Epekto ng homework sa bata imbis na makatulong sa kaniyang pag-aaral ay maaring makasama sa kaniya kung ito ay sobra.
Epekto ng homework sa bata kapag ito ay sobra
Ayon sa National Education Association at National Parent-Teacher Association ay may 10-minute rule na dapat sinusunod sa pagbibigay ng homework sa mga bata. Ito ay naka-depende sa kanilang school level.
Kung nasa grade school ay dapat 10-minute homework lang ang ipinapagawa sa bata. Twenty minutes naman sa mga nasa second grade at aabot ng hanggang 120 minutes para naman sa mga nasa senior year high school. Hindi rin daw dapat munang binibigyan ng homework ang mga bata na nasa kindergarten.
Bagamat ang homework ay ibinibigay upang ma-master ng isang bata ang kaniyang natutunan sa school. Maaring makapagdulot ito ng masamang epekto sa bata kung ito ay sobra sa ni-rekumendang oras sa edad niya imbis na makatulong sa pag-aaral niya.
Ayon kay Donaldson Pressman, ang sobrang homework ay hindi beneficial sa grade o GPA ng isang bata. Maaring makasama pa nga ito sa kaniyang attitude sa school, grades, self-confidence, social skills at quality of life.
Si Donaldson Pressman ay co-author ng librong “The Learning Habit: A Groundbreaking Approach to Homework and Parenting that Helps Our Children Succeed in School and Life”.
Isang 2018 study rin ang nakapagsabi na ang impact ng sobrang homework sa mga bata ay maaring magdulot ng high level ng stress. Pati na physical health problems tulad ng ulcers, migraine, sleep deprivation at weight loss.
Stress na dulot ng homework
Maliban sa stress sa batang estudyante ang sobrang homework din ay maaring magdulot ng stress sa buong pamilya. Ito naman ang natuklasan ng isang bagong pag-aaral na nailathala sa The American Journal of Family Therapy kamakailan lang.
Ang stress ay nabubuo kapag hindi kayang matulungan ng magulang ang kaniyang anak sa homework nito. Nagbubunsod ito sa sisihan at paniniwalang maaring hindi nakikinig o nag-aaral ang anak sa school kaya hindi nito magawa ng mag-isa ang homework niya. Ito naman ay maaring ikasama ng loob ng bata na nauuwi rin sa pagtatalo ng isang mag-asawa.
Para maiwasan ang stress na epekto ng homework ay may mga bagay na maaring gawin ang mga magulang ayon sa mga parenting expert na si Jessica Lahey. Ito ay ang sumusunod:
4 Paraan para maiwasan ang stress na epekto ng homework
1. Kung matagal ang oras na inilalaan ng anak sa paggawa ng homework, alamin kung ano ang dahilan nito.
Ayon kay Lahey, dapat ay ma-check ng magulang ang lugar na ginagawan ng homework ng anak. Dahil maaring may distractions na nagpapatagal sa kaniya sa paggawa nito. Maaring ito ay gadget, music o ibang gamit sa bahay na kinawiwilihang paglaruan ng anak kaysa ang gawin ang homework niya.
Kung matukoy na mayroong distractions ay mabuting ilayo ito sa anak sa oras na gumagawa siya ng homework niya.
2. Makipag-usap sa guro ng anak kung matagal paring gumawa ng homework ang anak kahit naalis na ang distractions o wala namang distractions na gumugulo sa kaniya.
Paalala ni Lahey sa paggawa nito ay hindi dapat maging defensive. Sa halip ay makipag-usap sa guro ng anak sa paraan na hihingin mo ang tulong niya para masolusyonan ang problema.
Dapat daw ay mag-partner kayo sa problemang kinahaharap ng anak. Lalo pa’t ang guro ang kasama niya araw-araw sa paaralan.
3. Huwag diktahan ang anak sa paggawa ng homework niya. Hayaan siyang gawin ito sa oras na komportable siya.
“Some kids like to do their work immediately when they get home from school, some don’t. While some kids crazily enough like to do it really, really early in the morning”, pahayag ni Lahey.
Kaya naman mahalagang hindi pangunahan ng magulang ang anak sa paggawa ng homework niya. Sa halip ay tulungan ang anak sa pagbibigay ng komportableng lugar na kung saan maaring magawa ang homework niya.
Mas mabuti rin daw tanungin ang anak kung anong gusto niya sa paggawa ng homework niya. Ito ay para maramdaman niya na may kontrol siya sa kaniyang ginagawa. At hindi siya maiistress o mape-pressure sa paggawa ng homework niya.
4. Ipaliwanag sa anak bago pa man magsimula ang klase kung ano ang kahalagahan ng paggawa ng homework niya.
Ayon kay Lahey, mahalagang mai-set ang expectations ng anak sa paggawa ng kaniyang homework bago pa man magsimula ang pagpasok niya sa school. Dapat niyang maintindihan ang kahalagahan ng paggawa nito.
Hindi rin daw dapat kinokorek o itinatama ng magulang ang homework ng anak lalo na ang gawin ito.
Dapat daw ay hayaan ang anak na gumawa ng homework niya at ipaubaya sa kaniyang guro ang pag-checheck at pagtatama rito.
Ito ay para matukoy ng guro kung ano pa ang dapat i-improve ng anak na maiapply niya sa kaniyang pagtuturo.
“If parents are fixing homework for us, the kid never really gets to feel competent because the parent’s the one fixing it and they really need to feel invested and connected to the material”, dagdag pa ni Lahey.
Panghuling paalala ni Lahey, mahalagang hayaan ang mga bata na matuto sa kanilang pagkakamali. Dahil sa kinalaunan ito ang magmomotivate sa kanila para mas matuto at pagbutihin pa. Mahalaga lang na sila ay gabayan at suportahan sa paraang mas makakapag-inspire sa kanila na mag-aral ng mabuti dahil sa mga taong naniniwala sa kakayahan niya.
Source: CNN Health
Photo: Freepik
Basahin: STUDY: Sobrang paggamit ng social media, nakakasama raw sa mga kabataan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!