Malapit na ba ang due date mo, Mommy? Aralin mo na kung paano bilangin ang contractions.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano bilangin ang contractions?
- Pagkakaiba ng totoong contraction sa Braxton-Hicks
- Anong pwedeng gawin kapag nagsimula na ang labor?
Habang papalapit ang iyong due date, dumarami rin ang mga senyales na nararamdaman mo na nagsasabing malapit ka nang manganak. Nariyan ang pagbaba ng tiyan, pag-ikot ni baby at pagkakaroon ng contractions.
Sa puntong ito, importanteng alamin mo kung gaano kadalas ang contractions na nararamdaman. Kung marunong ka nito, mas mapapadali para sa iyong doktor na malaman ang oras o araw ng iyong panganganak, at mas mapaghahandaan mo rin ang panahong ito.
Pero bago natin ito pag-usapan, alamin muna natin kung ano ang contractions at kung paano malalaman kung nagsisimula na ang labor.
Paano bilangin ang contractions? | Image from Shutterstock
Ano ang contractions? Mga dapat tandaan
Nagsisimula ang tunay na pagsubok ng labor kapag lumabas na sa uterus ang sanggol.
Alam mong malapit ka nang manganak kapag sunod-sunod na ang iyong contraction na nagdudulot sa iyong cervix na bumukas. Habang ang muscles ng iyong uterus at maninikip tapos biglang luluwag.
BASAHIN:
Anong pinagkaiba ng Braxton Hicks sa Totoong Labor?
#AskDok: Bakit naninigas ang tiyan ng buntis?
#AskDok: Buntis at lagpas na sa due date ng panganganak, ano ang dapat gawin?
Kadalasan, ang contractions na mararanasan ng buntis ay nagsisimula sa pananakit ng kanilang likod na tutuloy sa tiyan o kaya naman matinding pressure sa kaniyang balakang. Minsan, sasamahan pa ito ng pananakit ng puson gaya ng menstrual o diarrhea cramps.
Ayon kay Dr. Rebecca Singson, isang OB-Gynecologist mula sa Makati Medical Center, malalaman mo na mayroon ka nang contractions kapag napakatigas ng iyong tiyan at hindi mo na ito mapisil.
“Kung napipisil mo ‘yung tummy mo, soft ‘yun. Pero kung kasing tigas ng mesa ‘yung tiyan mo ay contraction ‘yun.” aniya.
Sa unang stage ng labor, nakakaranas ang nanay ng contraction na tumatagal ng 60 hanggang 90 segundo na may pagitan na 15-20 minuto. Habang tumatagal, umiiksi ang contraction pero nagiging mas madalas at mas matindi ang sakit.
Kapag napansin mo na dumadalas at nagkakaroon na ng pattern ang paninikip ng iyong tiyan, panahon na para bilangin ang mga contractions.
Paano bilangin ang contractions?
Mas maganda kung mabibilang mo ang contractions sa oras na nagsimula ito. At mas maganda rin kung tutulungan ka ng iyong partner sa misyong ito.
Isa sa pinakamadaling paraan ng pagbibilang ng contractions ay ang paglista nito sa isang papel. Isulat kung kailan naramdaman ang paninigas at ilang segundo ang itinagal nito.
Paano bilangin ang contractions? | Image from Shutterstock
Isulat kung kailan nagsimula ang unang contraction at kailan nagsimula ang kasunod. Bilangin at isulat ang mga contractions sa loob ng isang oras at pansinin kung mayroon kang pattern na makikita.
Ayon kay Doc Becky, may tatlong bagay na dapat tandaan sa pagbibilang ng contractions – ang oras, kung gaano kadalas, at kung gaano katagal ito. Narito ang kaniyang paliwanag:
“I always tell my patients that there are 3 things that you need to remember – time, interval and duration.
Pina-plot ko ‘yan. What is interval, kapag nag-contract ‘yan titigas-titigas-titigas, lalambot-lalambot-lalambot. So from the beginning of the contraction to the beginning of the next contraction, interval ‘yun.
Pero from the beginning of one contraction to the end of the same contraction that’s duration. So ipa-plot mo time, interval, duration.”
Para sa tradisyonal na paraan ng pagbibilang ng contraction, nariyan naman ang 5-1-1 rule. Ito ay kapag nararamdaman ang contraction bawat limang minuto. Minsan ay diretso at walang palya itong nararanasan sa loob ng isang minuto.
Sumang-ayon naman si Doc Becky sa ganitong paraan. Para sa kanya, kapag umiksi na ng bawat limang minuto ang pagitan ng contractions at tumatagal ito ng higit sa isang minuto, oras na para pumunta sa ospital.
“Kapag dumating na ‘yung gabi, alas 7:00 na ng gabi tapos 7:05, from 7:00 o’clock to 7:05 na ‘yung next contraction so 5 minutes na lang ‘yung interval.
Then ‘yung duration nag-more than 60 seconds na. Iyan ang sinasabi kong its the time to go to the hospital. Kapag every 5 minutes ‘yung contraction at lasting ng 1 minute its time to go to the hospital na yan.” paliwanag niya.
