Paano magpalaki ng isang mabuting anak? Alamin dito ang mga maaari mong gawin.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano magpalaki ng isang mabuting anak?
- Mga dapat isaisip ng mga magulang para masigurong lalaking mabuting bata ang iyong anak.
Paano magpalaki ng isang mabuting anak?
Ito ang tanong na nais ng bawat magulang na masagot. Dahil napakasarap sa pakiramdam na lumalaking nagtatagay ng mabuting asal ang ating anak.
Ayon sa licensed marriage and family therapist na si David Schwartz, malaki ang papel na ginagampanan nating mga magulang para maisatuparan ang nais nating ito.
Paano at ano ang papel natin para matupad ang goal na ito? Narito ang mga paraan ayon kay Schwartz kung paano mapalaking mabuti at matulungin ang iyong anak.
1. Maging mabuting modelo o ehemplo sa kaniya.
People photo created by tirachardz – www.freepik.com
Dahil sa tayo ang laging kasama at pinagkakatiwalaan ng ating anak, ang bawat nakikita niya na ating ginagawa ay kaniyang ginagaya.
Kaya naman kung nais natin siyang maging mabuti at matulungin sa kapwa ay dapat ganoon rin ang ating ipinapakita sa kaniya. Maging mabuti rin sa iyong kapwa.
Maging maayos ang pakikitungo sa sinumang iyong kaharap o nakakasalimuha. Kung may nangangailangan ng tulong ay huwag mag-dalawang isip at ipaliwanag sa iyong anak kung bakit mo ito ginagawa. Kung ito ang lagi niyang nakikita at kinalakihan, paniguradong ito na ang kaniyang gagayahin at makakasanayan.
2. Ituro sa iyong anak na maging compassionate sa kaniyang kapwa.
Isa pang paraan para lumaking mabuting bata at matulungin ang iyong anak ay ang pagtuturo sa kaniya na maging compassionate.
Ito ang ugali na kung saan siya’y nagpapakita ng empathy o concern sa mga nararamdaman o nararanasan ng ibang tao sa paligid niya.
Tulad na lang halimbawa, kung may nagawang pagkakamali ang iyong anak. Halimbawa, aksidente niyang nabasag ang isang mamahaling gamit sa inyong bahay.
Kaysa agad siyang sigawan o pagalitan, ay puntahan agad siya at tanungin kung kumusta siya o kung nasaktan ba siya. Kausapin siya at sabihing huwag mag-alala basta ang mahalaga ay maayos siya.
Linisin ang nabasag na gamit at manatiling kalmado sa harap ng iyong anak. Sa ganitong paraan ay naipapakita mo na hindi siya dapat nagwawala o nagagalit kung may hindi inaasahang pangyayari.
Sa halip, dapat siyang manatiling kalmado para makagawa siya ng maayos na desisyon. Ito ay habang nasisigurado na maayos at hindi nasaktan ang mga tao sa paligid niya.
Photo by Alex Green from Pexels
BASAHIN:
Makulit ang anak, ito raw ang dapat gawin ni daddy, ayon sa study
3. Ipaliwanag sa kaniya ang kahalagahan ng pagiging sensitive sa feelings na iba.
Para maging compassionate, ang isang bata ay dapat matuto siya na maging sensitive sa feelings ng iba. Ang unang paraan para ito ay magawa ay sa pamamagitan ng pagtuturo sa kaniya sa kung paano nagko-communicate ang bawat isang tao.
Sa pamamagitan ng salita, sa kilos o facial gestures nila. Ipaliwanag sa kaniya ang iba’t ibang uri ng emosyon at kung kailangan niya dapat bigyan ng tulong ang kaniyang kapwa.
Ang pagiging sensitive sa feelings ng iba ay maaari mo ring maituro sa iyong anak sa pamamagitan ng pagpapakita sa kaniya ng acts of kindness o pagtulong sa iba.
Tulad na lamang halimbawa sa pamamagitan ng pag-aalalay sa isang matanda na tumatawid sa kalsada. O kaya naman ang pagtulong sa pagpupulot sa mga aksidenteng nagkalaglagang gamit ng isang ginang habang siya ay naglalakad.
Ilagay sa isip niya na kung siya ang nasa parehong sitwasyon, ano ang mararamdaman niya? At ano kaya ang maaaring gawin ng kaniyang kapwa para mapagaan ang pakiramdam niya. Ito ang dapat niya ring gawin para matulungan ang iba at masigurong maayos ang pakiramdam nila.
Ang tatlong paraan na ito ay ang pinakamahalagang hakbang na dapat gawin para masigurong lalaking mabuti at matulungin ang iyong anak.
Napakahalaga ng iyong papel para maisakatuparan ito. Tandaan na ang bawat kilos na iyong ginagawa ay kaniyang ginagaya. Kaya naman dapat mong siguraduhin na ikaw ay magiging mabuting halimbawa sa lahat ng oras sa kaniya.
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels