Nicole Hyala daughter na si Princess milagrong naka-recover mula sa meningoencephalitis. Narito ang kuwento ng milagro at paggaling ni Princess mula sa sakit.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang milagrong paggaling ng anak ng radio DJ na si Nicole Hyala mula sa sakit na meningoencephalitis.
- Ang mga dapat malaman tungkol sa sakit na meningoencephalitis.
Nicole Hyala daughter Princess and her fight against meningoencephalitis
Nitong June 6, matapos ang higit isang buwan na pananahimik ay nag-upload ng bagong vlog ang radio DJ na si Nicole Hyala o Mommy Emmy at asawa nitong si Daddy Ren. Ito ay ang milagrong paggaling ng kanilang panganay na anak na si Princess mula sa sakit na meningoencephalitis.
Kuwento ni Nicole, April 16 ng magkaroon ng lagnat ang anak niyang si Princess. Kinabukasan ay binigyan sila agad ng instruction ng doktor na ipa-confine na ito sa ospital.
Image from Nicole Hyala’s Facebook account
Nagsimula lang sa isang lagnat
Noong una ay hindi naman masyadong nag-aalala ang mag-asawa sa lagay ng anak nila. Dahil akala nila ito ay simpleng lagnat lang bagamat napapansin nila na may malaking pagbabago na sa mga ikinikilos ni Princess.
“Ang na-notice lang namin kay Princess na kakaiba ay lagi lang siyang tulog. Noong April 16 noong nilagnat siya nakatulog siya sa class niya na hindi naman nangyayari iyon.
Kahit inaantok siya o puyat siya, dahil lagi namang puyat iyang bata na iyan, it doesn’t happen na makakatulugan niya ang kaniyang class.
Right after the class natulog siya ulit. Ito iyong tipo ng bata na hindi natutulog, kailangan mo muna siyang pilitin na matulog.”
Ito ang pagkukuwento ni Nicole sa mga pagbabago na ikinikilos ng anak.
Bigla ring nabago ang mga usual na ikinikilos nito
Dagdag pa niya, hindi naman daw tumaas ng sobra ang lagnat ni Princess. Nasa 38.4 o .5 lang ito bagamat isa pang kakaiba sa kinikilos niya ay sa tuwing nagigising ito ay tulala lamang siya. At nag-bababble lang o hindi maayos na makapagsabi ng mga salita.
Sintomas na pala ito ng sakit na meningoencephalitis
Sanhi ng mga sintomas na ipinapakita ng anak ay inirekumenda ng doktor na patingnan ito sa neuropedia. Isinailalim din ito sa CT scan at doon nga nila nalaman ang tunay na kondisyon ni Princess. Ito ay may sakit na meningoencephalitis. Isang sakit na nagdudulot ng pamamaga ng utak at nakamamatay.
Pagbabahagi ni Nicole,
“After few hours nagkaroon na ng initial reading at tinawagan ako agad ng neuro para sabihin na Princess has possible meningoencephalitis.
Siyempre nagulat kami kasi akala namin lagnat lang ayun pala brain inflammation na.”
Dahil sa sakit, ay kinailangang mas tutukan ang kondisyon ni Princess. Siya ay inilipat sa mas malaking ospital at ipinasok sa intensive care unit o ICU.
Siya ay sinuweruhan at kailangang lagyan ng tubo sa ilong para lang makakain. Hindi rin ito makapagsalita. Tulog lang ng tulog at sa tuwing nagigising ay nakatulala lang. Dahil sa COVID-19 pandemic, si Princess ay naiwang mag-isa sa ICU habang lumalaban sa sakit.
Nicole at Daddy Ren hindi na makilala ng anak dahil sa kondisyon
Image from Nicole Hyala’s Facebook account
Maliban sa hindi mabantayan ng mga magulang niya, may isa pang nakapagpabigat sa loob ng mag-asawang sina Nicole at Daddy Ren. Ito ay ang hindi sila makilala ng anak nila.
“Iyon iyong masakit kasi hindi niya na kami kilala,” maiyak-iyak na sabi ni Daddy Ren.
