Paano nga ba kumuha ng NBI clearance? Narito ang isang guide para sa inyo.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang NBI Clearance?
- Saan magagamit ang NBI Clearance?
- Paano kumuha ng NBI clearance online?
Pinasimple na ang pagpoproseso ng NBI Clearance para sa mga bagong kukuha nito at sa mga magre-renew. Aabutin na lamang ito ng ilang minute sa pag-a-apply.
Hindi na ito katulad dati na ang paraan ay personal na pagpaparehistro at pagpoproseso na kung saan umaabot ng ilang oras. Alamin dito kung paano ito dito.
Ano ang NBI Clearance?
Ang NBI Clearance ay isang uri ng papeles na iniisyu ng gobyerno na ibinibigay ng National Bureau of Investigation (NBI). Ito ay nagpapatunay ng pagkakakilanlan at criminal background ng isang tao.
Sa panahon ngayon, ang NBI Clearance ay maaari ng maproseso sa pamamagitan ng online website at hindi na katulad noon na kakailanganin pang pumila ng pagkatagal-tagal.
Saan magagamit ang NBI Clearance?
Sa Pilipinas, ang NBI Clearance ay isa sa pinakaimportante at kinakailangang dokumento maging pampubliko man o pampribadong ahensya. Ito ay magagamit sa iba’t ibang paraan at mapapadali ang pagpoproseso sa mga bagay tulad ng:
-
Patunay ng pagkakakilanlan
Maaari ito gamitin bilang valid ID para sa mga nagbabalak na kumuha ng Driver’s License, Professional Licences, at iba pang mga dokumento na nais kuhanin ng mga Pilipino.
-
Paghahanap ng trabaho
Karamihan ng mga kumpanya sa Pilipinas ay humihingi ng pinakabagong NBI Clearance. Sa ganoon, makumpirma ang pagkakakilanlan ng aplikante maging ang criminal history nito.
-
Pag-aayos ng mga legal na dokumento
May oras pa rin na ang ilan sa ating mga legal na dokumento ay nagkakaroon ng pagkakamali sa mga impormasyon. Tulad na lamang ng pangalan, kasarian, lugar ng kapanganakan at iba pa.
Sa pamamagitan ng NBI Clearance ay maaaring mag-request na itama ito.
-
Para sa mga nais pumunta sa ibang bansa (para magbakasyon o magtrabaho)
Sa mga nagbabalak na mangibang bansa maging para sa trabaho man o bakasyon, ang mga embahada ng ibang bansa ay inaabisuhan ang mga tao na magsumite nito para maisyuhan ng travel o working visa.
Mga kinakailangan sa pagkuha ng NBI Clearance ngayong 2021
Narito ang ilan sa mga kailangang requirements sa kung paano kumuha ng NBI clearance. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- 2 valid ID
- Passport
- PhilSys ID o Philippine National ID
- Birth Certificate Authenticated ng PSA
- at iba pa
- NBI Clearance Online Appointment
- Personal na pagpunta sa NBI Clearance Branch
Paano kumuha ng NBI clearance online?
1. Para sa unang beses na kukuha ng NBI Clearance o magre-renew, i-type lamang sa iyong browser ang web address na https://clearance.nbi.gov.ph/.
2. Kung mayroon ng account, magsign-in lamang gamit ang email address at password. Para naman sa mga bago at wala pang account.
I-check ang “NO” sa kahon sa katabi ng tanong na “DO YOU HAVE AN NBI CLEARANCE ISSUED FROM 2014 TO PRESENT?”. Sagutan lamang ang mga kinakailangang impormasyon.
Tandaan na sinusunod ng NBI ang “one email = one user” policy. Kaya’t gumamit lamang ng isang email sa pagsign-in at paggawa ng bagong account.
Siguraduhin din na tama at kumpleto ang lahat ng personal na impormasyong ilalagay bago pindutin ang kahon na “Read and Accept Terms of Services.”
Pindutin ang “SIGN UP” at pagkatapos ay ilagay ang One-Time Password na ipinadala sa iyong mobile number o email address. Kapag nailagay na ang password ay i-click ang submit.
Magsign-up sa iyong account gamit ang email at password na inilagay sa pagre-register.
3. Pagkatapos masign-in ay mapupunta sa NBI Clearance Online Application Form. Dito makikita ang mga naunang inilagay na impormasyon sa pagrerehistro ng account.
At kailangang kumpletuhin ang iba pang personal na detalye tulad ng middle name, civil status, birthplace, address, at iba pa. Ilagay ang lahat ng hinihinging impormasyon at iwasan ang paggamit ng mga bantas tulad ng kuwit at tuldok habang nagsasagot.
4. Kung tapos ng sagutan, pindutin ang “SAVE INFORMATION”. Lalabas ang lahat ng iyong sinagot upang matignan kung tama ang mga pinunang sagot. Kung may nakitang mali ay pindutin ang “CLOSE” at kung wala naman ay pindutin ang “SUBMIT”.
