May mga pagkakataon na hindi natin maiwasan na makapagsinungaling sa ating anak. Pero alam mo ba mommy o daddy, mayroon pala itong hindi magandang epekto sa bata. Alamin dito ang masamang epekto ng pagsisinungaling sa iyong anak.
Masamang epekto ng pagsisinungaling sa bata
Lahat tayo ay gustong lumaking mabait at matapat ang ating anak. Tinuturo natin sa kanila na masama ang magsinungaling. Subalit may mga pagkakataon na tayo mismo ay nagsisinungaling sa kanila – minsan para sa kanilang kapakanan at kaligayahan at minsan naman para maiwasan ang kanilang kakulitan.
May mga tinatawag tayong “white lies” o mga kasinungalingan na “harmless” at sinasabi para hindi masaktan ang damdamin ng ibang tao.
Ano ang white lies?
Bilang mga magulang, nagagawa nating magsabi ng white lies para maprotektahan ang kanilang kabataan (tulad ng paniniwala kay Santa Claus o sa Tooth Fairy).
Minsan din, para mahikayat silang sumunod, nagsasabi tayo ng mga bagay na walang katotohanan. Halimbawa, gusto nilang lumabas o mayroon silang gustong bilhin. Hindi sa lahat ng oras ay kaya natin silang pagbigyan, at makakasama ito sa kanila kaya sasabihin natin na sarado ang mall, o kaya na wala tayong pera o wala ang pinapabili nilang laruan sa toy store.
Nasabi mo na rin ba ang mga ito sa iyong anak? Kadalasan, nagagawa nating magsinungaling para rin sa kanilang kapakanan.
Subalit napag-alaman sa isang pag-aaral ang masamang epekto ng pagsisinungaling sa mga bata.
Pag-aaral sa masamang epekto ng pagsisinungaling sa bata
Sa pagtutulungan ng Nanyang Technological University, University of Toronto, University of California, at Zhejiang Normal University, isinagawa ang isang pag-aaral tungkol sa pagsisinungaling ng mga magulang sa kanilang anak. Dito ay inalam nila kung ano ang mga masamang epekto ng pagsisinungaling sa bata.
Nag-survey sila sa 379 na kabataan mula Singapore. Tinanong nila ang mga kalahok kung naaalala ba nilang nagsinungaling ang kanilang magulang noong sila ay bata pa. Inalam din ng mga mananaliksik kung ano ang naging epekto nito sa kanilang pagtanda. Lumaki ba sila nang maayos?
Masamang epekto ng pagsisinungaling sa bata
STUDY: Ito ang epekto kapag nagsisinungaling ka sa iyong anak | Image from Unsplash
Hindi kagulat-gulat ang natuklasan ng mga mananaliksik – ang pagsisinungaling sa bata ay maaaring magdulot ng kawalan ng tiwala sa mga magulang.
Ito naman talaga ang pangunahing epekto ng pagsisinungaling kahit kanino. Subalit para sa magulang at kaniyang anak, malaki ang epekto nito sa attachment at relasyon sa isa’t isa. Ayon sa pag-aaral, ang attachment ay matinding predictor ng kahahantungan ng isang bata sa kaniyang paglaki.
Napag-alaman ng mga mananaliksik na may matibay na ugnayan ang pagsisinungaling ng mga magulang sa pagsisinungaling ng mga anak.
Hindi man direktang magkaugnay, may epekto ang pagsisinungaling sa psychosocial maladjustment, pag-internalize ng problema, at psychopatic na mga katangian ng isang tao.
May kaugnayan din ang pagsisinungaling sa panlabas na ugali. Nakita ng bagong pag-aaral ang ugnayan ng pagsisinungaling sa pagkagambala, problema sa ugali, at kakulangan ng kakayahang magkontrol ng sarili.
“Totoo ba ito, Mommy?”
Masaya maging bata dahil napakainosente ng kanilang pananaw sa mundo. Naniniwala sila sa make-believe at pantasya. Naniniwala sila na pwede nilang hilingin ang anumang gusto nila kay Santa Claus, at kapag nilagay nila ang kanilang natanggal na ipin sa ilalim ng unan, kinabukasan ay mayroong pera mula sa Tooth Fairy.
Siyempre, alam natin kung sino talagang bumibili ng mga regalo nila at naglalagay ng pera sa ilalim ng unan. Pero nakakasama ba na hinahayaan natin silang maniwala sa mga ito?
Ayon kay Vicki Hoefle, isang sikat na parenting author at educator, wala namang masama sa mga paniniwalang ito, dahil parte na ito ng kultura na kinalakihan ng ating mga anak.
“It’s upholding traditions that are important to you,” aniya.