Tatlong linggo sa loob ng ICU si Princess. Pero sa kabila noon ginawa ng mga magulang niya ang lahat para maiparamdam na nasa tabi lang sila ni Princess.
“Even hindi nagigising nakiusap kami sa nurse na nagbabantay sa anak namin na ipanood mga youtube videos namin lahat iyon sinave namin. Para marinig lang siya kahit alam namin na wala lang iyon sa kanila.”
Ito ang umiiyak na kuwento ni Nicole at Daddy Ren.
Dumaan ang mga araw at imbis na gumaling ay parang mas lumala pa umano ang kondisyon ni Princess. Sa ospital na nga nag-celebrate ng 8th birthday niya si Princess na kahit walang malay ay ipinagdiwang parin ng mga magulang niya. Kahit halos mawalan na ng pag-asa ang mag-asawa. Ang kondisyon ni Princess ay ipinagpasa-Diyos nalang nila.
Nicole: “Lord, huwag ninyo naman po siyang kunin samin. Hindi namin kaya.”
Nicole Hyala daughter Princess/ Image from Nicole Hyala’s Facebook account
“Lord huwag ninyo naman po siyang kunin samin. Hindi namin kaya.” Ito umano ang ilan sa mga salitang paulit-ulit na hiniling ni Nicole sa Diyos noon.
Hanggang sa isang araw ay nagkaroon ng malay si Princess. Pero hindi tulad ng dati na walang malay siya naman ay gumagalaw ng hindi kontrolado. Ayon sa mga doktor hindi rin magandang palatandaan ito.
Para nga maiwasan siyang masaktan dahil sa hindi niya kontroladong paggalaw ay kinailangang itali ang mga kamay at paa niya. Isa pang dagdag pasakit sa mag-asawang sina Nicole at Daddy Ren dahil sa pinagdadaanan ng anak.
“Three days siyang gising sa regular room hindi tumatalab ang pampakalma pampatulog sa kaniya.” “Pumunta ako sa far-end of the room. Umiiyak ako ng umiyak sabi ko Lord grabe ka naman sakin di mo ako pinapakinggan. Hindi ka nakikinig sakin araw-araw akong nagdadasal hinihingi ko si Princess. Hindi ka po nakikinig sakin. Anong ginawa kong mali. So nagpe-pray ako nagdadasal ako.” “Tapos ‘yong feeling ko parang may lubid na inabot sakin and I just have to hold on and that was my moment of surrender. Sige na Lord, Jesus take the wheel ikaw na po bahala, I surrender. Hindi ko na ito kaya ng magkaisa.”
Ito ang pag-aalala ni Nicole sa mga oras na isinuko niya na ang lahat sa Diyos.
BASAHIN:
5 Mga bagay na kailangan mong malaman tungkol sa Japanese Encephalitis
Miracle baby: Mum shares story of how her baby was brought back to life
11 na katangian ng isang responsable at mabuting asawa, ayon sa isang mommy
Naganap ang isang milagrong paulit-ulit nilang dinasal sa Diyos
Hanggang sa kinabukasan ay nagbago umano ang kinikilos ni Princess at dito na nagsimula ang unti-unting paggaling niya.
“And the next day Princess became calm and for the first time in many days natulog siya in 3 hours. Then she started recovering. The day after biglang sinabi niya Mommy.”
Mula noon ay tuloy-tuloy na ang paggaling ni Princess. Bagamat kinailangan pang sumailalim ito sa physical at speech therapy. Dahil sa labis na naapektuhan ng sakit ang katawan at pagsasalita niya.
Sa naging karanasan ay maraming natutunan ang mag-asawang sina Nicole at Daddy Ren isa na nga rito ay ang mas patibayin pa ang paniniwala nila sa Panginoon.
Mga aral na natutunan nina Nicole at Daddy Ren sa naging karanasan
“Parang nirecall kami ng Diyos pabalik sa kaniya. Parang sabi ng Diyos alam ninyo kayong dalawa masyado na kayong makamundo or masyadong na kayong busy. Actually we attend naman ng mass every Sunday. Pero ngayon na-realize namin na kulang. Kulang pa ang mga prayers namin.”