5. Matapos i-save ang mga personal na impormasyon, pindutin ang “Apply for Clearance” na nasa taas ng screen kung gumagamit ng mobile phone at kanang bahagi sa itaas naman kung ang gamit ay desktop o laptop.
Dito ay may lalabas na tanong kung anong klase ng ID at ang ID number. Dito maaaring mong dalhin bilang katunayan sa araw ng iyong appointment sa NBI Clearance Branch.
Pagkatapos nito ay pindutin ang “I Agree” at may lalabas na ”Important Reminder” kung saan pipindutin lamang ang “CLOSE”.
BASAHIN:
5 requirements na kailangan sa pagkuha ng birth certificate ni baby
Step-by-step guide sa pag-apply para makakuha ng SSS (Social Security System) ID
Step-by-step Guide on How to Get a Student’s License from LTO
6. Sa susunod na hakbang ay pipili na ng appointment, piliin ang NBI Clearance branch na nais puntahan at pagkatapos ay pumili ng petsa at oras para sa appointment sa nakadisplay na kalendaryo. Tandaan na ang mga kahon lamang maaaring pumili para sa available na slot.
Maaari lamang pumili sa AM at PM, piliin ang pinakaangkop na iskedyul para sayo sapagkat hindi na maaaring palitan o ipa-reschedule ito sa oras na nabayaran na ang NBI Clearance fee.
7. Para sa huling hakbang ng online application, pumili ng paraan ng pagbabayad. Maaaring magbayad sa mga sumusunod: Bank Over The Counter, Online Bank, Bayad Center Outlets, Bayad Center Mobile, ECPay, 7-Eleven, GCash at iba pa.
Pagkatapos pumili ng pamamaraan ng pagbabayad, lalabas ang isang pop-up box na magtuturo kung papaano magbayad sa iyong napiling paraan ng pagbabayad. Pagkatapos basahin ay pindutin lamang ang “PROCEED”.
PAALALA: Lalabas ang kabuuan ng iyong transakyon at ang iyong NBI Clearance Reference Number. Tandaan na mahalagang kuhanan ng litrato o screenshot ang reference number.
Para sa pagbabayad at magsisilbi rin itong gate pass sa pagpunta sa NBI Clearance center. I-click ang “ACCEPT” para matapos ang transaksyon.
8. Ang susunod na kailangang gawin ay ang pagbabayad sa napiling paraan ng NBI Clearance Fee. Pagkatapos bayaran ay tignan ang status ng iyong aplikasyon sa NBI website. Pumunta sa “TRANSACTIONS” kung napalitan na ang “Pending” ng “Paid”.
Maaaring i-print ang iyong NBI Clearance Online Application Form para ipresenta sa NBI Clearance Staff ngunit maaari ring ipakita na lamang ang litrato o screenshot ng reference number.
9. Ang huling hakbang sa pagpoproseso ng NBI Clearance ay nangangailangan ng iyong pagpunta sa napiling branch sa schedule na napili. Ipakita lamang ang dalawang valid ID at ang reference number sa pagpasok.
Pagkakaroon ng status na “Hit”: Ano ito at ang dapat gawin
May dalawang rason kung bakit nagkakaroon ng ‘Hit” status ang isang tao.
Una, ikaw ay may record nang paglabag ng batas
Pangalawa, ang iyong kapangalan ay nagkaroon ng record ng paglabag sa batas.
Ang mga record o impormasyong ito ay tinatawag ring “derogatory records”. Ang ganitong pangyayari ay may negatibong epekto lalo na kung naghahanap ng trabaho ngunit huwag mag-alala kung ang pangalawang rason ang dahilan dahil ika nga nila’y ‘kung walang krimen na ginawa ay huwag mag-alala.’
Saan nanggagaling ang mga datos ng Criminal Record?
- Korte (Municipal Trial Courts, Municipal Trial Courts in Cities, Municipal Circuit Trial Courts, and Regional Trial Courts)
- Ombudsman and Sandiganbayan
- Prosecution Service (City & Provincial – Prosecution Offices)
- Police and Armed Forces of the Philippines records
- Others (Pending Criminal Cases)
Ano ang dapat gawin kng nagkaroon ng “Hit”?
Ang NBI Clearance Quality Control Interview ay isang proseso kung saan mapapatunayan ang pagkakakilanlan ng isang tao sa isang interview. Kinakailangang pumunta sa NBI Office para sa isang appointment.
Ang mga aplikante na may “hit” status ay binibigyan ng lima hanggang sampung araw na paghihintay habang sinusuri kung ang record ay iyo o sa kapangalan. Kung napatunayang hindi sa iyo ang record ay maaaring bumalik sa NBI office upang kumuha ng clearance ng walang ano mang dagdag na babayaran.
Source:
NBI Clearance, ABS-CBN, NBI.gov