Subalit hindi naman habang-buhay ay paniniwalaan ito ng iyong anak at kailangan mong maging handa kapag natuklasan niyang hindi totoo ang mga paniniwalang ito.
Ani Hoefle, kapag nagsimula na silang magtanong kung totoo ba ang mga ito, senyales ito na handa na silang malaman ang totoo at ito na ang pagkakataon mong kausapin sila.
Nariyan din ang mga bagay na mahirap pag-usapan tulad ng kamatayan at mga krimen. Pagdating sa kamatayan, kailangang maipaliwanag ito nang maayos sa mga bata at huwag magsinungaling at sabihing natutulog lang ang kanilang alagang aso kung talagang namatay na ito. Kailangang maintindihan ng bata ang konsepto ng kamatayan dahil parte ito ng buhay.
Subalit sa mga karahasan at krimen, mas maiging protektahan ang bata mula sa mga balitang ito. Subalit kung nangyari ito sa inyong komunidad at interesado ang bata rito. Maaari mong ipaliwanag ito sa kanya at alamin ang kaniyang reaksyon. Tulungan silang maintindihan ang pangyayari at iparamdam sa kanila na hindi nila kailangang matakot.
Pagsisinungaling sa iyong anak para makaiwas
Pero may mga pagkakataon din na ang pagsisinungaling sa bata ay ginagawang escape route ng mga magulang. Mas “madali” kasi ito kaysa marinig silang magtanong, magmaktol o umiyak.
Subalit ayon kay Alyson Schafer, isang parent educator at nagsulat ng librong Honey: I Wrecked the Kids, maaari itong magdulot ng masamang epekto sa iyong anak.
“That deception is not for the child’s betterment, it’s a parent coming up with a lazy answer. It’s a parent saying, ‘I don’t feel like getting pushback from my kid,” aniya.
Dagdag pa ni Schafer, bukod sa ipinarating nito sa bata na ayos lang magsinungaling, nawawala rin ang seguridad na nararamdaman niya sa kaniyang mga magulang.
“Kids globalize and say, ‘My parent is a liar. Are they also lying about loving me?’ The security system of the child is undermined. Kids need a lot of stability.” aniya.
STUDY: Ito ang epekto kapag nagsisinungaling ka sa iyong anak | Image from Unsplash
Kaya naman para maiwasan ang masamang epekto ng pagsisinungaling sa bata, mas mabuting iwasan na lang ito. Maaaring mas mahirap na pakinggan ang kaniyang mga pagrereklamo at pag-iyak, subalit parte ito ng kaniyang paglaki at kailangang pagdaanan ito.
Kapag sinabi ang totoo sa bata, gaano man ito kahirap tanggapin sa umpisa, unti-unti niya naman itong matatanggap at may matututunan pa mula rito.
Naitataguyod din ng pagsasabi ng totoo ang kanilang instincts kung paano umiikot ang mundo. Malaki ang posibilidad na alam na nararamdaman na ng bata kung ano ang mangyayari.
Kapag ang magulang ay nagsinungaling bilang pampalubag-loob sa bata, naaapektuhan nito ang kanyang kaalaman sa ’cause and effect’.
Importante rin ito para mapanatiling matatag ang iyong relasyon sa iyong anak at ang kaniyang tiwala sa iyo.
BASAHIN:
7 sitwasyon kung saan makakabuting imbis na pagbigyan ay mag-NO ka sa anak mo
Batang nagsisinungaling: Pagtuturo ng katapatan sa bata
7 warning signs na kulang sa disiplina ang isang bata
Paano kapag nahuli kang magsinungaling?
STUDY: Ito ang epekto kapag nagsisinungaling ka sa iyong anak | Image from Unsplash
Kapag nahuli ka naman ng iyong anak na nagsinungaling, hindi pa rin huli ang lahat. Maaari pa itong ayusin sa pamamagitan ng pagsasabi ng totoo.
Aminin sa bata na ikaw ay nagsinungaling, humingi ng tawad, at ipaalam sa kanyang hindi na ito mauulit at susubukan mong maging mas mabuti.
Hindi lamang nito naaayos ang pagtitiwala ng bata sa magulang, natuturuan din sila ng tama at mali, at ang pag-amin sa nagawang mali.
Subalit kapag sinabi mo ito sa iyong anak, siguruhin na gagawin mo talaga at susubukan na hindi na sirain ang kaniyang tiwalang ibinigay sa ‘yo.
Laging tandaan na bilang mga magulang, tayo ang pangunahing modelo ng ating mga anak. Kaya naman sikapin nating maging mabuting halimbawa sa kanilang sa pamamagitan ng pagiging tapat sa kanila at sa ibang tao.
Iwasan din nating gumawa ng mga bagay na ayaw nating gayahin nila at piliin ang “shortcuts” pagdating sa pagdidisiplina sa ating mga anak.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!