Dahil naniniwala sila na ang lahat ng ito ay milagrong ginawa ng Diyos na paulit-ulit nilang pinasasalamatan. Kahit nga umano mga doktor ni Princess ay hindi makapaniwala sa paggaling niya.
“Alam mo Mommy akala namin dati talaga hindi magrerecover si Princess. Of course mayroon kaming ginawa para sa sakit niya but we do not want to attribute itong paggaling niya sa ginawa namin. We attribute it to prayers, we attribute it to God.”
Ito umano ang mga nasabi ng doktor ni Princess kay Nicole.
Pinuri rin ni Daddy Ren ang ginawa ng misis na si Nicole para patuloy na alagaan ang anak nila sa naging karamdaman nito. Dahil siya man ang haligi ng tahanan, noon ay halos nanghina rin siya sa mga pinagdaanan ng anak niya.
Nicole at Daddy Ren: “God gave us a miracle”
“Actually sorry kung ako iyong iyak ng iyak. Siyempre siguro ang hirap sa part ng isang tatay. Naniniwala ako na tayong mga tatay pala kapag anak na ang pinaguusapan tiitiklop tayo. Naniniwala rin ako na sa bawat paghawak ng nanay as in may milagrong mangyayari rin.”
Ito ang pahayag ni Daddy Ren.
Ang karanasan umanong ito ang dahilan kung bakit saglit na nanahimik sa social media ang kanilang pamilya. Pero sa ngayon ay masaya nilang ibinabahagi na si Princess ay halos 100% na magaling at balik na sa normal. Isang milagro na paulit-ulit nilang pinapasalamatan sa Panginoon.
“Hindi man kami nakapagsalita sa social media kasi we know not everyone will be concern. Ang sabi lang namin ni Ren the next time na mag-popost kami sa social media, it would be a miracle and God gave us a miracle.”
Ito ang madamdaming pahayag ni Nicole Hyala o Mommy Emmy.
Panoorin ang buong kuwento ng paglaban ng daugther ni Nicole Hyala sa sakit na meningoencephalitis dito.
Ano ang meningoencephalitis?
Ayon sa Standford Children’s Health website, ang meningoencephalitis ay isang sakit kung saan namamaga o na-iinfect ang utak pati na ang membranous coverings nito. Ang kondisyon na ito ay nakamamatay.
Kung sakali mang may makaligtas sa kondisyon na ito ay malaki ang posibilidad na makaranas ng long-term effects dulot ng sakit.
Ang sakit na ito ay idinudulot ng mga virus, bacteria, fungi, at iba pang uri ng germs. Ilan sa mga ipinapakitang sintomas nito ay ang sumusunod:
- Pananakit ng ulo
- Lagnat
- Stiff neck
- Sensitivity sa liwanag
- Seizures
- Hirap na makapag-isip ng maayos
- Pag-iiba ng ugali
- Hallucination
- Unusual behavior
- Unconsciousness
Paano malulunasan ang meningoencephalitis?
Para matukoy kung meningoencephalitis ang nararanasang sakit ay kailangang sumailalim sa neurological exam, CT-scan, MRI, spinal tap, EEG o Electroencephalogram at blood test ang hinihinilang nagtataglay ng sakit.
Sa oras na matukoy na positibo sa sakit ay kailangang bigyan ng antiviral drug ang pasyenteng nakakaranas nito. Ito ay dapat gawin ng 10 hanggang 14 na araw.
Kung hindi agad maagapan ang kondisyon ay may posibilidad na masawi ang pasyente. Kung siya naman ay maka-survive siya ay maaring makaranas ng long-term brain damage.
Ito ay maipapakita niya sa pamamagitan ng hirap na mag-isip, hirap na kontrolin ang kaniyang katawan o hirap na magsalita, makakita at makarinig. Ang mga ito ay kinakailangan ng long-term care o therapy upang maitama.
Source:
Standford Childrens Org, Youtube