Ang iyong maling pag-aakala sa tamang pagpapalaki ng iyong anak
Lahat tayo ay nais maging mabuting ina o magulang para sa ating mga anak, pero maaring mali na pala ang ating ginagawa at hindi na nakakabuti sa ating anak.
Paano maging mabuting nanay? Lahat sa atin na mga mommies ay ito ang goal para sa ating mga anak. Pero tama ba kaya ang ating ginagawa upang makamit ang goal nating ito? Base sa pahayag ng mga eksperto, malaki ang tiyansa na marami sa atin ay taliwas sa pag-achieve nito.
Paano maging mabuting nanay
Bawat magulang ay ninanais na mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga anak. Kaya naman hangga’t maari ay ginagawa natin ang lahat upang maisakaturapan ito. Nandyan na magiging sobrang protective tayo, O.A., advance mag-isip at kung ano-ano pa. Pero minsan ba natanong mo kung tama ang ginagawa mong pagpapalaki sa iyong anak? Narito ang ilan sa mali nating pag-aakala tungkol sa paano maging mabuting nanay at kung paano mo maitatama ito.
Photo by RODNAE Productions from Pexels
1. Gusto mong maging perfect mom sa anak mo kaya lahat ay gagawin mo para sa kaniya.
Unang-una, ika nga ng isang kasabihan na lagi na nating naririnig, “Nobody’s perfect!” Kaya bakit mo pipilitin maging perpektong ina para sa mga anak mo? Hindi mo kailangan maging perpekto. Ang kailangan mo lang ay maging isang mabuting ina na makikitang magandang halimbawa ng anak mo. Kaya dapat kaysa ipilit na ibigay sa kaniya ang lahat ay isipin mo rin ang sarili mo. Dahil baka mamaya sa kapipilit mo ay ma-frustrate ka lang at lalong hindi mo magampanan ang pagiging ulirang ina para sa anak mo. Ang lagi mo lang tandan, ay dapat maging mabuti ka sa lahat ng oras. Isang bagay na gagayahin at susundin ng iyong anak na siguradong ikatutuwa mo bilang isang magulang.
2. Sinisisi mo ang iyong sarili sa nakikita mong pagkakamali ng iyong anak.
Muli walang taong perpekto. Ang mga pagkakamali ay nangyayari para matuto tayo. Ito ang humuhubog sa atin para maging mabuting tao. Ito ang kumokondisyon sa ating isip sa kung ano ba ang susunod ang dapat gawin at hindi. Kaya kung pakiramdam mo ay nagkakamali ka sa pagpapalaki ng iyong anak ay huwag mong sisihin ang iyong sarili. Ngumiti ka at sabihin sa iyong sarili. “Ayos lang yan Mommy. Tao lang tayo na nagkakamali. Nobody’s perfect nga di ba?” Pero dapat ay natututo tayo para maitama ang mga pagkakamaling ito.
3. Ikinukumpara mo ang iyong anak sa ibang bata at nais mong maging tulad siya ng isang taong iniidolo mo.
Bawat isa sa atin ay iba-iba. Unique kung tawagin. Iba-iba ang takbo ng isip natin. At kahit anak natin na mula sa dugo at ating laman ay hindi natin eksaktong kapareho. Kaya bakit mo ipipilit ang isang bagay na gusto mo para sa anak mo? Bilang magulang ay dapat mong irespeto kung sino ang anak mo. Pakinggan mo siya. Alamin mo kung ano ang nasa puso at isip niya. At mula doon ay suportahan at gabayan mo siya sa tama. Dahil ang anak mo ay hindi ikaw. Bilang isang tao ay may mga pagnanais rin siya na magbibigay ng ka-kontentohan at kasiyahan sa sarili niya.
4. Sinisisi mo sa kung sino o ano ang nakikita mong pagkakamali sa anak mo.
Sa panahon ngayon, isa na sigurong magandang regalo ang magkaroon ng buong pamilya para sa isang bata. Iyong may ama’t ina na gagabay sa kaniya. Ngunit hindi naman ibig sabihin na porket ina o ama lang ang mayroon siya, hindi na siya kumpleto? Kung anuman ang nangyari sa nakaraan o ngayon ay hindi mo na dapat itong sisihin pa sa kung anong nagiging epekto nito sa anak mo. Sa halip ay mag-isip ka ng mga paraan kung paano ito maitatama. Kung paano ito maisasaayos. Hindi makakatulong ang paninisi. Pero malaking bagay ang magagawa nang pag-iisip kung paano mas magiging mabuting halimbawa para sa iyong anak.
5. Ibinibigay mo lahat ng gusto ng anak mo kahit hindi mo na ito kaya.
Walang mas sasarap sa pakiramdam ng isang ina na makitang masaya ang iyong anak. Kaya naman marami sa atin na gagawin ang lahat para magawa lang ito. Ibibigay ang gusto nila, hilig at luho. Pero ang tanong ito ba talaga ang kailangan ng anak mo? Hindi basta bagay lang ang kailangan ng iyong anak. Bilang isang magulang, wala ng hihigit pa sa oras at pagmamahal na maibibigay mo sa kaniya. Wala itong katumbas na halaga. Dahil ang pera mauubos. Ang mga laruan maaaring masira. Pero ang oras na kasama ka ng iyong anak at maramdaman niya ang pagmamahal mo, kailanma’y hindi mabubura o mawawala.
