Normal na timbang ng isang buntis, bakit nga ba mahalagang panatilihin?
Sa bawat pagbubuntis ay normal lamang na madagdagan ng timbang ang isang babae. Dahil kinakailangan niyang kumain ng mas marami para sa dinadala niyang sanggol.
Ngunit, magkaganoon man ay kailangan niya pa ring panatilihin ang normal na timbang ng isang buntis. Upang maiwasan niya ang obesity o ang pagkakaroon ng labis na timbang na may masamang epekto sa kaniyang pagdadalang-tao.
Maaari ring magkaroon ng epekto sa kaniyang dinadalang baby kung sobra-sobra ang kaniyang timbang. Kaya naman mahalaga kung ano ba ang tamang timbang ng isang babaeng buntis.
Sa ganitong paraan maiiwasan ang mga komplikasyon sa pagbubuntis at panganganak. Alamin ang lahat patungkol sa tamang timbang ng buntis dito.
Epekto ng obesity sa buntis
Ayon sa CDC o Center for Disease and Prevention Control, ang isang tao ay maituturing na obese kung siya ay may BMI o body mass index na 30 o higit pa.
Ito ay nangangahulugan na sobra ang taba sa kaniyang katawan na hindi angkop sa current height at weight. Isang palatandaan na makararanas ng problemang pangkalusugan.
Kaya naman mahigpit na ipinapaalala ng mga doktor sa mga buntis na iwasang masyadong tumaas ang kanilang timbang. O maging obese na may masamang maidudulot sa kanilang pagbubuntis.
Base sa impormasyon mula sa Mayo Clinic, ilan sa maaaring maging epekto ng pagiging obese sa pagbubuntis ng isang babae ay ang pagtaas ng tiyansang makaranas ng sumusunod na kondisyon:
- Miscarriage o stillbirth
- Gestational diabetes
- Preeclampsia
- Cardiac dysfunction
- Sleep apnea o pagtigil ng hininga habang natutulog
- Hirap sa panganganak
- Panganganak sa pamamagitan ng cesarean section delivery
- Pagkakaroon ng mas malaking sanggol kumpara sa normal o fetal macrosomia
- Pagtaas ng tiyansa ng sanggol na makaranas ng metabolic syndrome at childhood obesity
- Birth defects sa sanggol
Kaya naman, para maiwasan ang mga nabanggit na kondisyon ay dapat magkontrol ang isang buntis sa kanyang mga kinakain. Importanteng panatilihin ang timbang na angkop sa kanyang katawan.
Normal na timbang ng isang buntis
Ayon sa health website na WebMD, ang isang buntis na may taglay na average weight o BMI na 18.5-24.9 ay dapat madagdagan ang timbang ng 25 to 35 pounds habang nagbubuntis.
Habang ang mga underweight woman o may BMI na 18.5 pababa ay dapat tumataba ng 28-40 pounds habang buntis. At ang mga overweight naman o may BMI na 25.0-29.9 ay dapat 15-25 pounds lang ang naidadagdag sa timbang habang nagbubuntis. Kung obese naman at may BMI na 30 pataas ay dapat 11-20 pounds lang ang idinaragdag na timbang habang nagbubuntis.
Samakatuwid ay dapat 2-4 pounds lang ang naidaragdag sa timbang ng isang babae sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis. At isang pound sa kada linggo habang nagpapatuloy ang pagbubuntis.
Maliban na lang kung kambal ang ipinagbubuntis na kung saan kailangan madagdagan ang timbang ng isang babae ng 35-45 pounds. Ito ay katumbas ng pangdaragdag ng 1 ½ pounds sa kada linggo ng pagbubuntis.
Dagdag pa Dr. Dr. Elizabeth Ifurung Gonzales, isang OB-Gyne sa Makati Medical Center, hindi lahat ng buntis din ay may pare-parehas ng laki ng tiyan. Nakadepende rin ito sa kanilang pangangatawan.
Payo niya,
“Kaya dapat mayroonn kang check-up sa doctor mo. Kasi sinusukat ng doctor ang tiyan ng mommy. Pero meron naman may mga overweight, before pregnancy pa.
Kaya tingin nila malaki tiyan nila. May iba naman, balingkinitan kaya hindi obvious tiyan. Sinusukat kasi ‘yan.”
Saka hindi rin ibig sabihin na malaki ang tiyan ng buntis ay overweight na siya o kaya naman malaki rin ang kaniyang baby. Ayon kay Dr. Gonzales kailangang 1 pound ang madadagdag sa timbang ng isang buntis kapag nasa second trimester na siya.
Paliwanag pa niya kapag payat ang isang buntis mas malaki ang weight gain niya. At kapag medyo mabigat ang timbang ng buntis ay hindi ganoon kalaki ang weight gain niya.
“Dapat pag normal ang bmi mo dapat, So ‘pag mas malaki dapat mas maliit.”
Ngunit paano nga ba mapapanatili ang normal na timbang ng isang buntis? Narito ang mga dapat gawin.
8 tips kung paano mapapanatili ang normal na timbang ng isang buntis
-
Magpakonsulta ng regular o nasa tamang oras
Para masiguradong nasusubaybayan ang timbang mo at ito ay nasa tama at angkop sa iyong BMI, dapat magpa-checkup ng regular habang nagbubuntis.
Para malaman ang mga pagkaing ligtas at healthy sa iyong pagbubuntis ay magtanong sa iyong doktor o dietician tungkol dito. At laging tandaan na kailangan mo ng dagdag na folic acid, calcium, iron at iba pang essential nutrients sa iyong diet.
-
Umiwas sa pagkain ng mga pagkaing mataas ang fat contents
Sa pagkain sa fastfood, iwasan ang kumain ng french fries, mozzarella sticks, o breaded chicken patties. Sa halip ay kumain ng pagkaing mas mababa ang fat contents tulad ng broiled chicken breast sandwich na may gulay at walang sauce. O kaya naman ay salad na may low-fat dressing.
-
Iwasan ang mga whole milk products
Sa iyong pagbubuntis ay kailangan mo ng at least four servings ng milk products araw-araw. At makabubuti ang paggamit ng skim milk para makaiwas sa calories at fats na hindi healthy sa iyong pagbubuntis. Pati na ang pagkain ng low-fat o fat-free na cheese o yogurt.
-
Limitahan ang pag-inom at pagkain ng matatamis
Imbis na uminom ng sweetened drinks tulad ng soft drinks, fruit drinks at iced tea ay uminom na lang ng tubig na mas makakabuti sa iyong katawan.
Limitahan din ang mga matatamis na pagkain tulad ng cookies, donuts at cakes. At sa halip ay kumain ng fresh fruits at iba pang healthy dessert choices.
-
Huwag nang magdagdag ng asin sa iyong pagkain
Dahil ang asin o maalat na pagkain ay mas nagdagdag ng pangangailangan ng iyong katawan ng tubig.
-
Lutuin ang pagkain sa malusog na paraan
Umiwas sa paggamit ng mga ingredients sa pagluluto na may taglay na fats. Tulad ng cooking oils, margarine, butter, gravy at mga salad dressings o food sauce. At sa halip na kumain ng fried foods, ay i-bake, grill o pakuluan na lang ang pagkain para hindi na gumamit ng mantika sa pagluluto.
-
Mag-exercise o maging physically active
Ang pag-eexercise ay mabuti sa pagbuburn ng calories ng mga buntis. Ngunit dapat ay magtanong muna sa iyong doktor ng mga uri ng exercise na safe sa iyo. Pero ilan sa ipinapayong ligtas na exercise para sa mga buntis ay ang paglalakad at pag-swiswimming.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!