No homework bill ang bagong batas na pinag-uusapan ngayon sa kongreso. Sa ilalim ng isinusulong na batas ay ipinagbabawal na ang pagbibigay ng homework o assignment sa mga estudyante mula kinder hanggang grade 12. Ang naturang batas ay may dalawang version na isinusulong ng dalawang miyembro ng kongreso na sina Deputy Speaker Evelina Escudero at Quezon City Representative Alfred Vargas.
No homework bill isinusulong sa kongreso
Ang unang version ng “No Homework Bill” ay isinusulong ni Deputy Speaker Evelina Escudero ng Sorsogon na tinatawag ring House Bill No. 3611.
Ayon sa kaniya ay dapat ng tanggalin ang homework bilang school requirement. Dapat din daw limitahan ang mga school activities upang mas magkaroon ang mga estudyante ng oras na magpahinga at quality time kasama ang pamilya.
“Homework assignments can deprive students and parents precious quality time for rest, relaxation and interaction after school hours and even on weekends.”
Ito ang pahayag ng kongresista sa explanatory note ng kaniyang panukalang batas.
Maliban sa no homework bill, ipinapanukala din ni Rep. Escudero ang pagdedeposit at pag-iiwan ng libro sa school ng mga kindergarten hanggang Grade 6 students. Ito ay para makaiwas sila sa mga adverse effects tulad ng fatigue at spinal diseases na dulot ng pagdadala ng mabibigat na bag dahil sa mga libro.
Paliwanag niya, ito ay may malaking kaugnayan sa no homework bill. Dahil dinadala lang daw ng mga estudyante ang mga libro pauwi dahil sa mga homework na ipinapagawa sa kanila.
“Schoolchildren carry heavy bags as they feel compelled to bring home all their books and activity kits because of the daily homework given by their respective subject teachers. The giving of homework assignments to conclude a lesson is a hallmark of Philippine pedagogy which also needs to be seriously assessed.”
Ito ang dagdag na pahayag ng kongresista sa explanatory note ng kaniyang panukalang batas.
At para maisagawa ito dapat din daw magkaroon ng locker o dedicated space ang kada estudyante na ligtas na mapag-iiwanan ng kanilang mga libro sa eskwelahan.
Isa pang version ng no homework bill
Samantala, sa version ng no homework bill na ipinapanukala ni Quezon City Representative Alfred Vargas o House Bill 3883 ay pinipigilan na ang mga guro na magbigay ng homework tuwing weekends.
Paliwanag ng kongresista ang homework daw ay nagdudulot ng burden sa estudyante at kaniyang magulang. Nagiging dahilan rin daw ito ng hindi pagkakaroon ng sapat na family time at less interest sa pag-aaral. Ito daw ay base sa isang pag-aaral na isinagawa sa South Africa noong 2018.
Sa version ng batas na ito ni Vargas ay maaring magmulta ng P50,000.00 o pagkakakulong ng isa hanggang dalawang taon ang sinumang guro na lumabag sa no-homework condition ng panukalang batas.
Layunin umano ng batas na ito na magpromote ng physical, moral, spiritual, intellectual at social well-being sa mga Pilipinong mag-aaral.
Source: Inquirer News, GMA News
Photo: Freepik
Basahin: STUDY: Sobrang daming homework, nakakasama sa mga bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!