Photo by Anthony Shkraba from Pexels
6. Masyado kang overprotective sa anak mo. Ayaw mo siyang magkamali o masaktan.
Muli bahagi ng pagkatuto ang pagkakamali. Kaya hayaan ang iyong anak na sumubok ng mga bagay na ikatututo niya. Hayaan mo siyang lumabas, madapa at tumayong muli. Turuan mo siyang maging independent. Turuan mo siyang maging responsable sa sarili niya. Magtiwala ka sa kakayahan niya. Suportahan mo siya at gabayan para sa ikabubuti niya.
7. Agad mong pinapagalitan ang iyong anak sa oras na siya ay may maling ginagawa o mali ang itinuturan niya.
Oo nga’t kailangan nating itama ang maling pag-uugali o kinilos ng ating anak, hindi mo naman dapat ginagawa ito sa paraang agresibo o kagagalitan siya. Dapat ay alamin mo muna ang pinagsimulan o dahilan ng behavior niyang ito. Upang malaman mo kung paano ito maitatama sa paraang maiintidihan niya. Maaaring gutom lang siya, pagod, masama pakiramdam o malungkot. Sa oras na malaman mo ang pinagmumulan ng maling behavior niya ay kausapin siya. At ipaintindi sa kaniya ang kahalagahan ng paggamit ng mga salita sa pagsasabi ng nararamdaman niya. Para ito’y agad mong ma-address o matugunan.
8. Pinipigilan mo ang iyong anak sa mga bagay na gusto niya dahil tingin mo’y ‘di angkop para sa kaniya.
Tulad nga ng una ng sinabi ko, lahat tayo ay magkakaiba. Maaring parang sa ‘yo ang isang activity o kinahihiligan ng iyong anak ay isang bagay na walang kuwenta. Ngunit para sa kaniya ito’y nagpapasaya o nagbibigay sa kaniya ng satisfaction. Hangga’t hindi naman ito nakakasama sa kaniya ay dapat suportahan mo ang anak mo. Respetuhin ang mga hilig niya. Ngunit patuloy siyang gabayan at alalayan.
9. Nagpopokus ka na magkaroon ng magandang kinabukasan ang iyong anak.
Labis na saya nga ang ating mararamdaman kung ga-graduate mula sa isang prestihiyosong eskuwelahan ang ating anak. Dahil ang paniniwala natin ito ang magbibigay ng magandang kinabukasan para sa kanila. Ngunit ang tanong, nag-ienjoy ba ang iyong anak sa eskuwelahan na pinasukan mo sa kaniya? Maaring hindi, ngunit hindi niya sinasabi sa ‘yo. Pero ito pala’y sobra ng nagpapahirap sa kaniya at nakakaapekto sa sana’y maayos niyang performance sa eskuwelahan. Mommy, tandaan ang iyong anak ay bata pa. Bilang bata dapat ay ini-enjoy niya muna ang kabataan niya. Ipasok siya sa eskuwelahan na magiging masaya siya. Hayaan siyang mag-spend ng oras upang gumawa ng mga karanasan na magtuturo sa kaniya ng magagandang aral.
Photo by Artem Beliaikin from Pexels
10. Ginagawa mo ba ang mga nabanggit? Mommy huwag mong sisihin ang iyong sarili, hindi ka masamang ina.
Hindi porket ginagawa mo ang ilan o kahit anuman sa nabanggit ay masamang ina ka na. Hindi iyan totoo. Maaaring iba lang ang paniniwala mo. Subalit hindi pa naman huli ang lahat upang maisaayos ito. Bumawi ka sa iyong anak. Iparamdam sa kaniya ang iyong pagmamahal, pasensya at pakinggan siya. Mahalin siya sa kung sino siya. Ang mga ito’y sapat na upang tawagin kang mabuting ina.
Ang mga tips na ito kung paano maging mabuting nanay ay mula sa pananaw at pag-aaral na ginawa ng mga child development expert na sina Dona Matthews, D. W. Winnicott at Bruno Bettelheim.
Source:
BASAHIN:
Ayon sa isang psychologist, narito ang maaaring gawin para maging close ang magkapatid
30 manners na kailangan matutunan ng iyong anak
STUDY: Ito ang masamang epekto kapag masyado mong pinupuri ang bata
- EXPERT: Kapag nasasaktan ang bata, hindi dapat sinasabihan na "maarte" siya
- 3 phrases o mga salita na dapat araw-araw mong sinasabi sa iyong anak
- Ogie Diaz on his daughter Erin: "Pagdating ng araw na iwan kayo ng asawa niyo, 'di kayo pwede pagmalakihan dahil may natapos kayo."
- 10 parenting mistakes kung bakit lumalaking hindi close ang bata sa magulang