Nirerekomenda naman ng ibang eksperto ang 4-1-1 rule o kaya naman 3-1-1 rule.
Tandaan na ang bawat pagbubuntis ay magkakaiba. Minsan, kailangan mong pagkatiwalaan ang iyong instinct. Kung mayroon kang nararamdamang mali o kakaiba, huwag magdalawang-isip na tawagan ang iyong doktor.
Bakit kailangang bilangin ang contractions?
Isa sa pangunahing benepisyo ng pagbibilang ng contractions ay malalaman mo ang pagkakaiba ng true at false labor contraction. Gayundin, malalaman mo kung nasaang stage ng labor ka na at kailan dapat pumunta ng ospital.
Ang pagbibilang ng contractions ay mainam na paraan para matukoy kung ang buntis ay nagsisimula nang maglabor o hindi pa. Tandaan, hindi lahat ng contractions ay senyales ng panganganak.
Pagkakaiba ng totoong contraction sa Braxton-Hicks
Kapag nagsimula na ang iyong ikatlong, trimester, maaari kang makaramdam ng paninikip at paninigas ng tiyan na may pagkatulad sa sintomas ng labor o totoong contractions. Tinatawag itong Braxton-Hicks contraction.
Pero paano mo nga ba malalaman kung ano ang pagkakaiba ng dalawa?
Ayon kay Doc Becky, ang pangunahing pagkakaiba ng Braxton-Hicks sa totoong contraction ay walang sakit na mararamdaman sa nauna. Gayundin, hindi ito nagdudulot ng pagbuka ng cervix.
“One of the differentiating factors is, Braxton Hicks should not be painful. Kapag painful, baka preterm labor ‘yan, Pangalawa ,it should not lead to cervical dilatation. Kasi kung nag-oopen ‘yung cervix, aba ay labor na ‘yan.”
Dagdag pa niya, ang tunay na contractions ay tuloy-tuloy ang paghilab ng tiyan at hindi nawawala kahit mag-iba ng posisyon ang buntis.
“Yung Braxton-Hicks, it happens usually kapag nag-change ng position si Mommy, tumayo or humiga magkocontract si uterus. It is usually an isolated contraction. Hindi siya yung tuluy-tuloy na may regularity. Kung may regularity especially kapag more than 2 in 30, minutes hindi na yun normal. Baka contractions na yan talaga.” aniya.
Bukod dito, ang totoong contraction ay mas sumasakit habang tumatagal, at ang false contractions ay humihina.
Sa Braxton-Hicks contraction, walang nabubuong pattern ang paninikip ng tiyan. Pero kung nagsimula na ang totoong labor, mapapansin mong may nabubuong pattern ang iyong contractions. Ito ang dahilan kung bakit importanteng malaman kung paano bilangin ang contractions.
Paano bilangin ang contractions? | Image from Shutterstock
Mga senyales na nagsimula na ang labor at stages nito
Ang pagkakaroon ng totoong contractions ang isa sa mga unang senyales na nagsimula na ang labor. Kaya kapag naranasan na ito, patuloy na bilangin ang contractions at bantayan rin ang mga sumusunod na sintomas:
- Pagputok ng panubigan
- Pagbaba ng sanggol sa cervix
- Paglabas ng mucus plug
- Pagluwang ng cervix
Sa puntong ito, makakatulong na alamin ang tatlong stage ng labor:
- Kasama sa unang stage ang pagsisimula ang contraction at pagbuka ng cervix hanggang fully-dilated na ito.
- Ang pangalawang stage naman ay kapag handa na ang iyong katawan na mag-push. Dito mo mararamdaman ang sanggol na malapit na sa iyong birth canal. Makakaramdam ka pa ng malalakas na contractions hanggang sa maipanganak mo na si baby.
- Kapag nailabas mo na si baby, nagsisimula na ang huling stage ng labor kung saan ilalabas ang iyong placenta. Maaari ka pa ring makaramdam ng mahihinang contractions sa panahong ito pero hindi na ito masakit.
Ito ang dapat gawin kapag inabutan ka ng labor sa bahay
Ayon nga kay Doc Becky, kapag nalalapit na ang pagitan at tumatagal na ang iyong contractions, oras na para pumunta sa ospital.
Sabihin nating nagsimula ka nang makaramdam ng contractions at nasa bahay ka pero hindi pa oras para pumuntang ospital. Ang una mong dapat gawin ay ang kumalma at huwag mag-panic!
Narito ang ilang bagay na kailangan mong tandaan kapag naramdaman mong nagsisimula na ang labor:
- Mag-practice ng light breathing – makakatulong ito kapag kailangan mo nang mag-push.
- Makinig ng nakakarelax na tugtog
- I-double check ang iyong hospital bag at tingnan kung wala ka bang nakalimutang mahalaga
Mas makakabuti kung makakarating ka na ng ospital bago magsimula ang pangalawang stage ng labor.
Sa paglapit ng iyong due date, kailangan ihanda hindi lang ang iyong sarili kundi pati na rin ang iyong pamilya. Bantayan ang senyales ng panganganak at maging kalmado.
Source:
Sutter Health, Mayo Clinic
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Translated in Filipino by Mach Marciano
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!