Narito ang mga kinakailangang requirements sa pag-aapply ng newborn birth certificate at paano makakakuha ng kopya nito online.
Nalalapit na ba ang due date mo sa panganganak? O kaya naman ay bagong panganak ka ngunit hindi pa nairerehistro ang birth certificate ni baby? Mabuting sa ngayon palang ay asikasuhin na ito.
Dahil napakahalagang dokumento nito na kakailanganin sa mga importanteng yugto ng kaniyang buhay tulad ng pag-aaral.
Ngunit kung walang ideya sa kung ano ang mga requirements para sa application ng newborn birth certificate ay narito ang mga impormasyong dapat mong malaman. Pati na kung paano makakakuha ng kopya ng birth certificate ni baby online.
Requirements sa pag-aapply ng newborn birth certificate
1. Certificate of Live Birth (COLB) Form
Ang unang requirement na kailangang ihanda sa pag-aapply ng newborn birth certificate ay ang nasagutan ng Certificate of Live Birth Form ni baby. Dapat dito ay nakasaad ang tamang impormasyon tungkol kay baby at iba pa. Lalo na ang tamang spelling ng kaniyang pangalan na madalas na nagiging pagkakamali ng marami. Pati ang kaniyang gender at petsa ng kapanganakan.
Para sa mga nanganak o manganganak sa ospital o lying-in centers, ang Certificate of Live Birth Form ay manggagaling mismo sa center o ospital na nagpaanak sayo. Ngunit kung ikaw ay nanganak o nagbabalak manganak sa inyong bahay ay makakakuha ka ng kopya nito mula sa inyong Local Civil Registrar office.
2. Certified True Copy of Marriage Contract/Certificate (For married couples)
Kailangan ring dalhin ang certified true copy ng marriage contract ninyo ni mister o misis kung kayo ay kasal. Ito ay bilang patunay na legal na madadala ni baby ang apelyido ng kaniyang ama.
3. Affidavit of Admission of Paternity at Affidavit to Use the Surname of the Father (For unmarried couples)
Samantala para sa mga mag-partner na hindi kasal ay may mga dokumento ring kailangang ihanda para magamit ni baby ang apelyido ng kaniyang ama. Ito ay ang Affidavit of Admission of Paternity, Affidavit to Use the Surname of the Father at isa pang private handwritten instrument o official document na sulat kamay at pinirmahan ng ama ng iyong sanggol.
4. Valid ID’s
Kailangan ring ihanda ang photocopy ng iyong mga valid ID’s na magsisilbing supporting documents sa pagpaparehistro ng birth certificate ni baby. Ihanda rin ang SSS, PhilHealth at HMO claim forms bilang dagdag na patunay ng iyong pangangak.
5. Certification from the Barangay Captain
Kung ikaw ay nanganak sa bahay ay kinakailangan mo ring humingi ng certification mula sa inyong barangay. Ito ay bilang patunay na ikaw ay nanganak sa nasabing lugar at petsa na patutunayan rin ng midwife o manghihilot na nagpaanak sayo. Ang certification na ito ay hindi na kailangan pa para sa mga sanggol na ipinanganak sa ospital o lying-in clinic.
Pag-rerehistro ng birth certificate ni baby
Kung kompleto ang mga requirements para sa birth certificate ni baby ay dapat na itong madala sa Office of the Civil Registrar ng inyong lugar.
Para sa mga nanganak sa ospital o lying-in ay ginagawa at inaasikaso na ito ng pinag-anakang center o ospital. Ngunit para sa mga nanganak sa bahay ay kailangang personal mong gawin ito. O hindi kaya naman ay ang midwife o manghihilot na nagpaanak sayo.
Mahalagang maipasa ang mga requirements na ito sa Office of the Civil Registrar sa loob ng 30 days pagkatapos maipanganak ang iyong sanggol. Dahil kung lalagpas sa nasabing bilang ng araw ay maituturing ng late registration ang birth certificate ng iyong anak.
Pagkapasa ng mga requirements sa inyong Local Civil Registry Office ay bibigyan ka ng ilang araw para mag-antay sa pag-rerehistro nito.
Sa pagdating ng araw na iyon ay mabibigyan ka na ng certified true copy ng birth certificate ng iyong anak. Ito ay may stamp na patunay na siya ay rehistrado na. At sa loob ng dalawa o hanggang apat na buwan ay maari ka ng makahingi ng authenticated copy nito sa Philippines Statistics Authority o PSA.
Paano makakakuha ng kopya ng newborn birth certificate online?
Maaari ring mag-apply ng birth certificate ni baby online. Gawin ito sa pamamagitan ng sumusunod na paraan:
1. Mag-fillout ng application form online.
Bisitahin ang website ng PSA na https://www.psaserbilis.com.ph/Secure/OnlineApplication.aspx. Mag-fillout ng application form na kung saan hihingin ang mahahalagang impormasyon tulad ng pangalan ni baby, pangalan ninyo na kaniyang mga magulang at iba pang mahahalagang detalye.
Mahalaga rin na mailagay rito kung saan ipapadala o address na kung saan dapat mai-dedeliver ang kopya ng ni-rerequest na birth certificate.
Pati na syempre ang mga numero na kung saan puwede kayong matawagan para sa update at notification tungkol sa inyong application.
2. Magbayad ng application fee sa accredited payment partners ng PSA.
Pagkatapos mag-fillout ng form ay kailangan ng magbayad ng application fee. Ang application fee para sa isang kopya ng birth certificate ay nagkakahalaga ng P330.00. Ito ay maaring mabayaran sa mga sumusunod na accredited payment channels.
Para sa credit card holders maaring magbayad sa mga sumusunod na bangko:
- Banco De Oro branches, BDO online banking at ATM
- UnionBank branches, online banking at ATM
Puwede ring magbayad sa mga branches ng Bayad Centers sa buong bansa.
3. Hintaying ma-deliver ang dokumento.
Pagkatapos magbayad ay hintayin nalang na ma-deliver sa address na iyong nilagay sa application form ang kopya ng birth certificate na iyong ni-request.
Para sa delivery sa loob ng Pilipinas, asahang darating ang dokumento ng 3-13 araw matapos magbayad. Ang tagal ng delivery ay depende sa layo ng iyong address o tinitirhang lugar.
Kung kailangan naman ang dokumento ng rush o sa loob ng 1 hanggang 2 araw ay ipinapayo ng PSA na personal na magpunta sa mga PSA Serbilis Center na pinakamalapit sa inyo.
Para sa delivery abroad o ibang bansa, ang dokumento ay idedeliver sa pamamagitan ng PhilPost mail. At ito ay matatanggap sa loob ng 6-8 linggo matapos ang pagbabayad.
May option din na mapabilis ang delivery sa tulong nga special courier services na ini-ooffer ng PSA.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!