Ngayon may limit na dahil mas gusto kong ibuhos ang aking oras sa aking pamilya, makausap ang aking anak at ang aking asawa.
BASAHIN:
STUDY: Hirap na pinagdadaanan ng mga working mom dumoble ngayong may pandemic
Working Mom: “Sorry anak, pangako babawi ako sa mga oras na nasayang ko”
6 reasons why being a working mom is not a bad thing
Working mom struggles.
Mahirap man kinakaya pa rin
Ilang beses kaming sinubok ng pagkakataon, at sa tuwing mag-kakasakit ang aking anak. Wala akong magawa kundi ang umiyak at magdasal na sana ay malampasan namin ang lahat.
Alam kong isang malaking sakripisyo ang kaakibat ng pagiging magulang. Pero kapag naging ina ka pala magagawa mong kayanin ang lahat higit pa sa inaakala mo. Susubukin ng panahon kung gaano ka katatag.
Titiisin mo lahat para sa pamilya mo, lalo na para sa anak mo. Minsan naiisip ko mali ba ng naging desisyon ko? Tama ba na iniwan ko pansamantala ang aking anak para sa aming pangarap?
Maaaring sa ganitong panahon, hindi man kami magkakasama masasabi kong hindi kami kinukulang sa pambili ng gatas, diaper at mga pangangailangan ng aming anak.
Habang nararamdaman ko ‘yong pangungulila sa aking anak, iniisip ko na lamang na maayos siya ligtas, walang sakit at hindi nagugutom.
Sa sarili ko maaaring hindi ako nagkulang bilang isang Ina. Pero, sa sandaling panahon ng aking paglayo, sa puso ko araw-araw kong pinagsisihan na iniwan ko siya para magtrabaho ako at para mabigyan siya ng magandang bukas.
Hindi pa naman huli ang lahat, alam kong madaming pagkakataon pa para makabawi ako sa aking anak. Alam kong hindi ko na maibabalik pa ang kahapon, pero umaasa akong darating ang bukas na magkakasama ulit kami at maipaparamdam ko sa kanya ang aking pagmamahal.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!