Hindi maiiwasan na matutong magsinungaling ang mga bata. Kadalasan ay natututunan nila itong gawin pagdating ng 3 taong gulang. Maaari nila itong gawin para hindi mapagalitan o para sa kung ano mang personal nilang rason. Ganunpaman, mahalagang maituro sa bata kung paano maging tapat.
Ayon sa mga eksperto, may ilang mga paraan para maturuan ang bata na maging honest. Alamin natin ang mga sinasabi nila.
Alamin ang rason sa pagsisinungaling
Minsan, ang mga bata ay may iba’t ibang rason kung bakit sila nagsisinungaling. Maaaring ito ay dahil sa kakahiyan o anxiety kung may nakakahiyang nangyari na naranasan at ayaw ibahagi. Maaari rin na ito ay kanilang paraan para makaiwas gawin ang isang bagay o hindi matigil ang paggawa sa naeenjoy nilang gawain. Minsan naman ay nagsisinungaling din ang mga bata para sila ay mabigyan ng atensyon.
Kapag inalam ang rason sa pagsisinungaling, magagawang makiramay at intindihin ang pinagmumulan ng bata. Sa bawat sitwasyon na ito, ang pagkilala sa kanilang mga pananaw ay makakatulong na masmaging open sila sa pagbahagi ng katotohanan. Maaaring mapakita sa bata na ang pagiging tapat ay isang paraan ng pagiging matapang.
Karangalan ang pagiging tapat
Tulad ng pagpuri sa mga magagandang gawain ng mga bata para mas gawin nila ito, makakabuti na purihin at karangalan din ang kanilang pagsasabi ng totoo. Ang pagbahagi ng isang bagay na tingin nila ay nakakahiya ay kinakailangan ng tapang at tiwala na matapos nila itong sabihin ay kakayanin nilang harapin ang mga kahihinatnan.
Matapos magsabi ng totoo ng isang bata, purihin ang kanilang pagiging tapat. Ngunit, kung napapansin na tila hirap ang bata na sabihin ang totoo, tanungin sila dito sa malumanay na paraan. Huwag sila pilitin o kagalitan kapag hindi pa nila kayang ibahagi ang nais nilang sabihin. Ipaalala lamang sa kanila na ano man ito ay hindi magbabago ang pagmamahal mo sa kanila.
Iwasan ang “huli ka” na moments
Kung alam na ang bata ay nagsisinungaling dahil sa takot o kahihiyan, iwasan ang lalong bigyan ito ng pansin sa pamamagitan ng paghuli sa bata. Ang ‘huli ka’ na paraan ay maaaring maging rason para lalong umiwas ang bata sa pagbibigay ng buong katotohanan. Maaaring mapaamin nga siya sa oras na iyon ngunit maaari rin nitong maapektuhan ang mga pangyayari sa hinaharap.
Kadalasan, ang mga batang wala pang walong taong gulang ay hindi magagaling magsinungaling. Minsan ay maaaring mahuli silang hawak ang marker na ginamit para magsulat sa dingding. Huwag gamitin ito para piliting umamin ang bata sa nagawang pagkakamali. Imbes na tanungin pa siya kung sino ang nagdrawing sa dingding, makakabuting unahan siya ng “Mukhang sa dingding ka nagsulat at hindi sa papel. Paano natin ito lilinisin?” Iwasan ang pagtatanong at humanap agad ng solusyon.
Tulungan silang makita ang susunod na mangyayari
Maaaring ang bata ay kinakabahan o natatakot sa consequence ng kanyang pagsisinungaling. Kapag ganito, tulungan ang bata na malaman ang mga sunod na mangyayari at dapat gawin. Sanayin silang isipin kung ano ang maaari nilang gawin para masolusyonan ang iniiwasang problema.
Huwag kalimutan na kilalanin ang kanilang rason at humingi ng tawad imbes na magsinungaling. Matapos nilang magsabi ng totoo ay tsaka humanap ng paraan para maiayos ang mga problema.
Maging mabuting halimbawa
Tulad lagi, ang mga bata ay mas natututo sa kung ano ang kanilang nakikita sa kanilang mga magulang at hindi sa naririnig. Ang mga magulang ang pangunahing pinagbabasehan ng mga bata sa kung paano sila magiging pagtanda nila. Mula sa paghandle ng mga sitwasyon, pagkontrol sa mga emosyon, at kung paano maging tapat.
Ipakita sa iyong anak na hindi kailangang magsinungaling. Maaaring magsabi ng totoo habang itinuturo kung paano ihahandle ang sitwasyon para maiwasan o maharap ang dahilan ng pagsisinungaling ng bata. Aminin ang pagkakamali at na iyong haharapin ang mga kaakibat na sitwasyon nito.
Basahin din: STUDY: Ito ang epekto kapag nagsisinungaling ka sa iyong anak
Source: PBS
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!