Organ harvesting in the Philippines sa pamamagitan ng pangingidnap, fake news daw ayon sa PNP.
Muling pinagdiinan ng Philippine National Police na hindi totoo ang kumakalat na balita tungkol sa organ harvesting in the Philippines. Ang balita ay kumalat sa social media na kung saan nagdulot na ng panic at takot sa mga kabataan lalo na sa mga magulang nila.
Organ harvesting in the Philippines
Ayon sa nag-viral na FB post, may mga kumakalat daw na kidnappers sa ka-Maynilaan na sakay ng puting van. Ang modus daw ng mga ito ay magtatanong o makikipag-usap sa makikitang bata sa daan saka biglang isasakay sa kanilang sasakyan. Saka daw nila kukunin at ibebenta ang internal organs ng mga biktima.
Isa nga sa sinasabing biktima ng modus na ito ay ang sampung taong gulang na si Melvin. Siya ang batang lalaki na tampok naman sa isang viral video na tungkol parin sa kidnappan. Sa video ni Melvin ay sinabi niyang kinidnap siya umano ng anim na lalaki saka kinuha ang kaniyang lamang-loob. Kapani-paniwala ang pahayag ng bata sapagkat mayroon itong mga tahi-tahi sa tiyan. Pero ilang araw matapos mag-viral ang video ni Melvin ay pinabulaanan niyang hindi totoo ang mga sinabi niya dito. Kaniya itong ginawa sa harap ng PNP San Jose, Bulacan kasama ang kaniyang ama.
Fake news!
Paliwanag ng ama ni Melvin na si Rodolfo, naglayas umano ang kaniyang anak. Pangatlong beses na ngang naglayas ito, nito lamang Nobyembre 14. Kinabukasan ay nakauwi naman daw agad ito sa kanilang bahay sa Sapang Palay, Bulacan. Sa tulong ng mga concerned citizens na nakakita sa kaniya.
Ayon kay Melvin, nagawa niya lang daw sabihin na na-kidnap siya at kinuha ang lamang-loob niya para siya ay makauwi na.
Kwento naman ng ama ni Melvin na si Rodolfo, ang mga tahi sa tiyan ng kaniyang anak ay dulot ng operasyon nito sa sakit na appendicitis. At humihingi siya ng tawad sa nagawa nito.
“Patawarin ninyo ho ang ginawa ng anak ko, hindi totoo yun. Ang anak ko po naoperahan yan. Humihingi na po kami ng pasensya sa lahat ng naabala sa sinabi ng anak ko hindi po siya nadukot.”
Ito ang pahayag ng ama ni Melvin.
Dahil dito ay mariing inulit ng PNP na fake news ang balita ng kidnappan na kumakalat sa social media.
“Malinaw po na yung lumalabas sa social media ay fake news. Talaga yung bata po ay hindi naman nadukot o natanggalan ng internal organs. Kaya dapat po hindi rin dapat ina-upload basta-basta.”
Ito naman ang pahayag ni PLtcol Orlando Castil Jr. ng San Jose Del Monte PNP.
Ano ang dapat gawin kapag naglayas o nawawala ang isang bata?
Para sa mga magulang, hindi imposibleng maging biktima ng masasamang loob ang inyong mga anak kung sila ay nasa labas o naglayas. Kaya naman ay dapat doble ang inyong pagbabantay sa kanila para ito ay maiwasan.
Sa oras naman na biglang mawala o maglayas ang iyong anak ay dapat agad makipag-ugnayan sa awtoridad makalipas ang 24-oras na hindi parin ito nakikita o nakakabalik. Dahil sa mga oras lang na ito maari siyang ideklarang “missing”.
Makakatulong rin ang agad na pakikipag-ugnayan sa DSWD sa oras na may nawawalang bata. Dahil tulad ng PNP, sila ay mas may kakayahan magsagawa ng paghahanap sa tulong ng kanilang mga opisina sa iba’t-ibang lugar.
Para naman sa mga makakakita ng mga batang naglayas o nawawala, mabuting dalhin sila agad sa pinakamalapit na istasyon ng pulis o kaya sa pinakamalapit na DSWD center na maaring makatulong upang sila ay makauwi sa kanilang pamilya.
Source:
ABS-CBN News, DSWD
BASAHIN:
Warning sa mga magulang: May bagong kidnapping modus!
Isang babala ng tatay matapos muntik ma-kidnap ang anak dahil sa social media
Gumagamit din ba ng Tiktok ang anak mo? Alamin kung gaano ka-safe ito para sa mga bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!