Trending ngayon ang isang short film na pinamagatang “KPL (Kung Puwede Lang)” tungkol sa estudyante na nagkaroon ng monologue kung bakit siya walang naipasa na takdang aralin. Bagaman comedy talaga ang video, may mga naipunto ang nag-aalburoto na teenager. Tanong niya sa kaniyang guro: “Pagkatapos ng klase mo, ikaw pa rin iniisip namin? Gusto mo pag-uwi namin student pa rin kami? Bawal ako maging ate? Bawal ako maging anak? Kapatid?” Dapat nga bang tuluyan nang magkaroon ng no homework policy?
No homework policy
Sa kasalukuyan, pinapatupad ng Department of Education (DepEd) ang no homework policy kapag weekend lamang. Sakop ng polisiyang ito ang mga elementary students sa public schools.
Ayon sa direktiba ng departamento: “No homework/assignment shall be given during weekends for pupils to enjoy their childhood, and spend quality time with their parents without being burdened by the thought of doing lots of homework.”
(Hindi maaaring bigyan ng takdang aralin ang mga estudyante sa katapusan ng linggo upang matamasa nila ang pagiging bata at magkaroon ng oras para sa kanilang mga magulang nang hindi inaalala ang pag-gawa ng maraming takdang aralin.)
Nasa desisyon naman ng pamunuan ng mga private schools kung ipapatupad din nila ito. Ngunit ayon sa presidente ng Federation of Assocations of Private Schools and Administrators (FAPSA) na si Eleazardo Kasilag, hindi sila sang-ayon na ipatupad ito sa mga pribadong paaralan.
Para sa kanila,“Weekends are considered part of their school days. There are lots of school vacation which include two-week semestral break, one week Christmas break, two months summer break and typhoon breaks.” (Bahagi ng mga araw ng pag-aaral ang katapusan ng linggo. Maraming bakasyon ang mga eskwelahan, kabilang na dito ang dalawang linggong sembreak, isang linggong bakasyon tuwing Pasko, dalawang buwan na bakasyon tuwing tag-init, at mga nasususpindeng mga klase dahil sa mga bagyo.)
Benepisyo ng dagdag na oras
Ayon sa pag-aaral ni Dr. Harris Cooper ng Duke University, sa 180 na research studies na inaral niya, wala raw ebidensya na nakakabuti ang mga takdang aralin sa academics ng mga estudyante sa elementarya. Bagkus nagdudulot pa raw ito ng mga problema sa mga bata—katulad ng negatibong pananaw tungkol sa eskwelahan at nagiging sanhi ng tensyon sa magpapamilya.
Dagdag pa nito na ang benepisyo ng homework ay nakadepende sa edad ng mag-aaral. Ang mga nakakatamasa ng benepisyo mula sa homework ay ang mga nasa high school ngunit hindi rin daw dapat subsob ang mga bata sa pag-aaral. Ngunit ang higit sa dalawang oras na homework ay nakakasama rin daw sa estudyante.
Kapag may homework daw kasi, ang magulang ang nagiging masama sa paningin ng mga bata dahil ang mga ito ang naatasan upang magpa-alala sa mga bata na gawin ang kanilang mga takdang aralin. Nagreresulta ito sa pagtatalak ng nanay at pagiging reklamador ng mga bata.
Ang pagbibigay ng homework ay pagnanakaw ng oras. Oras sana na makasama ang pamilya, makapaglaro, makapahinga, makalabas, at makatulog nang mahimbing.
Ayon sa manunulat ng “It’s OK to Go Up the Slide” na si Heather Shumaker, kung nais daw natin na maging mas magaling ang anak natin sa eskwelahan, dapat paglaanan daw ito ng sapat na oras sa pag-tulog. Ang pag-tulog ay nabibigay sa atin ng pokus atmagandang memorya.
Sa puntong ito, tugma ang sinasabi ng manunulat ng artikulo sa ideya ng DepEd, ngunit kulang pa ang no homeowrk policy tuwing weekend. Ayon kay Heather, kailangan na wala talagang ibigay na homework. Period.
“It’s time to stop a practice that doesn’t work. It’s time to think, question, examine the research and, for kids’ sake, ban elementary school homework.” (Kailangan ihinto na ang nakaugalian na mga polisiya. Panahon na upang mag-isip, kumwestiyon, at suriin ang mga pag-aaral. Itigil na nang tuluyan ang pagbibigay ng homework para sa kapakanan ng mga bata.)
SOURCES: ABS-CBN News, Journal
Basahin: STUDY: Sobrang daming homework, nakakasama sa mga bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!