Paano ipapaliwanag ang COVID sa bata, ito rin ba ang pinoproblema mo ngayon Mommy? Puwes simulan ng ipaintindi sa iyong anak ang tungkol sa kumakalat sa sakit sa pamamagitan ng mga paraan na ito.
Paano ipapaliwanag ang COVID sa bata
Malaking pagbabago ang idinulot ng coronavirus diseases o COVID-19 sa buhay nating mga Pilipino. Tulad ng maagang pagtatapos ng klase ng mga estudyante at biglaang pagsasara ng mga establisyemento sa Maynila. Malamang ay nagtataka ang iyong anak sa mga pangyayaring ito. Dagdag pa ang mga balita sa telebisyon at social media na patungkol lagi sa kumakalat na sakit. Kaya naman upang maliwanagan ang iyong anak tungkol rito ay narito kung paano ipapaliwanag ang COVID sa bata na maiintindihan niya.
Ayon kay Dr. Archana Chatterjee, isang pediatric infection disease specialist, ang pagpapaliwanag sa bata tungkol sa coronavirus ay nakadepende sa edad at cognitive level niya. Sa mga maliliit na bata, maaring sabihing ito ay isang uri ng germs na nagdudulot ng malalang sakit lalo na sa mga matatanda at mahina ang pangangatawan. Habang para sa mas malalaking bata ay maari ng ipaliwanag kung gaano ka-delikado ito para sa mga may iniinda ng iba pang karamdaman.
“This depends on the age/cognitive level of the child. For very young children or those with impaired cognitive abilities, I would just say that this is a germ that can make some people, mostly those who are old or have other illnesses very sick. Other people may have a cold-like illness, if infected. For older children, the message is essentially the same, but can be expanded a bit to include an explanation of how underlying illnesses can make the virus more serious.”
Ito ang pahayag ni Dr. Chatterjee na nagmula sa Sanford Health, Sioux Falls, South Dakota.
Pero upang mas epektibong maipaliwanag ang kumakalat na sakit sa iyong anak, ay may mga paraan kang dapat isaisip sa kung paano ipapaliwanag ang COVID sa bata. Ang mga paraang ito ay ang mga sumusunod:
1. Mag-simula sa kung ano ang nalalaman niya.
Para malaman mo kung saan ka magsisimula ay tanungin ang iyong anak sa kung ano na ang nalalaman niya tungkol sa sakit. At kung ano ang tingin o reaksyon niya tungkol rito. Saka itama ang mali niyang paniniwala at ibahagi sa kaniya ang mahahalagang impormasyong dapat niyang malaman tungkol sa sakit. Tulad nalang sa kung paano makakaiwas at magiging ligtas mula rito.
2. I-validate ang kanilang nararamdaman at i-offer ang iyong suporta.
Ipaalam sa iyong anak na normal lang na matakot siya sa nangyayaring mabilis na pagkalat ng COVID-19. Pati na ang epektong idinudulot nito sa kaniyang paligid. Ngunit ipaalala sa kaniya na ito ay isang sitwasyon na matatapos at lilipas rin. At muling magbabalik sa dati at normal ang lahat. Hindi rin siya dapat mag-alala dahil marami namang maaring tumulong sa kaniya. Tulad mo, mga doktor, scientist, guro at iba pang miyembro ng inyong pamilya.
3. Bigyan sila ng sense of control.
Ipaliwanag rin sa kaniya na mahalaga ang ginagampanan niyang papel upang maging ligtas siya mula sa sakit. Ganoon rin para sa mga taong malalapit sa kaniya. Ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga paraan upang makaiwas na mahawa at maihawa ito sa iba. Gaya ng madalas na paghuhugas ng kamay. Pagtakip ng bibig sa tuwing umuubo at umaatsing. Pag-iwas na humawak sa kaniyang mukha, mata. ilong at bibig hangga’t maari. Hindi muna paglapit sa iba lalo na ang paghalik, pagyakap at pakikipag-kamay. At ang pananatili lang sa loob ng bahay hanggang sa matapos na ang paglaganap ng virus sa inyong lugar.
Turuan rin siya ng iba pang simpleng bagay na maari niyang gawin upang maging malakas laban sa sakit. Tulad ng pagkain ng prutas at gulay. Pagtulog sa tamang oras at pag-eexercise na maaring gawin sa loob lang ng bahay.
4. I-encourage siyang makipag-communicate o sabihin ang kaniyang nararamdaman.
Mahalagang i-encourage ang iyong anak na sabihin ang kung anumang kaniyang nararamdaman. Dahil sa kasalukuyang paglaganap ng sakit ay dapat mabantayan ng maaga ang sintomas ng COVID-19 upang maiwasan ang paglala nito. Tulad ng ubo, sipon, lagnat at hirap sa paghinga na pangunahing palatandaan ng coronavirus disease.
Upang ma-encourage ang iyong anak na makipag-communicate sayo ay purihin siya sa tuwing ginagawa niya ito. Kahit sa maliliit na bagay o pagkakataon na kung saan ini-express niya ang kaniyang concerns at feelings. Ipaalam rin sa kaniya na ikaw ay handang makinig at maging tapat sa iyong mga sasabihin o isasagot sa kaniya. Para siya ay mas maging komportable at kumpyansa sa pakikipag-usap sayo.
Ang mga ito ay mga tips lamang sa kung paano ipapaliwanag ang COVID sa bata. Ikaw parin ang higit na nakakaalam sa kung paano ipapaliwanag ito sa iyong anak sa paraang maiintindihan at makaka-relate siya.
SOURCE: Sanford Health
BASAHIN: Pre-natal Visit: Mga dapat gawin para magiging safe sa COVID-19
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!